Nakakatawang-nakakahiya ang muli nilang pagtatagpo ni Andres. Sino ba naman kasing mag-aakalang malalasing silang dalawa sa iisang bar, sa dinami-dami ng bars sa buong Cagayan de Oro City. Nag bar-hopping muna bago nagkaayaan ang kanyang grupo sa Toushiro's Bar, kung saan naroon rin pala ang grupo ni Andres. Noong una'y hindi nila napansin ang isa't isa hanggang sa mamukhaan si Eve ng isa sa mga kaibigan ng dating nobyo. Itinuro nito ang mesa nila. Nagtagpo ang tingin nilang dalawa, biglang nagkaroon ng malakidlat na koneksyon sa kanilang pagitan bago pa man naningkit ang mga mata ni Eve at pasuray na nilapitan ang mesa nina Andres.
Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ng lalaki nang akma siyang tumayo para harapin si Eve. Napaupong muli si Andres, gulat na sapo ang kanyang nag-iinit na pisngi.
"Putsak! Ang sakit nu'n ah?" Galit ang pananalita nito. Napangisi si Eve, sabay namaywang. Lumapit na rin ang tatlo pa niyang kasama, pabulong na pinababalik siya sa kanilang mesa.
"Mare, huwag kang mag-iskandalo rito." Pilit hinahatak nina Alice at Greggie ang kaibigan palayo sa grupo ni Andres. Halatang marami na ring nainom si Andres at bakas na ngayon sa mukha nito ang matinding galit.
"Buti na lang at nagkita tayong muli, Andres!" Malakas ang boses ni Eve, dahil na rin sa kalasingan nito. "Matagal na kitang gustong sakalin!"
Palundag niyang dinumog ang kanyang ex.
Inip na sinusulyapan ng pulis ang dalawang nakaupo ngayon sa kanyang harapan at siyang mga pasimuno ng gulo. Nakasimangot ang dalawa kanina nang sapilitang pinasakay ng mga pulis sa patrol car at dinala sa presinto. Sumunod na lang ang mga kaibigan nila.
"O, ano? Ngayon, tahimik kayong dalawa? Samantalang kanina, ang yayabang ninyong magsalita sa loob ng patrol car," pangungutya ng pulis. Nahimasmasan na ngayon ang dalawa, nakatiim-bagang at matatalim na tingin ang ipinupukol sa isa't isa.
"Ikulong niyo na kasi yang babaeng yan, Sir," mungkahi ni Andres, sapo ang namamagang ulo na kanina'y idinakdak ni Eve sa sahig nang dumugin siya nito. "Bayolente talaga yan!"
"Naku, nagsalita naman ang anghel," kutya naman ni Eve sa dating nobyo. "Ako ngayon ang bayolente? Samantalang kung sipain mo yung mga aso sa kalye, wagas!"
"Talagang maghahasik ako kung hindi mo ako tatantanan!" Napatayo sa kinauupuan si Andres nang singhalan si Eve. Napakamot-ulo ang pulis, inip na sinulyapan ang Non-uniform Personnel na siyang nag-e-encode sa mga impormasyong naririnig mula sa dalawa.
"Sir, o! Grave threat yun di po ba?"
"Pwede ba!" Banas na wika ng pulis. "Ayus-ayusin nga ninyo yang mga sarili ninyo, para matapos na tayo rito. Sino ba kasi ang nangulo sa gulo?"
"Iyang bruhang yan, Sir," panduduro ng binata sa dating nobya. Naningkit ang mga mata ni Eve sabay palo sa kamay ng kaharap.
"Papaano'ng hindi kita dudumugin, pinagpalit mo ako doon sa Mama Sang na iyon." May halong tampo ang bintang ng dalaga. Napakamot-ulo na rin si Andres.
"Ilang beses ko ba'ng sasabihing hindi kita ipinagpalit kay Felicity! Oo, yun ang pangalan niya," putol ng binata nang akmang magsasalita si Eve. "At, pwede ba, galangin mo yung tao? Isa siyang mahusay na professor sa university."
"O, nakita mo na? Pinagtatanggol mo pa yung tao..." singhot.
"Tigilan mo na nga ako sa drama mo, Eveline," asik ni Andres. Mas lalong nalukot ang mukha ng dalaga. "Ang hirap sa iyo, hindi ka marunong makinig."
"Bakit naman ako makikinig kung puro kasinungalingan naman yang lumalabas sa bibig mo?" Singhot uli.
"Hindi naman ako nagsinungaling, ah! Walang namagitan sa amin ni Felicity. Magkaklase lang kami sa Masteral. Natural lang na lumabas kami at kumain paminsan-minsan. At saka, hindi lang naman siya ang kasama ko kapag lumalabas kami."