Si Maricris ay isang batang ina, nabuntis siya sa edad na katorse. Pagkapanganak niya sa kanyang anak ay sari-saring sakit na ang dumapo sa kanya. Isang taon at kalahati na din ang kanyang tinatagal. Lagi na siyang may ubo, namamayat na din siya.
Wala naman silang sapat na pera pampagamot sa kanya kaya lalo lang lumala ang sakit niya.
Todo iyak ang kanyang nanay habang inaalagaan nito si Maricris. Kahit hindi kasi ito nagsasalita ay parang nagpapaalam na ito sa sobrang hirap ng kanyang dinadanas.
“Nay, si Joshua ha. Alagaan niyo siyang mabuti, alam naman natin na hindi ko na siya makakasama pa ng matagal. Pasensya ka na din sa mga maling desisyon ko, kung nakapag-isip lang sana ako ng tama eh hindi mangyayari sa akin ito.” sabi ni Maricris sa kanyang nanay
“Ano ba naman iyang sinasabi mo anak? Hindi ka pa mawawala, makakasama ka pa naming matagal ni Joshua. Tibayan mo ang loob mo, huwag na para sa akin pero para na lang sa anak mo.” sagot naman ng kanyang nanay
“Nay, hindi ko na po kasi talaga kaya. Ilang araw na lang siguro ang itatagal ko. Basta, kung ano man ang mangyari ay huwag mong ibibigay si Joshua sa tatay niya. Iyon lang ang bilin ko.” sagot ni Maricris
“Oo naman, wala namang karapatan ang lalaking iyon sa apo ko. Kahit kailan ay hindi ko ibibigay si Joshua sa kanya.” sagot ng nanay ni Maricris
Dumaan ang mga araw at tama nga ang sinabi ni Maricris, namatay siya habang natutulog sa kanyang higaan. Labis na hinagpis ang bumalot sa kanyang pamilya. Si Joshua, ang batang walang kamuang-muang ay naiwan sa kanyang lolo at lola.
“Maaari ka nang magpahinga anak, alam kong pagod ka na rin. Kahit masakit ay tatanggapin namin ang pagkawala mo. Paalam anak, mahal na mahal ka namin.” sabi ng nanay ni Maricris
“Magbabayad siya sa ginawa niya. Hinding-hindi ko siya mapapatawad! Dahil sa kanya, nawala ang nag-iisang babae kong anak!” sigaw naman ng tatay ni Maricris
Si Maricris ay dating kasambahay ng taong bumuntis sa kanya. Noong nalaman iyon ng pamilya ni Sir Joshua ay agad na pinalayas si Maricris sa mansyon at hindi na kinamusta pa. Kahit ganoon, pinili pa din niyang isunod sa pangalan ni Sir Joshua ang kanyang anak.
Sa huling araw ng lamay ni Maricris ay nagulat ang lahat dahil dumating si Sir Joshua kasama ang pamilya niya. Napuno ng galit ang pamilya ni Maricris dahil sa pagdating nila.
“Anong ginagawa niyo dito? Umalis kayo, wala kayong karapatan dito! Magbabayad kayo sa ginawa niyo sa anak ko!” sigaw ng nanay ni Maricris
“Ako na po ang magbabayad sa gastusin dito sa burol at libing ni Maricris. Kapalit po noon ay kukunin ko ang anak ko.” sagot ni Sir Joshua
“Hindi, hindi ako makakapayag! Wala kayong karapatan sa apo ko. Pagkatapos ng ginawa mo sa anak ko, sa tingin mo ay ibibigay ko pa sa iyo ang anak mo?” sabi ng tatay ni Maricris
“Pasensya na po, kailangan ko talagang kunin ang anak ko. Ngayon pong wala na si Maricris ay ako na po ang susunod na may karapatan sa bata.” sabi ni Sir Joshua
Pilit na kinuha ng pamilya ni Sir Joshua ang kanyang anak. Sabi pa niya, nasa batas daw na kapag nawala ang nanay ay sa tatay mapupunta ang bata kaya wala din silang nagawa. May mga pulis din kasing kasama ito kaya labis ang takot nila.
Ang hindi nila alam, nakikita ng bata ang kanyang ina kaya tawag ito nang tawag ng Mama. Sumunod ang kaluluwa ni Maricris sa bahay nina Sir Joshua para bantayan ang anak niya. Simula noon ay wala nang ibang binabangit si Joshua kundi “Mama” lang.
Noong mga unang linggo ay kaya pa ni Sir Joshua ang ingay ng bata. Umiiyak kasi ito nang malakas at hindi tumitigil hanggang hindi na niya nakayanan, sinigawan na niya ang kanyang anak.
“Tumigil ka na sa kakaiyak mo! Ako na ang kasama mo kaya huwag mo nang tawagin pa ang Mama mo!” sabi ni Sir Joshua pagkatapos ay binigyan niya ng gatas ang kanyang anak
Nasa paligid pa din si Maricris, nagmamasid kung ano ang nangyayari sa kanyang anak. Galit na galit naman siya dahil hindi niya magawang protektahan ang kanyang anak laban sa tatay nitong mapang-api.
“Anak, patigilan mo nga yang anak mo. Ang ingay eh matutulog na ko!” sabi pa ng nanay ni Sir Joshua
Kinabukasan, gulat na gulat na lang ang lahat dahil nakitang patay si Sir Joshua sa kanyang kwarto. Puro dugo ito at may patalim sa tabi ng kanyang kama. Nagtaka din ang lahat dahil wala doon ang anak niya. Pilit na hinanap ng mga magulang ang kanilang apo pero hindi talaga ito mahanap.
Nang malaman iyon ng mga magulang ni Maricris ay pumunta sila sa bahay nina Sir Joshua para hanapin ang kanilang apo pero wala din silang nakita doon. Kaya alalang-alala sila, may nakapagsabi naman na may natagpuan na bata sa may gubat kaya agad silang nagpatulong sa mga pulis at opisyal ng barangay para matingnan kung sino yung bata.
“May bata po doon sa may gubat, hindi nga po namin malaman kung paanong nakapunta iyon doon eh pero tingnan niyo po at baka siya na ang apong hinahanap niyo.” sabi ng nakakita sa bata
“Sige po, titingnan namin kung iyon po ang apo namin. Maraming salamat po!” naluluhang sagot ng nanay ni Maricris
Pagdating doon ay may isang batang nakahiga sa gubat, nakangiti ito at tawag nang tawag sa kanyang Mama. Nakumpirma nga nila na ito ang kanilang apo. Labis naman ang tuwa ng mga magulang ni Maricris dahil dito.
Bago pa sila makalapit doon sa bata ay may kung anong malamig na hangin ang dumampi sa kanilang balat. Pagkatapos noon ay may narinig na bulong ang nanay ni Maricris na labis nitong kinatakot.
“Huwag niyo nang papabayaan pa ang anak ko. Mahal na mahal ko siya at siya na lang ang natitirang magandang alaala ko sa mundong ito.”
Pagkatapos noon ay dali-dali nang pumunta ang mga magulang ni Maricris sa kanilang apo. Habang yakap nila ito ay may sinambit naman ang nanay ni Maricris sa hangin.
“Pasensya ka na anak, hindi ko kasi natupad ang pangako kong hindi ko ibibigay si Joshua sa kanila. Pero ngayon, tutuparin ko na iyon. Hinding-hindi na sila makakalapit pa sa amin ng apo kong si Joshua.”
Simula noon ay naging maayos na ang lahat. Minsan, nagpapakita pa din si Maricris sa kanyang anak para kamustahin ito. Wala na din silang balita sa pamilya ni Sir Joshua, nagpakalayo-layo na din kasi sila sa Maynila at pinili na lang manirahan sa probinsya.
BINABASA MO ANG
Katorse [One Shot- Completed]
HorreurSi Maricris ay nabuntis sa edad na katorse ngunit namatay siya sa sakit pagkatapos manganak.. Ngunit, bumalik siya para iligtas ang kanyang anak. Date Started: December 4, 2019 Date Ended: December 4, 2019