"Tay, pwede na po ba akong magka-boyfriend?"
Nilinga ko ang aking bunso. Biglang nag-init ang aking tainga sa kanyang sinabi ngunit naghunusdili ako sa takot na ma-alta presyong muli. Mas nakakatakot ang walang katapusang ngakngak ni misis kapag nagkataon. Kaya dinaan ko na lang ang lahat sa isang kundisyon.
"Kapag nagka-boyfriend na ang titser mo, pwede ka na ring magka-boyfriend."
"Tay naman!" Maktol ni Bunso. "Eh, 45 years old na si Ma'am. May manliligaw pa ba sa isang iyon?"
"Basta!"
Halos magiba ang bahay nang lumagapak ang pinto paglabas ni bunso papuntang eskwelahan.
Ilang araw rin ang dumaan nang masagap ko ang balita. Nag-iinuman kami ni Pareng Tonio sa tindahan nang dumating ang mga tsismosa'ng bespren ni Aling Nora. Kunwa'y bibili raw ang mga ito bago isiniwalat ang di-mapigilang tsismis.
"Hoy, dumating na yung porenjer ni Ma'am Santos!"
"Ha? Talaga! Ano, Kano ba?" Atat namang tanong ni Aling Nora.
" Ewan, di naman mahusay mag-ingles."
"Galing Europa raw. Damatans na, may hawak na nga'ng baston, eh."
"Naku, di na baling uugod-ugod na," ani Aling Nora. "Basta ba nabenta na si Ma'am!" Nagtawanan ang mga tsismosa.
Lulugo-lugo akong umuwi.
Hindi na ako nagtaka nang pagdating ng Sabado'y nasa sala na si Henry. Ang gusgusing binata'y nagmukhang tao nang araw na iyon. Madudulas ang langaw sa tindi ng pomada'ng gamit nito . sa kaharap na silya'y naroon ang aking bunso, nakabihis kaswal at kulay makopa ang labi.
Wala akong nagawa kundi himasin na lang ang alaga kong manok sa likod ng bahay.
END