Encounter with a Berberoka

89 18 11
                                    

Maliwanag ang buwan nang gabing iyon. Maririnig ang huni ng mga kulisap sa dilim at pagaspas ng mga dahon sa mga puno na dulot ng mabining pagdaan ng hangin.

Sa 'di kalayuan, matatanaw ang isang malawak na lawa, na nang gabing iyon ay lumiwanag din dahil sa ibinibigay na ilaw ng kabilugan ng buwan o full moon. Karaniwan ay kulay luntian ang lawa ngunit ngayon ay itim na itim iyon, nakikiayon sa kulay ng langit. Sa kabilang panig ng lawa ay matatanaw ang may 'di kataasang bundok na nagsisilbing harang ng dagat na nasa kabilang ibayo.

Mula sa lawa, mababanaag ang dalawang magkatapat na anino.

"Mas pinili mo sila kaysa sa mga kauri mo. Isa kang hangal!" anang mas maliit na anino.

"Si Gener lang ang pinili kong makasama. Ang iba ay magsisilbing pagkain ko." Ngumiti ang mas malaking anino. Ngiting nakakaloko habang tangan niya sa kaliwang kamay ang isang putol na braso ng isang tao. Tumutulo pa sa braso ang dugo tanda na sariwa pa iyon. "Alam mo bang Sonya ang pangalan nitong may-ari ng brasong hawak ko?"

Tinungo niya ang pampang at doon nilantakan ang braso habang nakamasid lang sa kaniya ang kausap.

"Hindi kinikilala ng mga Berberoka ang hapunan nila," wika ng mas maliit saka sumunod sa kaniya, "Tunay ngang hibang ka na."

Isang alulong ang umalingawngaw sa paligid. Muntik pang tumaas ang balahibo niya sa batok kung hindi niya lang naalalang isa nga pala siyang berberoka at walang dapat ikatakot. Sa tagal din kasi niyang nag-anyong tao upang makasama ang lalaking iniibig ay halos makalimutan na niya ang totoo niyang anyo.

Tuwing kabilugan ng buwan na lamang siya nagiging isang berberoka simula nang magpasya siyang mag-anyong tao nang makita niya si Gener.

Isang beses sa isang buwan din siya nagkakaroon ng pagkakataon na kumain ng tao. Pili lang ang kinukuha niya dahil ayaw niyang makaakit ng kuryosidad ng iba ang pagkawala ng mga nagiging biktima niya.

Kagaya ni Aling Sonya. Matanda na ito at nakatira mag-isa sa barong-barong malapit sa tinitirhan niya. Naglalako ito ng bagoong, isang putaheng ito mismo ang nagluluto na ayaw niya. Sa tuwing naaamoy niya ang niluluto nito ay palagi siyang nagpipigil na gilitan ito sa leeg. Wala na itong kasama dahil may sarili ng pamilya ang mga anak nito.

Pinili niyang kainin ngayong gabi ang matanda dahil ayaw niya sa bagoong nito.

"Hibang sa pag-ibig," aniyang isinubo ang kahuli-hulihang daliri. Lumikha ng pop na tunog ang bibig niya. Nakita niyang napailing ang kausap pero wala siyang pakialam.

Masaya siya. Hindi dahil sa kinain niya kundi dahil kay Gener, ang lalaking iniibig niya.

Walang pagsidlan ang tuwa niya dahil simula nang tumira siya sa tahanan nito, gabi-gabi siyang pinaliligaya sa kama. Kakaibang pakiramdam ang nadarama niya sa tuwing magaganap iyon. Mas masarap pa sa pagkain ng tao.

At noong nakaraang buwan lang ay inaya na siya nitong magpakasal. Nagtaka pa siya kung ano iyon pero ang sabi nito ay habang-buhay na sila magsasama kaya walang dalawang pag-iisip na pumayag siya.

Bukas na ang kasal nila. Sabik na siya pero hindi pa rin niya maiwasang gawin ang pagpapalit-anyo dahil ngayon naganap ang full moon.

Samu't sari ang nararamdaman niya pero nanaig pa rin ang kagustuhan niyang kumain ng tao.

"Ayos na ba ang itsura ko?" tanong niya sa kasama nang ibalik na niya ang anyo bilang isang tao.

"Oo, maganda ka na," nakaismid na sagot ng kausap, "salamat nga pala rito." Itinaas nito ang ulo ni Aling Sonya.

"Salamat din sa mga isda." Napahagikgik siya saka tumalikod na.

Pero laking gulat niya nang makita si Gener. May gulat na ekspresyon din ito sa mukha habang palipat-lipat ang tingin sa kaniya at sa kasama niya.

"Ito pala ang dahilan kaya palagi kang may dalang sariwang isda." Kitang-kita niya na sumuka ito. Nais sana niya itong lapitan pero sinigawan siya nito. "Huwag kang lalapit sa'kin!"

Huli na nang mapagtanto niya na may dala pala itong baril. Ipinutok nito iyon sa kasama niya. Pagkatapos ay itinutok sa kaniya.

"Gener, mahal ko.."

Kahit papaano ay masaya siya dahil ang gwapong mukha nito ang nasilayan niya bago siya mamatay.

"Punyeta kang halimaw ka!"

Encounter with a BerberokaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon