Chapter 26

3.4K 157 4
                                    


HABANG nakatingin si Maricruz sa mga mata ni Divri ay parang bumukas-sara ang kanyang tainga kasabay ng pagtibok ng kanyang puso. Nangahas siyang lumapit sa anghel at ngayon ay nais niyang yakapin ito. Ilang saglit siyang nakipagdebate sa sarili, binigyang-katwiran ang kanyang gagawin ngunit sa huli ay naisip niyang hindi niya kailangan ng maraming katwiran. Nais lang niyang pagbigyan ang kanyang sarili kaya ikinawit niya ang kanyang mga kamay sa leeg nito, saka ito niyakap. Mahigpit, tulad ng nais nito.

Sa puntong iyon ay tila iisa sila. Nagtagal siya sa posisyong iyon, dinama ang pagdiin ng pisngi nito sa kanya. Nang tingnan niya ito ay dumampi ang mga labi niya sa mga labi nito. Sa isang kisap-mata ay sakop na ng mga labi nito ang mga labi niya para sa isang halik.

Napakabanayad ng halik na iyon, tila nananantiya. Saglit na tila kinapa ng lalaki kung ano ang gagawin ngunit napakabilis nitong natuto. He gently sucked on her lower lip and all she can do was close her eyes. Gumanti siya sa halik nito. Napakalambot ng mga labi ng anghel. Like his scent, his lips had its own flavor. He tasted so masculine, so natural, so clean... heavenly.

Nang lumalim ang paghalik ni Divri ay natangay si Maricruz sa kaitaasan. Parang sila lamang ang tao sa mundo at ayaw niyang magkahiwalay sila kailanman. Nang maghiwalay ang mga labi nila ay umungol ito ng prostesta. Napansin niyang namuti rin ang balat nito sa braso, sa bahaging nakagapos, tila nais nitong makawala roon ngunit batid niyang hindi pa nito kaya dahil sa sariwa pang mga sugat nito sa binti.

"Gusto kitang yakapin, Maricruz," sambit nito.

Siya ang yumakap dito. Muli ay hinuli ng mga labi nito ang mga labi niya. Naging napakainit ng halik na iyon, isang uri ng init na gumapang tila sa kanyang katawan. Soon, she was gasping for air.

Noon bumukas ang pinto at tumambad si Marco. "Lumayo ka sa kanya!" singhal ng lalaki, nanglilisik ang mga mata.

Agad tumalima si Maricruz kahit labis na nabigla. Wala siyang balak masaktan ni Marco. Lalong wala siyang balak saktan ng lalaki si Divri dahil matigas ang ulo niya. Nagtungo siya sa kama at initsahan siya ni Marco ng bestida. "Isuot mo 'yan. Bilisan mo!" Mabilis na nilapitan ng nephilim si Divri at nagsimulang susian ang gapos ng lalaki.

"Wala akong oras. Wala kayong oras! Inasahan kong mas matalino ka kaysa dito, Maricruz! Isuot mo na 'yan!" Muli siyang binalingan ng nephilim, madilim ang mukha, tila galit na galit.

Nagmadali nang isuot ni Maricruz ang bestida. Nagpatuloy si Marco sa pagpapakawala kay Divri. "At ikaw naman, ano ang pumasok sa isip mo? Nagpauto ka kay Elior? Gusto mo ring bumagsak? Gusto mong sumama sa amin?!"

"A-ano ang nangyayari, Marco?" litong tanong ni Maricruz.

"Naghihintay ang kuya mo sa labas. Sumama ka sa kanya. Ligtas ka sa kanya. Divri, magpakalayo-layo ka na. Hindi mo na kailangang bantayan si Maricruz. Bilisan ninyo, bago mahuli ang lahat. Bilis!"

Hindi na nila kinailangang muling pagsabihan nito. Nang makalabas sa silid ay tumigil si Divri. "Si Efah—"

"Walang panahon! Hindi mo siya kaya at papatayin niya si Maricruz. Sige na, umalis na kayo ngayon!"

Ngunit ayaw ni Divri. Kahit paika-ikang maglakad ang anghel, kahit bakas dito ang panghihina, ay iginiit nitong kailangan nitong iligtas si Efah. Noon sila may narinig na yabag mula sa bakal na hagdan. Ang katambal parati ni Marco ang naroon, si Andreas, nakahanda na ang panang nakatutok sa kanila.

"Bumalik ka sa loob!" sigaw ni Divri.

Agad umatras si Maricruz at isinara ang pinto ng silid, bagaman nag-iwan ng maliit na puwang. Tatlong anghel ang lumipad sa ere. Walang armas si Divri ngunit tila pinoprotektahan ito ni Marco na siyang pumuwesto sa unahan ng anghel. Sa bawat panang lumipad sa gawi sina Marco at Divri ay sinasalag ni Marco iyon ng espada. Kinuha ng nephilim ang isang punyal mula sa bulsa at ipinukol kay Andreas na agad bumagsak sa sahig.

Buhay pa si Andreas, tiyak ni Maricruz.

Sumigaw si Marco. "Lumabas na kayo! Ngayon na! Nasa itaas na ang armas mo, Divri. Ngayon na, habang wala pa sina Elior! Pagbalik niya, marami na siyang kasama at hindi na kayo makakaalis pa!"

Agad tumakbo patungo sa hagdan si Maricruz, kasunod si Divri. Nang makataas sila ay agad na dinampot ni Divri sa isang mesa ang mga armas nito. Sabay silang lumabas ng pinto. Nag-alala siyang hindi siya nito madala ngunit kinabig nito ang baywang niya nang maibalot sa sarili ang glamour, at hindi naglipat-sandali ay lumilipad na sila sa kalangitan. Malayu-layo na ang kanilang nalilipad nang marinig ni Maricruz ang tinig ng isang lalaki.

"Ibigay mo siya sa akin, Divri."

Pumihit si Divri. Nakita ni Maricruz ang nagsalita. Hindi na niya kailangan pang itanong kung sino ito. Dugo niya ay sinasabi sa kanya na ito ang kapatid niya. Kusang tumulo ang kanyang mga luha.

"Kuya..."

"Maricruz!" Lumipad si Rav patungo sa kanya at akmang kukunin siya nito nang ilayo siya ni Divri.

"Ibigay mo siya sa akin," anang kapatid ni Maricruz.

"Baka plano ninyo ito. Hindi ko alam kung ligtas siya sa 'yo," si Divri.

"Tumalikod na ako sa kanila, Divri. Alam mo na siguro 'yan. Ibigay mo sa akin ang kapatid ko," giit ni Rav.

"Hindi," mariing pasya ni Divri.

"Wala tayong oras na magtalo! Hindi mo ba nakikita na pabalik na sila?"

"Kung ganoon, sasama ako sa inyo."

"Nababaliw ka na kung iniisip mong ituturo ko sa 'yo kung saan kami tutuloy. Kilala ko ang tulad mo. Isa lang ang misyon mo. At kahit iniligtas mo si Maricruz ay hindi iyon garantiyang hindi mo kami papatayin."

"Nangangako akong hindi ko kayo papatayin," ani Divri.

Naghamon si Rav. "At paano ka nakakatiyak na hindi ka namin papatayin?"

"Hindi ako nakakatiyak pero sa ngayon, tatanggapin ko ang pangako mo."

"Pangako ng isang nephilim?"

"Pangako ng isang lalaki."

Matagal na nagsukatan ng tingin ang dalawa at si Maricruz ang hindi nakatiis. "Maaabutan nila tayo! Tara na!"

Sukat doon ay tumango ang kanyang kapatid. "Pinapangako ko, Divri. Ibigay mo sa akin si Maricruz. Hirap ka pang lumipad." Kinuha si Maricruz ni Rav mula kay Divri.

Magkasabay na lumipad ang dalawa, magkatabi halos. Base sa madalas na paglipad ni Maricruz kasama si Divri ay batid niyang hindi iyon ang pinamabilis nilang andar ngunit sa kalagayan nito ay hindi ito makakalipad nang todo. Matagal silang lumipad at labis na siyang nag-aalala para kay Divri. Nakarating sila sa isang maliit na bahay. Nang maisara ng kapatid niya ang pinto ay pinatahimik sila nito, nakiramdam, saka lumapit sa isang trapdoor. Nang buksan ni Rav ang trapdoor ay binitbit nito si Maricruz, saka tumalon pababa. Nakasunod sa kanila si Divri.

Kung ang pinagmulan nila ay tila itinayong tunnel noong panahon ng Hapon, ang isang ito naman ay tila daanan ng mga low-class na minero. Ang tanging dahilan kaya hindi pa gumuguho ang lupa ay ang mga poste ng kahoy na hindi pantay-pantay ang taba. Sa itaas ay mga kahoy din ang pangharang sa lupa. Panaka-naka ay mayroong bumabagsak na alikabok.

Ibinaba na si Maricruz ng kapatid. Naglakad ito papasok, halos nakayuko, nakatiklop na ang pakpak, gayundin si Divri. Palaki nang palaki ang daan hanggang sa bumungad sila sa isang malawak na espasyo. Sa bahaging iyon ay mga bato na ang pader. Ang ibabaw ay pinatagpi-tagping kahoy. Gayunman ay malaking espasyo iyon na mayroong mga dibisyon na animo isang bahay. Mayroong sala at bagaman luma ang mga upuan ay maayos naman at mukhang malinis. Ang liwanag ay nagmumula sa mga gaserang nakasabit sa paligid.

Bumaling si Maricruz sa kapatid. "Kuya, bakit ngayon ka lang nagpakita sa akin? Ang dami kong gustong itanong sa 'yo. Ang tagal kitang hinanap, ang tagal inipon ang mga tanong ko sa 'yo." Ang lahat ng emosyon ay biglang lumabas mula sa kanyang mga mata. Labis-labis pala siyang nangungulila sa kapatid kahit dumating ang puntong naisip niyang marahil dapat niyang ihalintulad ito sa isang kamag-anak na pumanaw na at hindi na niya kailanman makikita pa. "Sa tagal ng panahon, naisip kong wala ka na. Iniwan mo ako at sumama sa kung sino at hindi mo na ako binalikan—"

"Hindi ka niya iniwan sa kung sino, Maricruz. Alam niyang sa akin ka sumama." Napalingon si Maricruz sa dulong bahagi ng silid. Nakatayo roon ang matandang babaeng hindi na niya naisip na makikita pa niya.

"Nanay A-Amalya..."

Angel Dust 1: Divri (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon