PATAPOS na ang klase ni Mrs. Jaime sa Psychology nang makita ni Bastian na pumasok si Aishell Falceso. Tuluy-tuloy at hindi man lang bumati sa guro na umupo ito sa bakanteng silya sa classroom; sa silyang nasa kaliwa ni Bastian sa unang hanay.
Mabibilang lang ang mga hindi nakakakilala sa dalaga. At hindi kabilang doon si Bastian. Kaya nang umupo ito sa tabi niya, daig pa niya ang nakakita ng talang nahulog sa mismong harap niya.
"May problema ka ba?" paasik na tanong nito sa kanya nang makita ang manghang pagtitig niya rito.
"W-wala. Pasensiya ka na kung napatitig ako."
Walang-wala talaga dahil noong isang taon pa man ay wala na siyang ibang hiling kundi maging kaklase sana niya ito kahit sa isang subject lang para araw-araw na niyang nakikita ito. Kapag nangyari iyon, hindi na niya kailangang abangan ito sa corridor o palihim na matyagan sa silid kung saan may klase ito.
Pareho ang kursong kinukuha nila sa St. Isidore College—Business Administration—bagaman magkaiba sila ng major. Marketing sa kanya samantalang Management naman dito. Ang totoo, kaklase niya ito sa Psychology subject na iyon, lamang ay hindi ito pumapasok mula pa nang magsimula ang klase. Kaya naka-drop na ito sa listahan ni Mrs. Jaime.
"Miss Falceso, bakit ka narito?" nakakunot-noong tanong ni Mrs. Jaime rito. "Hindi ka na kasama sa listahan ko."
Nais niyang magprotesta. Gusto niyang kumbinsihin ang kanilang guro na mas bagay sa klase nila ang dalaga. Ano ba ang problema kung sakit ito ng ulo ng guidance counselor ng eskuwelahan? Na madalas ay kung anu-anong kapilyahan ang pinasisimunuan nito at ng grupo nito na binansagan nitong "Heartless Girls." Ang mahalaga ay naroon na ito, wala nang isang dipa ang layo sa kanya. Kahit siguro may sakit siya, papasok siya upang masilayan lamang ito. Mula nang makakuha siya ng scholarship sa pribadong eskuwelahan na iyon, walang ibang babaeng tumatak sa isip niya kundi ito.
"Ask the old man, old lady," pabale-walang sagot ng dalaga sa propesora. Itinuro nito si Dean Jimenez na papasok din sa classroom.
Bumaling sa dean ang propesora. "Sir?"
"Ipinakiusap sa akin ni Vice Mayor Falceso na piliting papasukin sa klaseng ito ang anak niya para hindi na kailangang umulit pa ng bata sa susunod na taon," paliwanag ni Dean Jimenez sa mahinang tinig. Pero dahil nasa unang hilera siya, dinig niya ang sinabi nito.
"Pero, Sir, magmi-midterms na. Ngayon pa lang pumasok si Miss Falceso sa klase ko," protesta naman ni Mrs. Jaime.
Bumuntong-hininga ang dean. "Alam ko. Pero wala akong magagawa. Hindi ko puwedeng tanggihan si Vice Mayor. Nangako siyang magdo-donate ng pera para ipaayos ang building C ng St. Isidore."
LUNCH break. Tulad ng nakagawian ng buong barkada ni Aishell, sakop nila ang pinakasentrong mesa sa loob ng canteen. They were the most notorious group of girls in the entire school.
Apat lang silang miyembro ng Heartless Girls, ang pangalang sila mismo ang pumili. Pero animo sila batalyon sa dami kung pangilagan ng ibang mga kaklase nila. It was probably because they were part of families that were among the richest and most powerful families in the entire town.
Si Cerisse Domingo ay apo ng dating gobernador ng lalawigan. Pag-aari ng pamilya nito ang isa sa mga pinakamalaking construction company sa buong bansa. Si Neish Esteban naman ay bunsong anak ng kasalukuyang vice governor. Pagmamay-ari ng mga ito ang azucarera sa dulo ng bayan. Si Jherlyn Martin ay apo ng mayor ng kanilang bayan. May pagmamay-ari ang pamilya nito na pabrika ng papel at isa rin ang mga ito sa mga may-ari ng St. Isidore's College. Samantalang siya naman ay stepdaughter ng kasalukuyang vice mayor ng San Isidro. Pag-aari din ng pamilya niya ang garments factory at ilang palayan sa San Isidro.
BINABASA MO ANG
ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVE
RomanceEight years ago, Bastian left San Isidro in disgrace. Pinagbintangan itong magnanakaw ng lola ni Aishell. At sa halip na paniwalaan ang kainosentehan ng kasintahan, napaniwala si Aishell sa kasinungalingan ng lola niya. Ngayon ay nagbalik sa bayan...