Elise

94 16 11
                                    

Taon-taon simula nang mag-aral ako sa Maynila, sapilitan akong umuuwi sa amin tuwing sasapit ang kuwaresma. Takot ang nangingibabaw sa'kin, dahil sa tuwing matatapos ang banal na linggo'y may kamag-anak kaming napapabalitang nawawala o 'di kaya'y mapapabalitang natagpuan sa isang liblib na lugar na wala ng buhay—warak ang sikmura at nawawala ang mga lamang-loob. Aswang, iyan ang pinaghihinalaan nilang may gawa pero wala pang nakakapag-patunay dito.

Kaya heto ulit ako ngayon, bitbit ang gamit habang pababa ng dyip. Desidido na ako. Ito na ang huling beses na babalik ako sa lumang mansyon. Haharapin ko na ang takot na ilang taon kong sinusupil. Ito ma'y ang aking tiyo na laging nakamasid at nagmamanman sa'kin, o ang kakaibang tunog na nanggagaling sa ilalim ng aking kama.


NAKANGITI AKONG SINALUBONG NI LOLA AGNES sa tarangkahan ng mansyon. Sabik na sabik niya akong yinakap at kinumusta. Simula nang mamatay sa aksidente ang mga magulang ko'y siya na ang nag-alaga sa akin, kaya naman kahit naninibago ako sa ikinikilos niya ngayon ay isinawalang-bahala ko na lamang.

Nang tuluyang makapasok ng bahay ay nagpaalam muna akong ilalagay ang mga gamit sa kuwarto. Isang hakbang ko palang papasok, nagsitayuan na ang aking balahibo. Heto na naman ang pakiramdam na tila may nagmamasid sa akin. Bago pa man ako lamunin nang takot na unti-unting umuusbong sa dibdib ko'y lumabas na ulit ako ng kuwarto.

Kumunot ang aking noo nang makarinig ng tila nag-uusap sa kusina.

"Kailan niyo ba sasabihin sa kaniya ang totoo?"

"Hindi pa tamang pana—"

"Kailan pa? Kung ubos na tayong lahat?! Kung bakit kasi kinupkop niyo pa ang Samaritano'ng 'yan! Alam niyo namang may lahing aswang ang pamilyang 'yon!"

Natutop ko ang aking bibig nang marinig ang malakas na sampal ni Lola kay Tiyo Eduardo. Dahan-dahan akong napaatras. Tama ba ang narinig ko na hindi ako isang Santa Fe? Samaritano? Matagal ko nang naririnig ang apelyidong 'yon, sa pagkakaalam ko ay pinaghihinalaan silang lahi ng mga aswang at mangkukulam.

Natutulalang tinungo ko ang aking kuwarto, hindi ko na tinapos ang pakikinig sa usapan nila. Namuhay lang pala ako sa kasinungalingan. Masakit. Nakakangalit. Pinahid ko ang taksil na mga luhang dumaloy sa pisngi ko. Mas mabuting itulog ko na lang 'to, baka magising akong panaginip lang ang lahat.


NAGISING AKO NANG MAKARAMDAM ng marahang haplos sa'king pisngi. Nakatulog pala ako, at mukhang maggagabi na. Akmang aabutin ko ang lamparang nasa tabi ng kama ko, nang makarinig ako ng kaluskos at ungol. Nanggagaling 'yon sa ilalim ng aking kama. Inabot ko ang punyal na nasa ilalim ng aking unan at dahan-dahang bumaba para silipin ang ilalim nito. Bumungad sa akin ang isang palayok, nang hawakan ko ito'y narinig ko ang halinghing na parang sa aso.

Nanginginig ang mga kamay na binalot ko ito ng kumot at tumakbo palabas, patungo sa tanging tao na makakapagbigay ng sagot sa hinala ko, ang nag-iisang Samaritano sa baryo.

Hinihingal na inabot ko ang palayok sa matandang lalaking inabutan ko sa labas ng kubo malapit sa  bundok. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang palayok.

"Buong akala ko'y wala nang pamilyang nag-aalaga ng sigbin dito. Paano napunta sa'yo 'to, hija?"

Kuwinento ko sa kaniya ang tungkol sa narinig kong usapan nila Lola at Tiyo. Agad naman itong naintindihan ng matanda at hindi na nagtanong pa.

"Alam kong walang lugar ang tulad nito sa ating baryo. Pero dapat mong maintindihan na tagabantay lamang 'to, hija. Sa buong kasaysayan natin, 'di pa ako nakarinig ng sigbin na  pumapatay ng walang dahilan. Buo na ba ang 'yong pasya—"

"Buo na po."

Nag-aalangan ma'y sinimulan na niyang dasalan ang palayok, at saka inihinagis sa ginawa niyang siga. Isang nakagigimbal na palahaw ang aming narinig.

"Elise! H'wag, mahal ko!"


SARIWA PA SA AKING ISIP ang palahaw ng sigbin kanina nang marinig ko ang biglang pagbukas ng aking pinto. Kinabahan ako nang makitang pumasok si Tiyo at unti-unting hinuhubad ang suot na damit, mala-halimaw ang ngiti habang sinasambit ang mga katagang 'di ko inaakalang maririnig ko.

"Sa wakas ay wala na rin ang tunog ng sigbin sa ilalim ng kama mo. Ngayo'y maaari na, para 'to sa lahat ng kapatid kong pinatay ng pamilya mo at tagahanga mong sigbin. H'wag kang sisigaw, hija, mabilis lamang ito."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 09, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

EliseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon