Chapter 4

127 25 3
                                    

DEBORAH’S POV

“Bakit gan’yan ka? Hindi nakakasawang kasama maghapon. Puro tawanan, may kasamang asaran, pero sa dulo’y—”

Nahinto ang aking pagkanta nang may dumaang palaka sa may paanan ko habang naliligo ako sa banyo.

“Hoy, palaka!” sigaw ko rito. “Sinisilipan mo ba ako?” Hindi ako pinansin ng palaka at dire-diretsong nagsuot sa butas na labasan ng tubig.

“Basta kapag narito tayo sa school, gusto ko na nasa tabi lang kita. Ako na ang bahala sa iyo pagkatapos. I’ll do my duty as well as your Byeongyun.”

Napailing ako’t napanguso. “Ayaw niyang may feeling nagmamay-ari sa kaniya pero ano iyong ‘your Byeongyun’ na sinasabi niya? Tunog akin siya, a,” bulong ko sa aking sarili habang nagsa-shampoo.

“I told you already na ako na ang makikita mo, makakausap mo, at makikita mo araw-araw dito sa school.”

“Let’s see, midget. But don’t you believe in the saying na kung sino ang una mong naka-bonding sa unang araw mo sa school ay siya na rin ang magiging kasama mo the rest of the school year?”

“Teka lang, Deborah! Ano’ng meron at bigla mong naisip iyon? Itigil mo iyan!” pasigaw kong paalala sa aking sarili saka nagbuhos ng tubig.

“Mexico! Ano ba’ng ipinagsisisigaw mo riyan? Para kang baliw!” rinig kong sigaw ng aking ina.

“Mama naman! Deborah! Deborah po ang itawag ninyo sa akin!” pasigaw kong tugon sa kaniya saka kinuskos ang aking mukha gamit ang aking kamay.

“Ewan ko sa iyong bata ka! Bilisan mo na riyan at ako’y taeng-tae na!”

“Opo, patapos na po ako!”

Paglabas ko ng banyo habang nakatapis lamang ng tuwalya ay naabutan ko si Mama na nagluluto sa kusina na malapit lamang kung nasaan ang banyo.

“Mama, mapagkakatiwalaan ba ang mga lalaki?” tanong ko sa kaniya na alam kong ikakukunot ng kaniyang noo. Pagharap niya sa akin ay hindi ako nagkamali.

Agad niyang ibinaba ang kaniyang hawak na sandok doon sa kawaling may pinakukuluang karne ng baboy saka niya ako binalingan ng tingin.

“Hindi lahat,” sagot niya. “Bakit? Ano’ng meron at itinatanong mo sa akin iyan? Hindi ba’t dapat ay alam mo na ang sagot sa iyong tanong?”

“Wala lang po,” tugon ko. “Pero Mama, hindi naman magkakapareho ang mga lalaki, ‘di ba? Pero lahat po sila ay nagiging walang kuwenta sa kani-kanilang natatanging paraan. Pasok ka na sa banyo, Ma. Puwede ka nang tumae,” sabi ko pa bago tuluyang umalis sa harap ng banyo at nagtungo sa aking kuwarto.

“Kung anu-ano na namang sinasabi mo,” naiiling pa niyang turan.

Maya-maya pa’y muli kong narinig ang boses ni Mama.

“Hoy, Mexico! Kumain ka muna bago ka pumasok, ha? Malapit na maluto iyong Adobo,” sigaw niya mula sa banyo na agad ko namang sinang-ayunan.

Mexico, Mexico! Ang kulit ni Mama. Sabi na kasing Deborah! Deborah ang pangalan ko!

Matapos kong kumain at mag-ayos bilang paghahanda sa pagpasok ay agad na rin akong umalis sa bahay. Habang nasa daan ay bigla kong naalala ang assignment na nakalimutan kong sagutan kanina.

Sa pagmamadali ko pa ay nakalimutan ko na ring mag-tap ng ID sa may gate kaya’t agad akong hinarang noong guard.

“Miss, nasaan ang ID mo?”

Nang mapagtanto kong hindi ko rin suot ang aking ID ay agad kong hinalungkat ang aking dalang bag.

“Saglit lang po,” sabi ko habang patuloy sa paghahanap ng aking ID na hindi ko naman sigurado kung naiwanan ko ba sa bahay o naiwala ko na.

Fulfilled Duties (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon