Five weeks ago...
"JULIANNE..."
Nasa mga labi na agad ni Julianne ang matamis na ngiti hindi pa man niya nililingon ang tumawag sa kanya. Binitiwan niya ang hawak na sketch pad at tumayo pa upang saludarin ang matanda.
"Auntie Mildred," may pagkagiliw na bati niya dito. "Nag-almusal na ba kayo?"
Tumango ito. "Tatlong hiwa ng papaya at dalawang mangga. Hindi ako nagkape ngayon. Nagtimpla kasi ako ng Tang. Ikaw, kumain k na ba? Alas dies na. Baka naman inuna mo na naman ang trabaho kaysa pagkain. Remember, ang tao ay nagtatrabaho para mabuhay, hindi ang kabaligtaran niyon."
Napangiti siya. Halos tuwing umaga na papasyalan siya ng matanda ay palaging iyon ang naririnig niya dito. Pero hindi niya magawang magalit ni mairita. Malumanay magsalita si Auntie Mildred. Kahit kailan na nagbitiw ito ng salita, hindi niya nahimigan ang pagsesermon o paghusga sa mga sinasabi nito.
Ang matanda ang may-ari ng building kung saan inuupahan niya ang magkatapat na unit. Sa ibaba niyon ang dress shop niya at pinayagan naman siyang lagyan iyon ng hgdan upang diretso na sa itaas na siyang nagsisilbing tirahan niya. Ang puwesto niya ang katabi ng bahay ni Auntie Mildred kaya hindi na rin nakakapagtaka na siya ang palagi nitong puntahan.
Ang ibang tenant sa building na iyon ay lubhang abala sa negosyo ng mga ito kaya naaalala lamang na makipagkita kay Auntie Mildered kapag bayaran na ng upa. Ang iba naman tuwing gabi lang umuuwi palibhasa ay pawang mga nagtatrabaho. Isa pa, hindi niya kinakitaan si Auntie Mildred ng pagtrato sa ibang tenant na kagaya ng ibinibigay nito sa kanya. Sa pakiramdam nga niya, anak na ang turing nito sa kanya kundi man apo sapagkat talagang matanda na ito.
"Nagdo-drawing ka na naman. Pangkasal o pang-debut?"
"Pangkasal, Auntie. Alam ninyo naman, buhat nang ako ang maging official na gown designer ng Romantic Events, busy na ako sa pagdidisenyo ng mga pangkasal at pang-abay. Isinisingit ko na lang ang mga pang-debut kapag hindi ko talaga matanggihan ang kliyente ko."
"Sikat ka na rin, Julianne. Iyong magazine na binili ko nu'ng isang araw, naka-feature doon ang isang kasal na ikaw ang nanahi ng damit ng buong entourage."
"Hindi naman sobrang sikat. Malaking tulong sa akin iyong wedding firm ni Eve. Kung hindi dahil sa Romantic Events niya, hindi ganito kadali na magkapangalan ako."
"Balang-araw, sisikat ka pa nang husto. Magiging ka-level mo sina Inno Sotto at Vera Wang. Hindi ba, iyon ang gumawa ng pangkasal ni Assunta de Rossi? Milyon yata ang halaga ng wedding gown na iyon."
"Ikaw talaga, Auntie, basta pag sa showbiz at sosyalan, hindi ka pahuhuli."
"I had my wonderful moments of so-called social life, Juli," she said with fondness. "Nagretiro na lang ako dahil mas kuntento na ako na ganito na lang kasimple ang buhay ko."
Napatango siya. Hindi naman pangangarap lang ng gising ang tinuran nito. Sa mga litrato nitong nakakuwadro sa malapad na dingding ng bahay nito, si Imelda Marcos at mga asawa ng foreign diplomats pa nga ang kasama nito sa ibang kuha doon. Ang iba, kuha sa iba't ibang malalaking social function sa bansa kasama ang mga taong may malalaking pangalan sa larangan ng pakikipagsosyalan.
"May pasalubong sa aking tela ang kumare kong galing sa pagliliwaliw sa Europa. Swiss lace daw iyon," anito. "Maisisingit mo bang tahiin iyon para sa akin?"
"Oo naman," sagot niya. "Sana'y dinala ninyo na dito. Para saang okasyon ba iyon gagamitin?"
Ngumiti lang ito. "Pamburol ko."
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 12 - JULIANNE - The Bridal Gown Designer
Romance"I've never been happier in my life, honey. I've never been this in love before. I'm so glad you came into my life." *** Hindi inaasahan ni Julianne na sa kanya ipapamana ni Mildred Sunico ang lahat ng kayamanan nito sapagkat hindi naman siya kadug...