Magkahalong amoy ng alikabok at aircon ang sumalubong sa'min. Hindi parin kami sanay ni Luke. Naduduling parin kami sa t'wing isasaayos namin ang mga papeles. Malamlam ang ilaw rito sa loob ng stockroom. Tila isang lumang litrato sa museo.Kupas at medyo sira na ang mga papel. Nakaligtaan na ng panahon. Nabaon sa limot at dilim ng silid na ito na nakabibingi ang katahimikan.
"Last na 'to!"
Parang kuryenteng dumanak ang boses ni Luke rito sa loob. Kahit papaano'y nagkaroon naman ng buhay.
Mula sa sulok ay lumabas si Ms. Amalia. Yung nag-iisang staff dito. Siya ang nagaguide sa'min. Gaya ko ay medyo tahimik din siya, kaya ang tanging pagkakataon lamang na nakapaguusap kami, ay 'pag meron akong mga tanong. At bihira lamang mangyari 'yon.
Tahimik niya lamang kaming iginiya sa isang sulok kung saan nakatambak ang mga lumang record.
Inaninaw ko kung anong taon ang mga ito.
Batch 2009-2010
Malamig na likido kaagad ang tumagtak sa'king noo. Mukhang matiltil na trabaho ito. Ga-bundok tulad ng labahin ni mama sa bahay.
"Pambihira, hindi naman halatang sinusulit nila ang last day naten," pasaring na naman ni Luke.
Nakakahiya talaga siyang kasama. Sa sobrang tahimik dito, malamang dinig na dinig ni Ms. Amalia ang inirereklamo niya.
"Huling araw na naman. Pagtiisan niyo na."
Hindi ko parin maiwasang mamangha 'pag nagsasalita siya. Ang ganda kase ng boses. Mahinhin. Hindi ko lubos na matukoy ang edad niya. Pero siguro'y nasa late 20s niya na siya.
Inayos niya ang kanyang maikling buhok at saka ngumiti. At si Luke! Mukhang naestatwa na sa kanyang kinatatayuan habang nakatitig sa kanya. Pasimple ko siyang sinuntok sa tagiliran, ngunit gano'n parin ang tayo niya. Bahala siya.
"Oh paano, iiwan ko muna kayo ha?"
"Ha? Agad-agad?"
Napasinghap na lang ako sa hiya para kay Luke. Pati si Ms. Amalia ay iiling iling na lamang.
"Sige pagbutihin niyo."
Pagkatapos noon ay iniwan na niya kami rito sa silid na hanggang ngayon ay tila puno ng ala-ala. Ala-alang hindi ko matukoy kung kalungkutan ba o purong kasiyahan. Muli kong pinagmasdan ang bundok ng mga papel. Tila nagsusumamo ang mga itong mabuklat pagkatapos ng mahabang panahon.
.••••.
Kanina pa akong kinukulit ni Luke pero hindi ko siya pinapansin. Masyado akong nilamon ng ginagawa namin. Okupado na ng mga pamilyar na pangalan ang nasa utak ko. 'Yong iba'y kapitbahay lamang namin. 'Yong iba'y pilit kong tinatandaan kung saan ko nakita... bago lamang naman ako rito sa Maynila kung kaya't nagaadjust pa ang utak ko sa mga pamilyar na mukha.
"Hinahanap mo ba si Faith?"
Hindi pa siya sigurado nang bigkasin niya ang pangalang 'yon... Pati ba naman sya?
Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong hininga bago sumagot. "Oo, at 'wag mo akong kontrahin."
Paguuna ko na kaagad.
"Mukhang seryoso ka talaga, ah?"
Hindi ko maiwasang mairita sa tono ng pananalita niya. Para siyang nakikipag-usap sa isang bata. Bakas na bakas ang pagdududa sa boses niya. Hindi si Luke ang pinakamahusay na kaibigan. Madalas akong mairita sa kanya, pero sa pagkakataong ito nabigo niya ako.
Akala ko'y hindi siya magdududa. May tiwala ako sa kanya ngunit malinaw na umasa ako."Hindi mo pa kase siya nakikita. Sa susunod kukunan ko siya ng litrato at hahanapin ko siya rito."
Nagkibit balikat lamang siya at nagpatuloy sa ginagawa. Nag-init ang ulo ko dahil sa ikinilos niya. Pabagsak kong ipinatas ang huling file sa pangatlong hilera. Ngunit nalaglag ito sa sahig.
"Masyadong malaki ang School na 'to. Pero makikita mo, mahahanap ko siya," may riin sa bawat salitang sinabi ko.
Naiinis akong makita ang duda sa mga mata niya pero mabuti na lamang at tumango siya. Nagpaalam muna siyang lalabas para bumili ng pagkain. Nagkaroon ako ng pagkakataon para balikan ang aking ginagawa ng walang halong inis.
Pinagpagan ko ang file na nakalagay sa pinakadulong bahagi ng mga hilera. Gusto kong doon magsimula. Kokonti lamang kase ito kahit na higit na mas madumi kesa sa mga nauna.
Hinipan ko pa ito at maingat na binuklat. Naningkit ang mga mata ko nang dumako ang mga mata ko sa litrato. Biglaang nabuhayan ang buong silid. Tila lumiwanag kasabay na malalalim kong paghinga. Nangatal ang mga kamay ko kasabay ng pagtambol sa loob ng aking dibdib.
Ngayon na ba?
Nangungupas na ang litrato, ngunit naaaninaw pa naman. Kinilatis ko ang pamilyar na mapupungay at malalim na mga mata na tila nangungusap. Habang pinaiibabawan naman ito ng perpekto niyang mga kilay.
Ang magandang ngiti at makukurbang pisnge.
Ito nga siya...
Pero bakit dito ko natagpuan ang mga dokumento niya? Hindi ba magkasing tanda lamang kami?
Masyado lamang bang bata ang histura niya kaya't akala ko'y kaedad ko siya? Inilandas ko ang kamay ko patungo sa pangalan niya at saka ito binasa.
Desiderio, Betina Lozano
Napasinghap ako. Paano ko makukumpirma na siya nga si Faith?...
Napangiti ako ng mapait. Hindi ko lubos maisip na meron paring isasagad ang pagiging misteryoso niya. Ang mga mata niyang tila kalaliman ng karagatan na kinalulunuran ko'y mas lalo pang lumalim. Mas lalong dumami ang tanong. Ngunit gusto kong may kumumpirma sa mga tanong ko.
Sino ka ba talaga Faith?
Betina ba ang pangalan mo?
Hinugot ko ang aking cellphone sa'king bag at nangangatog kamay na kinunan ko ang mga papeles niya.
Kung batch 2009-2010 pa siya kasama, anong ginagawa niya rito? Pero nung nakita ko siya'y nakauniporme siya ng eskwelahang ito. Hindi kaya nagbabalik eskwela siya?
"Pinapaayos ko lang ang mga papeles sa pagkakatanda ko."
Nanlamig ang mga kamay ko pagkarinig ko pa lamang ng boses na 'yon.
Dahan dahan akong tumayo at nagpapasalamat akong hindi bumigay ang mga tuhod ko. Para akong kriminal na nahuli sa akto ng pagnanakaw. Hindi ko magawang magsalita. Wala namang masama sa ginagawa ko. Hindi ko naman ikakalat ang impormasyong nakuha ko.
May kakaiba talaga sa presensya ni Ms. Amalia kahit ano pang ganda niya.
"Wala naman po akong intensyong masama."
Humugot ako ng lakas ng loob sa pamamagitan ng pagtingin sa litrato ni Faith o Betina... Para sa kanya 'to.
Gusto ko ng wakasan ang misteryo ng pagkatao niya. Gusto kong ipagpatuloy ang nararamdaman ko para sa kanya ng walang halong katanungan.Wala na akong nagawa nang agawin sa'kin ni Ms. Amalia ang folder na kinapapalooban ng mga dokumento ni Faith.
Binuksan niya ito at hindi ko mabasa ang ekpresyon niya. Hindi siya nabigla. Hindi rin siya nagalit. Para siyang nakakita ng luma niyang pag-aari.
"Kilala mo si Betina?"
BINABASA MO ANG
Station Four
Short StoryKeegan Leighton Mortel is a plain boy who just started living his new life in Manila. Simple lang talaga ang plano niya. Mag-aral, pagkatapos ay magtrabaho para sa mama niya. But when he saw this girl, whom she named Faith in a bus station ay nagkar...