Chapter 30

3.1K 136 1
                                    

"HINDI ko alam kung bakit mo ito ginagawa, Divri."

Hindi na nabigla si Divri nang marinig ang tinig ni Nanay Amalya. Alam niyang naroon ang matanda sa kanyang likuran. Nakaupo siya sa sofa at sadyang hinihintay kung lalapitan siya nito o hindi sapagkat batid niyang alam nitong nanggaling siya sa silid ni Maricruz.

"Pasensiya na," tanging sambit ni Divri, tumayo at hinarap ang matanda. Nais niyang sabihin ditong hindi na mauulit ang lahat ngunit hindi niya iyon maipapangako.

"Bakit mo ginagawa? Alam mo kung ano ang kapalit. Ako ang kasama ni Azarya sa loob ng maraming taon matapos siyang bumagsak. Napakahirap para sa kanya. At napakahirap sa mga tulad mo. Hindi ka tulad ni Elior na kayang yakapin ang kulay ng pakpak niya at isabuhay iyon."

Matagal bago siya nakapagsalita. "Magiging mali ba ako sa pagmamahal ko sa kanya?"

Diretso ang tugon ni Amalya. "Oo. Alam mo 'yan."

"Minsan..." Natutop ni Divri ang noo. "Minsan parang mahirap nang malaman kung ano ang tama sa mali."

"At lalong mali iyan!" Bahagyang tumaas ang tinig ng babae. Humakbang ito palapit sa kanya. "'Wag kang magpapadala sa emosyon mo. Puti pa ang pakpak mo, Divri, nasa 'yo pa ang lahat ng pagkakataon. 'Wag mong alisin iyon sa sarili mo. 'Wag mo ring ipapasan sa konsensiya ni Maricruz ang pagbagsak mo kung sakali."

"Para sa isang naniniwalang may pag-asa ang mga anghel na bumagsak, hindi positibo ang pananaw mo, Zelpha." Nais ni Divri ipaalala sa babae kung sino ito sapagkat tila napakadali nitong makalimot.

"Hindi iyon isang bagay na sigurado. Alam mo 'yan."

Hindi siya nakaimik sapagkat ano pa ba ang masasabi niya doon? Ngunit ang isiping hindi na niya makikita kailanman si Maricruz ay may dulot na pait sa kanyang bibig. Parang hindi niya kaya. Hindi ito isang bagay na maaaring dumaan at nawala sa buhay niya at walang kaso sa kanya.

Sa tuwing magkalapit sila ng dalaga ay batid niyang tumutulay siya sa sinulid. Alam niya, alerto siya, ngunit sadyang mahirap magpatihulog sa tamang panig—kahit iyon ang kung tutuusin ay pinakamadaling gawin. Kayang-kaya niyang umalis na lamang sa kuta. Ni hindi niya kailangan ang permiso ng kahit na sino. Malaya rin siyang makakabalik kay Iythiel upang manghingi ng bagong misyon. Ngunit naroon pa rin siya sa ilalim ng lupa, binibilang ang mga sandali at nangangambang sumapit ang panahong kailangan na niyang umalis.

"Pag-isipan mong mabuti. Gamitin mo ang isip mo, Divri. Makinig ka sa natural na tawag ng dugo mo. Iyon lang ang pakiusap ko sa 'yo," wika ng matanda bago tumalikod.

Kung bakit tila nahihirapan si Amalya na unawain siya gayong minsan nitong nakasama sa buhay ang isang tulad niya. Naging ganoon ba iyon kahirap para rito? At ano ang karapatan niyang maghanap kay Maricruz? Anong karapatan niyang pabayaan itong dalhin sa konsensiya na pinili niyang maging masaya kasama ito?

Tama si Amalya... Napakahirap lang tanggapin ng mga sinasabi nito.

Angel Dust 1: Divri (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon