Episode 2: Hapo

114 9 1
                                    

Lulugo-lugong sumakay ng bus pauwi sa kanila si Simon.  Mag-iisang linggo na siyang naghahanap ng trabaho ngunit bigo pa rin siya.  Isa siya sa mga minalas ma-retrench sa pabrika ng tela.  Walang kaalam-alam ang kanyang maybahay sa nangyari, kaya ganito na lang ang panlulumo niya nang hindi na naman matanggap sa inaplayang factory.  Gulong-gulo na ang isip ni Simon.  Buntis na naman si Rose sa kanilang pang-apat na supling.  Maraming gastusin sa bahay.  Kanina’y sumaglit siya sa dating pabrikang pinapasukan, nagsumamo sa supervisor na muli siyang tanggapin.  Wala naman siyang masamang record sa kumpanya, ngunit batid niyang matindi ang selos sa kanya ng isa sa kanyang kasamahan sa trabaho, at alam niyang may kiinalaman si Pablo sa pagkakatanggal niya sa pabrika.  Bitbit niya ang kanyang paltik, binalak todasin ang sipsip na trabador.  Sa huli’y hindi niya nagawa.  Sasabihin na lang niya kay Rose ang nangyari pagdating niya sa bahay.  Dadaan muna siya sa simbahan upang linisin ang konsensiya.

“Papaano tayo ngayon niyan, Mon?”  Kunot-noong hinimas ni Rose ang tiyan habang pinapaypayan ang mga batang natutulog sa kaisa-isa nilang kama.  Napasabunot sa kanyang buhok si Simon.  Hindi niya alam ang isasagot sa asawa.  Kanina, matapos makapagsimba’y palihim niyang itinapon sa maburak na creek ang paltik.  Hindi niya kayang ipagpalit sa rehas na bakal ang kanyang mga anak at butihing asawa.

“Pagsisikapan kong makahanap ng bagong mapapasukan, Rose.  Kahit mag-janitor ako o maglako ng face towel.  Igagapang ko kayo.”  Nangilid ang luha sa mga mata ng lalaki.  Tinabihan siya ni Rose, hinagod ang likod.

“Magbanlaw ka na’t ihahanda ko na ang hapunan mo,”  masuyong utos ng asawa.

“O, papasok ka na ba sa pabrika, Mon?”  Masaya ang salubong ng kapitbahay kay Simon nang umagang iyon.  Kagaya nitong mga ilang araw, maagang naglakad patungo sa bus station si Simon upang muling maghanap ng trabaho.

“Hindi po, Ka Martin. Nare-trench na po ako sa pabrika,” malungkot na sagot ni Simon.  Napawi ang ngiti sa labi ng matanda.  “Noong isang linggo pa po ako tinanggal.  Wala akong ginawa ngayon kundi maghanap ng trabaho.  Buntis na naman si Rose.”

“Tsk.  Mahirap na talaga ang buhay ngayon, hijo.”  Marahang tinapik ni Ka Martin ang balikat ng kapitbahay.  “Maging sa katulad kong may mga anak sa abroad.  Nakalimutan na yata nilang may ama pa silang naiwan rito sa Pilipinas.”

“Baka naghihirap rin po sila doon, Ka.”

“Siguro.”  Nagkibit-balikat na lang ang matanda.

Hapong-hapo nang makauwi si Simon sa kanila nang gabing iyon mula sa isa na naman bigong paghahanap.  Sumalubong ang mga bata at nagmano sa ama.  Nabasa kaagad ni Rose ang malungkot na anyo ng asawa.  Pinaghanda niya ito ng hapunan.

“Sumaglit rito kanina si Ka Martin,” ani Rose.  Nag-angat ng tingin ang asawa.  “Pinasasabi sa iyo, may nabakante raw sa team nila.”  Foreman sa isang maliit na construction firm si Ka Martin.  “Baka gusto mo raw mag-construction muna, Mon.”  May halong pag-aalala ang boses ng asawa. 

Napangiti si Simon, sabay pisil sa babâ ni Rose.

“Kahit sabihin pa niyang magbuhat ako ng eroplano, Rose…”

Natawa ang asawa, masuyo siyang hinampas sa balikat. 

*****END***** 

PATAK: Koleksyon ng One ShotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon