"MISS JULIANNE de Luna."
"Yes? Sino sila?" sagot niya sa lalaking bumungad sa kanyang shop. Pormal ang bihis ng may-edad na babae. At sa kutob niya, malabo itong maging kliyente niya. Wala sa itsura nito na may interes ito sa mga wedding gown.
"Attorney Priscilla Romero," pakilala nito at inilahad ang kamay sa kanya. Tinanggap naman niya iyon. "Abogado ako ni Mildred Sunico," wika pa nito.
Napatango siya. "Ano ho ang maipaglilingkod ko?"
Napangiti ito. "Naparito ako upang basahin sa iyo ang iniwang testamento ng matanda."
Nagulat siya. "Ho? Hindi naman ho kami magkamag-anak ni Auntie Mildred."
"Bigyan mo ako ng labin-limang minuto at mauunawaan mo ang pakay ko," malumanay na wika nito. "Saan ba tayo maaring mag-usap dito na hindi tayo magagambala?"
Nagtataka man ay dinala niya ito sa pribado niyang opisina. "Lea, ikaw na muna ang bahala dito. Huwag mo kaming iistorbohin," bilin niya sa isa niyang assistant bago isinara ang pribadong opisina.
"Babasahin ko na ba?" tanong sa kanya ng abogado matapos itong maupo sa kaibayo ng kanyang malapad na mesa.
"S-sige ho," tugon niya bagaman hindi pa rin niya maintindihan kung bakit kailangang sa kanya basahin ang testamento.
"Buweno, makinig ka, Miss de Luna... Bilang isang mabuting tao na nagpasaya sa mga huling araw ko sa lupa, ipinagkakaloob ko kay Julianne bilang regalo ang dalawang studio type apartment na siyang inookupahan niya ngayon."
Napapikit si Julianne. Kakaibang ligaya ang bumalot sa kanya sa narinig. Bagaman hindi niya inaasahan iyon, lubos siyang nagpapasalamat sa pamanang iyon.
"Napakabait talaga ni Auntie Mildred," aniya.
"May kasunod pa, hija. Ang natitira pang dalawampu't walong unit pati ang mismong bahay ko, samakatwid ay ang kabuuan ng apartment building at ang lupang kinatitirikan nito ay iniiwan ko kay Julianne de Luna."
Napaangat angpuwitan ni Julianne buhat sa kanyang kinauupuan. "Ho?"
Tiningnan lang siya ng abogado at hindi na niya nagawang magsalita pa. Dahil sa narinig ay daig pa nang hinampas sa ulo ang pakiramdam niya. Maniniwala ba siya sa narinig o isang biro lamang ang lahat?
"Ang limang ektaryang bukid sa San Miguel at ang bahay at lupa sa San Rafael na siyang ari-arian ko sa Bulacan ay iniiwan ko rin kay Julianne. Ang dalawang accounts ko sa bangko na may kabuuang dalawampu't tatlong milyon, gayundin ang mga alahas na naipundar ko at minana mula sa aking angkan ay kay Julianne din mapupunta."
Napanganga siya.
"Hija?" concerned na tanong sa kanya ng abogado.
"Nagbibiro ho ba kayo?"
Umiling ito. "Trabaho ko na basahin ito sa iyo, Miss de Luna. Pero bibigyan din kita ng kopya. At makikita mo na pirmado ito ng namayapa." Tumikhim ito. "Hayaan mong ituloy ko ang pagbabasa."
Napatango na lamang siya.
"Subalit may isang kondisyon ako bago maisalin sa pangalan ni Julianne ang lahat ng iniiwan ko sa kanya. Sa loob ng anim na buwan ay kailangan niyang makahanap ng mapapangasawa."
"Oh my God!" hindi nakatiis na bulalas niya.
"Patapusin mo ako, hija," pormal na wika sa kanya ng abogado. "Pagkatapos ng kasal ni Julianne sa sinomang lalaking kanyang pipiliin ay kailangan niyang makisama dito bilang tunay na mag-asawa sa loob ng tatlong taon. Kung bago lumampas ang tatlong taon at magkaanak si Julianne, ang kalahati ng aking pag-aari ay awtomatikong ipapangalan sa anak ni Julianne habang si Julianne naman ang tatayong tagapangalaga ng nasabing ari-arian hanggang sa tumuntong sa edad na dalawampu't lima ang kanyang anak.
"Pagkatapos ng tatlong taon, halimbawa mang hindi nagkaanak si Julianne subalit sa loob ng panahong iyon ay nagsama silang mag-asawa, isasalin na ng aking abogado ang lahat ng aking pag-aari kay Julianne.
"Sa unang anim na buwan mula sa araw na basahin ang testamento kong ito kay Julianne ay ang aking abogado muna ang tatayong administrador sa aking mga paupahan at tagapangalaga sa iba ko pang ari-arian. Ang kikitain sa loob ng anim na buwan ay iipunin sa bangko at ang halagang iyon ay awtomatiko nang mapupunta kay Julianne sa sandali na siya ay ikasal sa loob ng anim na buwan kong taning.
"Subalit kung hindi makakasunod si Julianne sa aking kondisyon, malungkot man ay wala akong magagawa kundi iwanan ang lahat ng aking yaman sa aking malayong pamangkin na si Cynthia."
Napapikit siya nang mariin. Sa pagkakataong iyon, anumang salita ay parang hindi aalpas sa kanyang bibig.
"Heto ang kopya mo ng testamentong ito, hija," wika ng abogado at isinara na ang folder na hawak nito.
Tahimik na kinuha niya iyon. Pinasadahan lang niya ng tingin ang nilalaman ng testamento. Mas tumutok ang kanyang mga mata sa mismong pirma ni Auntie Mildred. Pirma nga iyon ng matanda.
"Kilala mo ba si Cynthia?" tanong sa kanya ni Atty. Romero.
"Sa kuwento lang ho ni Auntie Mildred."
Napatango ito. "At hindi maganda ang kuwento tungkol kay Cynthia, di ba?"
Siya naman ang napatango.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Feel free to vote and comment; and share the link, too.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 12 - JULIANNE - The Bridal Gown Designer
Romance"I've never been happier in my life, honey. I've never been this in love before. I'm so glad you came into my life." *** Hindi inaasahan ni Julianne na sa kanya ipapamana ni Mildred Sunico ang lahat ng kayamanan nito sapagkat hindi naman siya kadug...