Clark's POV
Mainit. Mausok. Mapanganib.
Isang lugar na hindi pamilyar sa'kin. Katahimikan lamang ang nangingibabaw sa buong paligid. Katahimikan na tila nagbabadya ng panganib. Nasa gitna ako ng isang daan at hindi ko alam kung saan ako tutungo. Kahit saan man ako tumingin ay wala akong makitang tao na mahihingian ng tulong. Tila ako lamang ang mag-isa sa lugar na'to.
Ramdam ko ang bawat pintig ng aking puso na humuhudyat ng takot. Napakabigat ng pakiramdam ko pero pilit ko itong nilalabanan. Tumutulo na ang pawis ko sa mukha at maging sa ibang parte ng aking katawan.
Natatakot ako. Saan ako tutungo? Paano ako makakaalis sa lugar na'to?
Kusang naglakad ang aking mga paa na tila may sariling buhay. Sinubukan ko itong pigilin ngunit hindi ko kaya. Maliliit na hakbang lamang ang aking ginagawa dahil sa bigat ng pakiramdam ko hanggang sa napahinto ako dahil sa tinig na bumasag ng katahimikan.
"Huhuhu....huhuhu..." tinig ng umiiyak. Iyak na puno ng paghihinagpis, galit, poot at lungkot. Ngunit sino ang ang nagmamay-ari ng iyak na yon?
Ipinikit ko ang aking mata upang pakinggan ng mabuti ang tinig. Kasabay din nito ang palakas na palakas na pintig ng aking puso. Kaba, takot, at pagaalala ang tanging nararamdaman ko sa mga oras na ito.
"Huhuhu....huhuhu..." rinig ko parin ang patuloy na pag-iyak ng nagmamay-ari ng tinig na iyon. Sa pagkakataong ito, mas malakas na ang tinig na aking naririnig.
Nang imulat ko ang aking mata ay napaatras ako nang makita ko ang taong nasa harapan ko ngayon.
Isang babae. Nakatalikod ito sa'kin habang umiiyak. Nakaupo ito sa sahig habang yakap-yakap ang kanyang dalawang hita at nakayuko.
Kapansin-pansin ang mga sariwa't malaking sugat sa kanyang kaliwang braso. Madungis ang kanyang suot na uniporme na animo'y naglaro sa putikan.
At sa muling pagkakataon, kusang naglakad aking paa papunta sa direksyon ng babae. Halos kaunting metro lang ang layo ko sa kanya.
Patuloy parin ito sa walang awat na pag-iyak hanggang sa marating ko na ang kanyang direksyon.
"T-tulong...." aniya, napasinghap ako sa labis na takot nang magwika ito.
Pilitin ko mang labanan ang takot sa aking katawan ngunit hindi ko magawa. Wala akong sapat na lakas upang labanan ang takot dahil sa bigat na nararamdaman ko.
"Tulungan mo ako...." muli itong nagwika. At ang wikang iyon ay umaalingawngaw sa buong paligid.
Sa sandaling iyon ay napahawak ako sa aking ulo at kasabay din nito ang paglambot ng aking tuhod.
"HAHAHAHA!!! HAHAHAHAH!!!" napatingin ako sa direksyon ng babae. Tumatawa naman ito ngayon na parang nababaliw. At hindi ko napansin na nakatayo na pala siya habang nakatalikod sa'kin.
"S-sino ka?!" mukhang naramdaman niya ang presensiya ko dahil napahinto siya sa pagtawa. Pero imbis na sagutin nito aking tanong, dahandahan siyang humarap sa'kin at nagtama ang aming mga mata.Katahimikan ang bumalot sa aming dalawa.
Nagimbal ako sa pagharap nito dahil sa kanyang mata. Binabalutan ito ng kulay itim. Tila mata ng isang demonyo. At isa sa mga pinagtaka ko, ang suot niyang uniporme. Ang uniporme ng pinapasukan kong paaralan. Ang 'Del Valle Middle High'
Nanlilisik siyang nakatingin sa akin.
Pinilit kong umatras ngunit hindi ko magawa dahil tila napako ako sa kinauupuan ko.
Agad kong napansin ang hawak niya sa kanyang kanang kamay.
Isang..... kutsilyo.
Panganib, panganib ang nararamdaman ko sa oras na ito.
Itinaas niya ang kanyang kanang kamay na may hawak na kutsilyo.
Ito naba ang katapusan ko?
"Isa...." walang ekpresyon ang kanyang mukha habang nagbibilang.
"Dalawa...." palapit siya ng palapit sa'kin.
"Tatlo...."
Gumapang ako nang gumapang hanggang sa napansin ko nalang na pader na pala ang nasa harap ko. Iginala ko ang aking paningin upang maghanap ng daan ngunit bigo ako. Nasa dulo na pala ako. Hindi ko din alam kung anong lugar ang natunguhan ko dahil sa ubod ng dilim.
'Dead end' ito lamang ang tumatak sa isip ko. Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang luha ko dahil sa takot at kaba na tinitiis ko.
"Apat...." dalawang metro nalang ang layo ko sa kanya at katapusan ko na. Pero bago pa man siya makalapit sa'kin, ipinikit ko muna ang aking mata.
"Lima!" nang imulat ko ang aking mata, nakataas na ang kanang kamay ng babae at kumislap ang dulong-tulis ng kutsilyo.
Kamatayan....
Katapusan.....
"H-HUWAAAAAAAAAGGGG!!!!"
At sa pagkakataong ito ay tuluyan na akong nilamon ng kadiliman.
*************************
"H-HUWAAAAAAAAAGGGG!!!!"
Isang nakakabinging sigaw ang pumunit ng katahimikan. Nagising ako na tila hinahabol ang aking hininga at doon ko lang napagtanto na panaginip lang ang lahat. Masamang panaginip, bangungot.
"Gising kana pala..." napatingin ako sa taong nagsalita. Si Nurse Jane. Nakatalikod siya habang may kung anong ginagawa. Iginala ko ang aking paningin at nandito ako sa clinic.
Bakit ako nandito?
"Maayos na ba iyong pakiramdam? Oh masakit padin ang ulo mo?" tanong nito. Hindi ko iyon sinagot.
Bigla kong naalala, kanina pala habang nagtuturo ng leksyon ang aming guro, nakaramdam ako ng pananakit ng ulo at nahilo ako.
"Mukhang malalim ata ang iniisip mo. Oh sya, maiiwan muna kita dito at may aasikasuhin lang ako." may kinuha si Nurse Jane sa kabinet na isang bagay at inilagay sa kanyang bulsa. Dahandahan itong naglakad papuntang pinto upang lisanin ang silid.
"Salamat." bago pa man siya makaalis ay napahinto muna ito nang ako'y magsalita. Lumingon siya sa direksyon ko at gumanti ito nang makahulugang ngiti hanggang sa tuluyan na nitong nilisan ang silid.
BINABASA MO ANG
The Deadly Consequence
Mystery / ThrillerSa pagbubukas ng panibagong kwento, Muli mong matutunghayan ang kakaibang misteryo! Misteryong gugulo sa isip mo, at misteryong magpapakaba sayo! Isang tanong. Isang sagot. Handa kana ba?