Matagal bago siya nakasagot, iniisip kung pagsisisihan ba niya ang susunod na gagawin. Sa huli, mas nangibabaw ang concern niya para dito.
Bumuntong-hininga siya at umiiling na tumalikod dito. Abut-abot ang kaba niya sa paghihintay ng magiging reaksiyon nito habang sinasamsam niya ang mga gamit niya.
"Bastian, ano ba? Ano, hindi mo na itutuloy ang panliligaw mo kapag hindi ako tumigil sa paninigarilyo at hindi ko napataas ang grades ko?"
Gusto niyang isiping panic ang nakaringgan niya sa tono nito pero malamang na dulot lang iyon ng pag-asam niya. Hinarap uli niya ito. "Itutuloy ko pa rin ang panliligaw ko. Pero hindi ko maipapangakong hindi na rin ako maninigarilyo o patuloy kong mapapanatiling mataas ang mga grado ko. Hindi ako komportable na marinig sa iba na masyado tayong magkaiba kaya hindi tayo bagay. Kaya kung ipapakita ko sa lahat na hindi naman tayo gaanong nagkakaiba, wala na tayong maririnig na ganoong komento mula sa kanila, hindi ba?"
Natameme ito, mababakas sa mukha ang hindi pagkapaniwala. "Are you telling me that you're willing to ruin your life just to show others we're the same? Baliw ka ba? Paano ang mga pangarap mo? Ang pamilya mo? Sasayangin mo lahat para sa akin? Don't you know I'm not worth it?"
"Ako ang mas nakakaalam kung gaano ka kahalaga sa akin. Isa ka na sa mga pangarap ko ngayon. At hindi ko magagawang talikuran ka kahit ano pa ang kahinatnan ng mga desisyon ko. Gusto kong pagtagpuin ang mga landas natin, Aishell. Gusto kong maging malaking bahagi ka ng buhay ko. Pero hindi kita pipiliting baguhin ang hindi mo kayang baguhin sa sarili mo. Hindi ganoon ang pagmamahal ko." Naglakas-loob siyang sapuhin ng mga kamay ang mukha nito. Masuyong dinama ng mga hinlalaki niya ang namumulang pisngi nito. "Kung hindi mo kayang pag-aralan ang nakasanayan at mga alam ko, ako ang mag-aaral ng sa iyo. Sa kahit anong paraan, Aishell, aabutin kita at ilalapit ko ang sarili ko sa iyo."
Kumurap-kurap ito. Sarisaring emosyon ang dumaan sa mukha nito. Bahaw na tumawa ito kapagkuwan. Mariing nakagat nito ang ibabang labi nang magsimulang manubig ang mga mata nito.
Natatarantang sinalo naman ng mga daliri niya ang mga luha nito bago pa iyon tuluyang dumaloy sa mga pisngi nito. "Aishell, bakit? May nasabi ba akong hindi mo gusto? Pakiusap, huwag kang umiyak."
Bigla nitong isinubsob ang mukha sa dibdib niya. Walang lakas na binayo ng nakakuyom na mga kamay nito ang alinmang parte ng katawan niya na kaya nitong maabot. "Sira ka talaga! Sira ka!" paulit-ulit na wika nito.
"Aishell..."
Dahan-dahang pinagtagpo niya ang mga braso niya sa likod nito. Buong-pusong hinayaan niya itong lumuha sa dibdib niya. Marahang hinaplus-haplos niya ang likod ng ulo nito bilang pag-alo sa hindi niya maunawaang dahilan ng pag-iyak nito. Anuman iyon, batid niyang hindi dahil nasasaktan ito kundi dahil hindi lang nito kaya ang tindi ng emosyon nito. Sa kabila kasi ng pag-iyak nito ay natatawa rin ito. Kaya kahit paano ay nabawasan ang pagkataranta niyang alamin ang rason sa likod ng mga luhang iyon. Kontento na siyang naroon ito sa mga bisig niya. Pakiramdam niya, yakap-yakap niya ang lahat ng katuparan ng mga pangarap niya.
"Okay, we have a deal. I won't smoke anymore and I'll strive for higher grades," pangako nito nang tumingala sa kanya, puno ng sinseridad ang mga mata nito at may munting ngiti sa mga labi.
BINABASA MO ANG
ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVE
Roman d'amourEight years ago, Bastian left San Isidro in disgrace. Pinagbintangan itong magnanakaw ng lola ni Aishell. At sa halip na paniwalaan ang kainosentehan ng kasintahan, napaniwala si Aishell sa kasinungalingan ng lola niya. Ngayon ay nagbalik sa bayan...