TAHIMIK na napailing si Edmund at iniligpit ang nililihang cabinet. Kung kailan pa naman siya sipag na sipag sa ginagawa ay saka nagbadyang bumuhos ang ulan. Eksaktong nailigpit niya iyon ay pumatak na nga ang ulan. Buhat sa likuran ng bahay at tumuloy siya sa study room ng malaking bahay na iyon—kung saan malimit siyang magpirmi kapag pakiramdam niya ay wala na siyang iba pang gagawin.
Pagpasok pa lamang niya roon ay dama na niya ang pamilyar na pagbigat ng kanyang dibdib. Masokista siguro siya sapagkat alam na niyang pahihirapan lang naman niya ang kalooban pero maya't maya ay naroroon din naman siya sa study nagsilbing sanktwaryo sa kanyang pamamalagi sa bahay na iyon.
Nilapitan niya ang antique chest sa isang panig ng silid. Nasa ibabaw niyon ang mga nakakuwadrong larawan. Replay ng mga naunang pagkakataon ang kilos niya. Isa-isa niyang hahawakan ang bawat kuwadro at hahaplusin ang nasa larawan.
At halos dati na rin ang ekspresyon na lalambong sa buong mukha niya. Kalungkutan at pangungulila.
Malungkot na paghinga ang pinakawalan niya. He was missing them a lot. At sa mga mata niya ay mababasa ang pagsisisi.
Naupo siya sa isang tumba-tumbang rattan. Buhat doon ay natatanaw niya ang hilera ng mga kuwadro. Salitan niyang tinitingnan ang mga iyon at ang mismong hawak niya.
Hindi niya alam kung hanggang kailan siya magmumukmok ng ganito. Basta ang alam niya, siya rin naman ang pumili ng ganitong sitwasyon. Kahit na ipinagtutulakan siya ng pamilya na muling makihalubilo, mas gusto pa rin niyang nag-iisa lang sa lugar na iyon.
Naalala niya ang babaeng nakausap niya sandali nang mapilitan siyang daluhan ang kasal na dapat sana'y ang kanyang mama ang dadalo. Hindi niya masasabing ubod ng ganda ang babaeng iyon subalit may natural itong panghalina. Bukod doon ay masarap din itong kausap. Pero hindi niya ito lubos na nakilala sapagkat mayroong tumawag dito.
Nang lisanin niya ang kasalang iyon ay nasa isip pa rin niya ang babae. May isang pagkakataon na binalak niyang lapitan ito subalit siya na rin ang pumigil sa kanyang sarili. Isang malaking hakbang para sa kanyang sarili kung gagawin niya iyon. Katumbas iyon ng pagsisimula niyang harapin nang muli ang mundo. At hindi pa niya tiyak kung handa na nga ba siyang pumasok muli sa sirkulasyon.
Bumalik siya sa Cagayan subalit may ganitong pagkakataon na naaalala niya ang babaeng iyon. Hindi niya alam kung nangangahulugan iyon na nagbibigay interes na siya sa ibang babae. At hindi rin niya alam kung iyon na nga ba ang tamang pagkakataon. At iyon na rin ang tamang babae.
Isang buntong-hininga ang ginawa. Siguro kung muli ay magtatagpo ang landas nila ng babaeng iyon, hudyat na iyon upang magsimula na siyang muli.
"Tao po! Tao po!"
Napakunot ang kanyang noo nang marinig ang pagtawag na iyon. Ang pinakamalapit niyang kapitbahay ay halos dalawandaang metro ang layo sa kanya sa lawak ng kanyang bakuran. At walang umaabala sa pamamalagi niya roon na siya namang kagustuhan niya.
Hindi siya agad kumilos. Hinintay niyang umulit ang pagtawag. At lalong lumalim ang gatla ng kanyang noo nang mabosesang babae ang tumatawag.
Ibinalik ni Edmund sa dating kinalalagyan ang kuwadrong hawak niya. Kagaya rin ng dati, ikinandado muna niya ang silid bago tuluyang lumayo doon.
"Tao po!" tila insistent na tawag buhat sa labas.
"Sandali lang!" malakas na sagot niya. Pagbukas niya ng pinto, nakita niya ang isang babaeng basa ng ulan at yakap sa dibdib ang isang bata. "Bakit?"
"M-makikisilong lang ho sana. Nasiraan ako ng sasakyan, eh."
Luminga siya. Sa panahong marami na ang manloloko, mahirap nang basta-basta na lang magtiwala. Pero nang marinig niya ang pag-iyak ng bata, nangibabaw ang pagiging likas na maunawain niya. Mabilis niyang binuksan ang tarangkahang bakal ng terrace. "Tuloy kayo."
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 10 - CHARITY - The Wedding Emcee
عاطفية"Ikaw ang ngayon. Ikaw ang gusto kong maging ngayon ko at bukas. I told you, I'm beginning to love you. And I know it won't be hard for me to love you more." *** Labis na nasaktan si Charity nang matuklasan niyang niloko lang siya ng boyfriend niya...