Simula

55 2 0
                                    

Simula

///

Marami pa bang tao ang nag-iisip nang malalim tungkol sa buhay? Sa mundo?

Sa panibagong gabing may lungkot na mahirap ipaliwanag, napapikit ako at napaisip na naman sa mga nagpapabigat ng loob ko.

Ang sabi ng mga nakatatanda, napakadaling ma-depress ng mga kabataan ngayon. Masyado raw sensitive at ayaw na dinidisiplina, pero mahirap mang-judge kung hindi mo naranasan ang isang bagay. Isa pa, masyadong mabigat ang salitang depression. Nasa pagitan ako ng panahon ng dalawang 'yon pero wala akong magawang sisihin.

Naalala ko 'yung minsang usapan namin ng best friend kong hindi ko na alam kung nasaan ngayon.

"Ano ba'ng mayro'n sa mga kabataan ngayon? Ang daling masaktan. Ang bilis magreklamo. 'Di gaya dati, ang simple lang ng buhay," sabi niya.

"'Di naman lahat. Saka 'di natin pwedeng sabihing swerte tayo tapos sila hindi. 'Di nila kasalanan na hindi nila naabutan 'yung kinagawian nung kabataan natin. Pwede ring hindi nila 'yun nakasanayan kasi hindi na-preserve o naturo ng mga nakatatanda ngayon. Parehas may role. At panapanahon ang buhay, nagbabago," sagot ko.

"Tama naman. Pero di ko lang maiwasang mapaisip. Kung unti-unti nang nagbabago 'yung mga nakagawian dati, gaano pa kaya magbabago para sa next generation? Pa'no na kaya sila mag-iisip? Napaka-advance na siguro."

"Oo nga e. Ang hirap isipin."

"Kung makakakilala ka ng taong galing sa future, sino'ng gusto mo?" tanong niya.

Natawa 'ko nang bahagya. "Pa'nong galing sa future? Future asawa?"

"Hindi. I mean 'pag may nag-time travel galing sa future. You know what, one great argument about time is that it is an illusion daw. Ano sa tingin mo?"

Tumango ako. Ayan na naman kasi 'yung mga kakaibang life theory niya. "Interesting, pero ewan. Basta ang gusto ko ma-meet ay isang taong nandyan lagi para sa 'kin, hindi ako pababayaan. Gano'n."

"Kapag nakahanap ako, ipapakilala ko sa 'yo," sagot naman niya.

"Ng galing sa future? 'Wag na. Loka-loka," natatawa kong sagot at saka umiling-iling sa kaibigang malawak ang pag-iisip sa mga bagay-bagay.

Napadilat ako pagtapos alalahanin ang usapan at bumungad sa 'kin ang buwan na maliwanag. Nasa rooftop ako ng apartment na tinutuluyan ko at damang-dama ang malamig na hangin. Tanaw mula rito 'yung mga matataas na building sa syudad na buhay na buhay pa rin sa mga ilaw.

Tumunog ang cellphone kong nasa bulsa. Nang tignan ko, chat message galing sa hindi ko kilalang tao. Anonymous account. Dalawang image ang pinadala niya. Picture ng dati kong boyfriend at ng bago niyang girlfriend na kumakain sa isang restaurant at masayang-masaya.

Hindi ko alam kung sinong nagpapadala nito. Wala siyang ibang sinasabi bukod sa mga sine-send na litrato. Hindi siya nagpapakilala.

"Tama na. Hiwalay na kami. Hindi mo na kailangan mag-send ng mga ganyan."

Pagka-send ko no'n, natigilan ako nang ilang segundo bago napahinga nang malalim. Tinitigan ko 'yung mga picture ng lalaking dating mahal na mahal ako... na ngayon hindi na.

Sa buhay, bihira lang makatagpo ng tunay na pag-ibig kaya nang nakilala ko siya noon, inisip kong milagro na mahanap siya sa mundong 'to. Pero minsan, may mga pagmamahal na may hangganan.

May ilang message pa 'kong hindi na o-open kaya binasa ko.

"Ate. Nag-aaway na naman sila... Kung magtrabaho na lang din kaya ako, para makatulong na," maigsi pero malalim na mensahe mula sa kapatid ko.

The Future Is HereTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon