CHAPTER 13

711 31 7
                                    


Ang hula niya, hindi makapaniwala ang mga ito sa biglang pagbabago ng isip at opinyon niya patungkol sa eskuwelahang pinagtapunan ng mga ito sa kanya. Hindi inaasahan ng mga ito na makikitang nagsasaya siya samantalang todo tanggi siya noong una na sa St. Isidore pumasok.

Tahimik lang ang lola niya nang gabing ipaalam niya sa mga ito ang tungkol sa grand ball. Pero nanunuot sa kalamnan niya ang tingin nito. Waring pilit nitong binabasa sa anyo niya kung sino eksakto si Bastian sa kanya. At nais niyang kabahan doon. Nakatitiyak siyang abot-langit na pagtutol ang gagawin nito oras na malamang nobyo niya at hindi lang basta kaklase o kaeskuwela si Bastian.

"Ma'am Aishell, nariyan na po ang sundo ninyo," anang katulong na kumatok sa pinto ng silid niya.

Dali-daling dinampot niya ang pouch niya na nakapatong sa dresser. Kung aapurahin niya si Bastian sa pag-alis, hindi ito kailangang makausap nang matagal ng madrasta niya. Kung susuwertehin ay ni hindi na nga nito kailangang makatagpo pa ang madrasta niya. Ngunit pagbaba niya ay kaharap na ito ng madrasta niya sa sofa sa sala.

Tuwid na tuwid ang tingin nito sa madrasta niya, hindi kababakasan ng pangingilag o kaba ang anyo nito pero nasa tono at anyo nito ang paggalang sa isang nakatatanda. He wasn't intimidated by the stern look on her stepmother's face. But neither was he disrespectful towards her. In fact, kinilabutan siya sa pagkakatingin sa mga ito. Tila nakikita niya kay Bastian ang tiwala sa sarili at awtoridad na taglay ng kanyang ama.

"Sayno? Pamilya ng mga maglulupa. Anong klase ng palay ang nakain mo at naisip mong puwede mong ligawan ang isang Falceso?" Puno ng pang-uyam ang tinig at anyo ng kanyang madrasta.

"Pareho lang din po ng klase ng palay na kinain ninyo kaya naisip ninyong puwede kayong maging vice mayor ng San Isidro."

"Binabastos mo ba ako?" Biglang tumayo ang madrasta niya.

"Tita Zita!" sambit niya. Humahangos na lumapit siya sa mga ito. Hinawakan niya ang kamay ni Bastian upang ipakita ang pagsuporta niya sa nobyo. "Ano'ng bastos sa sinabi niya? Sinagot lang niya ang tanong ninyo. At hindi niya ako nililigawan dahil nobyo ko na siya!"

Salubong ang mga kilay at halos sumingasing sa galit na bumaling sa kanya ang madrasta niya. Dinuro siya nito. "Hiwalayan mo ang maglulupang ito, Aishell! Hindi ako papayag na pagtawanan ng mga kakilala ko dahil sa pagpatol mo sa isang ambisyosong bastardo! Wala kang mapapala sa lalaking iyan! Pero siya, maraming makukuha sa iyo! Huhuthutan ka lang ng taong ito!"

Ramdam niya ang paninigas ng mga kalamnan ni Bastian dahil sa sinabi ng madrasta niya. Mula sa sulok ng mga mata niya, nakita niya ang pagtiim ng mga bagang nito.

"Hindi ho ako manggagamit. Kahit wala siya ni isang kusing, wala akong pakialam. Maglulupa man ang pamilya ko, mararangal kaming tao at hindi magnanakaw. Hindi ho ako walanghiya para hayaan siyang buhayin ako o ang pamilya ko. Makakaya ko siyang buhayin kahit sa parehong luhong kinasanayan niya."

Nanunuyang humalakhak ang madrasta niya. "Talaga? Pabor sa akin iyan. Hindi ko na kakailanganin pang buhayin ang babaeng iyan. Gusto mo siya? Puwes, iuwi mo na! Tingnan ko lang kung gaano katagal ang pagmamahal na sinasabi mo. Sa tingin mo, matitiis niyang mabuhay nang wala ang lahat ng yaman at kapangyarihan ng pamilyang ito?" Siya naman ang pinukol ng madrasta niya ng isang nakakalasong tingin. "Manang-mana ka sa ama mo, tanga! Walang kuwenta! Mas gusto mong pumatol sa dukhang ito? 'Tapos, ano, pera ng pamilyang ito ang ipantutustos mo sa buong angkan niya? Boba! Pagsisisihan mo ang pagpatol sa lalaking iyan!"

"Tumigil ka na, Zita!" galit na sawata ni Lola Anabel dito. Tulak-tulak ng nurse ang wheelchair ng lola niya papasok sa sala. Naniningkit ang mga matang ipinukol nito sa kanyang madrasta.

ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon