Laro tayo ng piko
Ihagis mo yung batong pamato
Kung saan yon huminto
Doon ka tutungo
Pero bakit?
Bakit ang mga paa mo'y sa kanya dumako
Sa kanya lumapit, ngumiti at sinambit
Ang mga salitang "ako'y nanalo"
Nanalo? Saan ba? Sa habulan ba?
Sa habulan na ako ang taya
Pero ikaw yung humahabol sa kanya
Yung tipong di naman siya kasale
Pero pilit mong hinuhule
Nagmumuka ka ng tanga
Para kang naglaro ng patintero
Yung bang nasalisihan na kita
Pero sa kanya ka pa rin nakagwardya
Hindi mo maalis sa kanya ang yong mga mata
Dahil natatakot kang siya ay makatakas, makaalis
Sayo'y makalayo at ika'y matalo
Pero hindi mo ba alam?
Na isa ka ng talunan sa larong taguan
Dahil hindi mo nahulaan ang aking kinaroroonan
Hindi mo nakitang ako'y nasa harapan
Dahil lumingon ka pa sa likuran
Siya ang iyong sinundan
Hinanap, sinuyod lahat ng bakuran
Para lang siya ay matagpuan
Pero pano naman ako?
Ako na naghihintay sayo
Ako na naghihintay na mapansin mo
Bakit?
Bakit hindi mo sakin magawang magseryoso?
Dahil ba isa lamang itong laro?
Yung parang tumbang preso
Na siya yung lata, ako yung tsinelas at ikaw yung manlalaro
Yung ako yung ibabato mo palayo
Para lang siya ay tamaan sayo
Yung bang hindi mo siya hahayaang matumba
Dahil nandyan ka, handang saluhin siya
Ang saya, akala ko ba tumbang preso
Pero bakit nanging langit lupa yata ito
Ikaw yung lupa siya yung langit mo
Habang ako? Para sayo'y impyerno
Ano bang nagawa ko?
Bakit tila naging isa itong sikyo
Na kailangan ko pang bantayan ang aking puso
Para lang wag mahulog sayo
Habang ikaw?
Ikaw ay tumakbo
Handang isugal ang kapakanan mo
Mailigtas lang ang babaeng ito
Nagawa mo pang mag luksong baka
Tinalon lahat ng balakid at problema
Makarating lang sa kanya
Pero teka sandali, time first muna
Kasi masakit na
Ulit sa umpisa
Maiba'y taya muna
Ay teka lang pala
Sabi ko laro tayo di ba?
Hindi ibig sabihin noon na ako yung laruan
Tapos ikaw yung batang aking paglilingkuran
Maghahatid sayo ng kasiyahan
Pero kapag iyo nang pinagsawaan
Itatapon mo na lamang
Laro tayo, hindi ng damdamin at puso
Laro tayo, para sa saglit na kaligayahan
Ngunit kung hindi mapagbibigyan ay ayawan na lamang
Dahil masakit
Masakit mapaglaruan nung taong sineryoso mo naman.
— Marantss // "Laro Tayo"
BINABASA MO ANG
Sa Kalinga Ng Mga Tugma
Poetry"Pipilitin kong ang mga dulo ng ating bawat taludtod ay magtugma, dahil baka sa ganitong paraan ay pagbigyan tayo ng tadhana." -Marantss Marantss © 2019