Part 3

6.3K 177 6
                                    

"HEY, JULIANNA!" Abot-hanggang tenga ang ngiti ni Maxine nang dumating ito. No wonder why, mula nang hindi matuloy ang kasal nina Xanderr at Agatha ay daig pa ni Maxine ang nanalo ng jackpot sa lahat ng sugal sa bansa. Mag-best friends ito at si Xanderr. At ang dakila niyang kaibigan, noon pa pala in love sa lalaki. Iyon nga lang hindi nito masabi-sabi iyon. Mabuti na lang at nakialam ang tadhana at ito pa rin at si Xanderr ang magkakatuluyan.

"O, ang aga mo," aniya. "Akala ko ba, lunch time pa ang dating mo? Saka nasaan iyong lunch na sinasabi mo? Inimbitahan ko pa naman ang landlady ko na dito na mag-lunch dahil ang alam ko, dadalhan mo ako ng lunch."

Bumungisngis si Maxine. "Para kang armalite na rumaratatat! Napaaga ako kasi sandali lang naman ako kay Dindin. You know, ngayon kami nag-finalize kung anong cake ang gagawin sa kasal ko. Iyong lunch, huwag mong problemahin. Susunod dito si Xanderr para siya ang magdala ng lunch."

"Eh, akala ko nga pala magkasama kayo ni Xanderr?"

"Magkasama nga kami. Pinauwi ko lang siya sandali para kunin sa mommy niya iyong pangako kong lunch sa iyo. Clear na po?" nanunudyong wika nito.

"Yeah, clear. Look at this. Okay na ba sa iyo ang ganitong design?" Ipinakita niya rito ang sketch pad. "Nandiyan na ang detalyeng gusto mo. Strapless neckline, corset bodice, A-line silhouette, floor-length hemline, dropped waistline and chapel train," isa-isa niyang idinetalye ang gown nito."

Sandali lang tiningnan ni Maxine ang drawing niya. "Wow! Eksakto sa gusto ko," anito. "Tahiin mo na, bilis!!!"

"Luka-luka. Eto ang swatches ng telang puwedeng gamitin sa style na iyan. Pumili ka."

"Hmp! Ikaw na. Malay ko ba diyan. Kung camera sana iyan, alam ko ang the best."

"Wala ka nang ipapabago sa design o ipapadagdag kaya?"

"Ikaw na ang bahala. Alam ko na namang mapagkakatiwalaan ang trabaho mo."

"Nambola pa," nangingiting sabi niya. "Hindi na kailangan ng maraming borloloy sa style na ito. Mas simple, mas maganda. Lalagyan ko na lang sa section na ito ng mga swarovski crystals."

"Bahala ka.. Julianne, ikakasal na ko," sabi ni Maxine sa pakantang tono.

"Obviously," sagot niya.

"Ikaw na lang ang natitira sa wedding girls."

Napabuntong-hininga siya. "Sabi ko na nga ba, iyan ang susunod mong sasabihin, eh."

"Wala ka bang balak na sumunod na?"

"As if, ganoon lang iyon kadali."

"Pero gusto mo na ba?" tanong pa nito.

"Gusto ko kung mahal ko ang lalaki. Kung iba ang dahilan, ayoko. As in A-Y-O-K-O. All caps iyon, ha."

"Uso naman ang whirlwind romance. Sana mangyari iyon sa iyo. Remember, si Andie, na-in love nang mabilis. Si Charity ganoon din. In almost two week's time, natagpuan niya ang kanyang love of her life. Kaya ayun, pakiusapan pa sa kanya na mag-wedding emcee. I'm sure, kung hindi lang ako kagaya ninyong wedding girls, tatanggi na naman iyon. Nagrereklamo na nga si Eve. Mukhang kailangan na raw niya ng isa pang wedding emcee. Kasi nga si Charity, buhat nang ma-in love, kay Edmund na lang gustong paikutin ang buhay niya. Kungsabagay, I can't blame her. Ako nga, titigan ko lang si Xanderr buong maghapon, okay lang kahit mag-multiply na ang cellulite ko sa katawan."

"Hoy, Maxine! Tumigil ka. Anong multiply ng cellulite? Keep yourself fit. Baka naman pag-alter-in mo pa ako ng wedding gown mo kung kailan last minute."

Tumawa lang ito. "Iyong damit ng mga secondary sponsors ko, okay na?"

"Okay na ang designs. Ready na rin ang tela. Hinihintay ko na nga lang tawagan iyang mga wedding girls na iyan para pumunta dito at masukatan. Ikaw naman, puro may mga asawa pa ang pinili mong abay."

"And so? Gusto ko, member ng entourage ang mga wedding girls, eh. Saka hindi naman lahat, may-asawa. Ikaw, maid of honor kita, wala ka namang asawa, ah?"

"Oo na nga."

"Julianne," tawag ni Auntie Mildred na bumalik sa shop niya. "May kliyente ka pala?"

"Si Maxine po iyan. Iyong photographer namin sa Romantic Events. Siya po ang ginagawan ko nitong pangkasal."

"Hello po!" nakangiting bati dito ni Maxine.

"Hoy, Max, tawagan mo na si Xanderr. Sabihin mo, kumpleto na dito ang mga pakakainin niya ng lunch. Inimbitahan ko rin si Auntie Mildred dito, eh."

"Sandali." Kinuha nito ang telepono at lumayo nang kaunti sa kanila.

"Juli, hija, tingnan mo itong tela. Maganda, di ba?" lapit pa sa kanya ng matanda.

Nakuha ng telang ibinaba nito sa kanyang mesa ang buong atensyon niya. Hindi lang iyon maganda. Magandang-maganda. Bilang isang designer, alam niya ang uri ng telang primera klase talaga. At isa sa mga telang iyon ang nakikita niya ngayon.

"Ang ganda, Auntie," buong paghangang sabi niya at hinaplos pa iyon. "Ang mahal-mahal ng ganito." At hindi niya napigil na sabihin kung ilang libo kada yarda ang halaga ng telang iyon.

"Puwede mo ba iyang tahiin ngayong buwang ito?" tanong nito.

Hindi siya agad nakasagot. Hindi lang gown ni Maxine ang tututukan niya para sa buwang iyon. Kasali na rin doon ang damit ng buong entourage. Pero para kay Auntie Mildred, gagawan niya iyon ng paraan.

"S-sige, Auntie. Ano bang yari ang gusto mo?"

"Gown. Iyong uso noong dekada treinta."

Napakunot ang noo ni Julianne. "Nagbibiro naman yata kayo, eh."

"Hindi seryoso ako. Eighteen years old ako noong 1930, Juli. Noong panahon na iyon ay nag-aasawa na ang mga babae. Itahi mo ako ng katulad ng pangkasal noong panahong iyon."

"Auntie—"

"Tamang-tama ang telang ito, di ba, Juli? Puting-puti ang kulay. Tamang-tamang damit-pangkasal."

"Eh, Auntie, baka naman hindi ninyo isusuot?"

"Sino ang maysabi sa iyo? Ipambuburol ko iyan. Isusuot ko sa burol ko ang damit na hindi ko naisuot sa buong buhay ko."

Hindi na lang kumibo si Julianne. Ang totoo, kinikilabutan na siya sa sinasabi ng matanda.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Feel free to vote and comment; and share the link, too.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Wedding Girls  Series 12 - JULIANNE - The Bridal Gown DesignerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon