Kabanata 1: Kaibigan
///
Ilang taon na 'kong nakatira sa syudad para mag-aral sa isang malaking eskwelahan. Isa ako sa mga lumuwas mula probinsya para makadagdag sa populasyon ng Maynila. Gusto ko sanang maka-graduate sa isang sikat na school para hopefully, mas madaling makahanap ng magandang trabaho.
'Yun 'yung mindset ko noon. Ngayon, iniisip ko kung tama bang umalis ako sa hometown ko. Sa dalawang taong natitira bago maka-graduate, sumuko ang pamilya sa pagpapa-aral sa 'kin. Kinailangan kong isabay ang trabaho sa pag-aaral, 'yun lang ang paraan para makapagpatuloy. At ngayon, huling taon na sa college.
Nakaupo ako ngayon sa damuhan at nakasandal sa ilalim ng malaking puno na nasa loob lang ng campus. Nakakahanga na kahit na nagtataasan na 'yung mga building sa paligid, marami pa ring puno. Pumikit ako at dinama 'yung ihip ng hangin. Nakakaginhawa ng pakiramdam.
"Daimler, aba at natutulog ka na naman dyan."
Napadilat ako nang marinig ang boses na 'yon. Tumayo naman agad ako at binati ang dating professor sa minor subject na Psychology.
"Ma'am Jen! Musta po?"
"Eto stressed na, magre-resign na," sagot niya pero nakangiti.
Nasa early 30s na siya pero mas bata siyang tignan sa edad. 'Yun kasi ang kagandahan sa pagiging teacher, matagal bumakas 'yung katandaan lalo na at kabataan ang mga nakakasalamuha.
"Naku Ma'am, ang tagal mo na po 'yang panakot. Alam naming mahal na mahal mo ang pagtuturo. Babaguhin niyo pa nga po ang mundo 'di ba?"
Natawa naman siya. "Aba't naalala mo pa 'yung linya ko. Pero ikaw a, nakwento ka ng prof mo sa faculty, natutulog ka raw habang may nagre-report sa klase."
Napahawak naman ako sa batok at ngumisi. "Nagising din naman agad Ma'am. Medyo puyat lang kagabi," sagot ko.
"Ikaw talaga. Alam kong nagpa-part time ka kaya ka puyat. Doon pa rin ba sa firm?"
Siya 'yung nag-recommend sa 'kin sa pinagtatrabahuhan kong firm. Nag-start lang as OJT hanggang nabigyan ng chance na mag-part time.
"Opo Ma'am. Salamat ulit sa recommendation."
Tinapik naman niya ako sa braso. "Wala 'yon. Alam kong malayo ang mararating mo. At maaasahan kang bata, siguradong nakita nila 'yon."
"'Di na 'to bata Ma'am. At naku ang taas po ng expectation samantalang ang gusto ko lang po sa buhay... sumaya," natatawa kong sabi.
"Aba'y dapat ka talagang magsaya, lalo na at bata ka pa. Mas maraming mananakit sa 'yo 'pag alis ng school, magdududa ka sa sarili mo at sa mga desisyon mo sa buhay. Pero sana 'wag kang susuko. I-enjoy mo ang college life anak. Masayang maging bata."
"Oo naman Ma'am, enjoy lang," ngumiti ako nang malungkot. Ironic.
"O pa'no, uwi na 'ko at tapos na ang klase ko."
Pero bago siya tuluyang umalis... sumagi sa isip ko 'yung linya niya noon na hindi ko makalimutan. "Ma'am... Nung sinabi niyo pong babaguhin niyo ang mundo, ano po'ng ibig niyong sabihin?"
Napahinto siya saglit bago niya 'ko nilingon ulit. Huminga siya nang malalim at napatingin sa kalangitan ng ilang sandali bago ako seryosong tinignan. "Siguro gumawa ka ng maliit man o malaking bagay na alam mong makakatulong sa mga tao, sa mundo, at sa susunod na generation. Hindi kailangan ng recognition. Alam man ng iba o hindi, basta ikaw sa sarili mo. Magsimula ka ng pagbabago."
Hindi agad ako nakasagot.
Ngumiti siya nang magaan. "Magulo ba? 'Di bale, magulo naman ang mundo 'di ba?" sagot niya at tumawa.
BINABASA MO ANG
The Future Is Here
Science FictionKung bibigyan ng pagkakataon, gusto kong makita ulit ang isang tao mula sa nakaraan. Pero ang makakilala ng isang nanggaling sa panahong hindi pa nagaganap at hindi ko alam kung maaabutan ko, hindi ko alam kung mabuti o hindi. Dahil may kaakibat na...