"SAAN KA na naman pupunta, Charity?" sita sa kanya ng nakakatanda niyang kapatid, si Mildred. Kadarating lang nito buhat sa night shift na trabaho. Nangangalumata na ang itsura dahil as usual, hindi lang ito otso oras nagtrabaho. Na-overtime na naman at mukhang isang hikab na lang ay bibigay na sa antok.
Pero sa tinig nito, mali yata ang una niyang impresyon. Mukhang may energy pa ang kapatid niya upang makipagtalo na naman sa kanya. Sa tono pa lang nito ay naroroon na agad ang pagkontra sa kanya kaya naman sa halip magpaalam nang maayos ay katarayan din ang isinukli niya. "Sa Megamall."
"Malalakwatsa ka na naman?" Lalong tumaas ang tinig nito. "Kung naghahanap ka ba naman nang matinong trabaho, di natuwa pa ako sa iyo kahit alis ka nang alis ng bahay. O baka naman makikipag-date ka na naman sa Dominic na iyon?"
Lalo din naman siyang napikon. Nakalimutan niya na mas matanda rin ito sa kanya. At ito na rin ang nagsilbing magulang sa kanya buhat nang maulilang-lubos sila anim na taon na ang nakakalipas.
"May trabaho ako, in case nakakalimutan mo," pabalang na sagot niya. "Saka wala kaming date ni Dominic ngayon. Bukas pa," naniniryang sagot niya. Mula't sapul ay hindi niya maunawaan kung bakit disgusto ng kapatid niya ang lalaki gayong wala namang masamang ipinakikita dito ang kanyang nobyo.
"Matatag bang trabaho ang mag-emcee sa mga kasalan?" Sa boses nito, alam niyang mas nakatuon ito sa pangungulit sa kanya na humanap siya ng trabahong maituturing na stable. "Araw-araw ba namang may magpapakasal diyan sa Romantic Events? Sinasayang mo ang panahon mo, Charity. Maanong magpasa ka ng resume sa kumpanyang pinapasukan ko at ako na ang bahala sa papel mo. Aba'y dapat ngang magpasalamat ka sa akin. Sa dinami-dami ng lumalapit sa akin para tulungan ko, wala akong isa mang pinagbigyan dahil inirereserba ko nga ang paghingi ko ng pabor sa management para sa iyo," mahabang litanya nito.
Sambakol ang mukhang ipinakita niya sa kapatid. "Puwede ba, Ate? Ayokong magtrabaho sa call center. Ayokong gumaya sa iyo na mukhang bampira. Nagtatrabaho sa araw, tulog sa gabi."
"Shifting talaga ang trabaho sa call center. At mientras gabi ang trabaho, mas malaki ang kita dahil sa allowances at night differential. Open overtime pa. Charity, ang daming nagpapakahirap mapasok sa call center. Ikaw naman, kung susunod ka lang sa akin, mapapasok ka nang hindi man lang pagpapawisan sa interview! Iyong iba, kumukuha pa ng refresher course sa speech and grammar para maipasa ang interview. Ikaw, alam kong matalino ka at kayang-kaya mo iyong ipasa kaya hindi ako mapapahiya. Madali pang ma-promote. Tingnan mo nga ako, wala pang isang taon, dalawang beses na akong umangat sa puwesto."
"Mas masaya akong mag-wedding emcee." At bago pa kumontra ang kanyang kapatid ay nagsalita na ulit siya. "At huwag mong matahin ang kinikita ko sa trabaho kong iyon. Remember, nakakapag-share ako sa gastusin natin dito sa bahay. At hindi rin ako nanghihingi ng pera sa iyo. Sunod pa ang luho ko sa katawan. Ibig sabihin, kaya kong buhayin ang sarili ko sa trabaho kong iyon."
"Hindi ka ba nanghihinayang na magkaroon ng mga benefits na kagaya ng sa akin?"
"Hindi," mabilis na sagot niya. "Masaya ako sa trabaho ko. Marunong din akong humawak ng pera ko kaya kahit wala akong mga benefits na sinasabi mo, may dudukutin ako kapag nangailangan ako." Isinukbit na niya ang kanyang bag at tinungo ang pinto. "Bye, Ate. I'm sure, pagpasok mo mamaya ay bukas na ang uwi mo. Magpa-shift ka naman sa umaga, Ate. Kung hindi mo napapansin, maputla ka na. Kulang ka na sa Vitamin D, as in sunshine." Ngumisi siya dito at tumalikod na.
*****
PAGDATING sa Megamall ay nakalimutan na rin ni Charity ang pinagtalunan nilang magkapatid. Mababaw lang naman iyon kung tutuusin. At dahil kilala niya ang kanyang ate, nakakatiyak pa siyang pag-uwi niya mamaya, bago ito pumasok sa trabaho ay may lutong pagkain na itong iiwan para sa kanya.

BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 10 - CHARITY - The Wedding Emcee
Romance"Ikaw ang ngayon. Ikaw ang gusto kong maging ngayon ko at bukas. I told you, I'm beginning to love you. And I know it won't be hard for me to love you more." *** Labis na nasaktan si Charity nang matuklasan niyang niloko lang siya ng boyfriend niya...