Charpter One

2.4K 66 17
                                    

NOTE: The Chabacano words I used are not written in their proper spelling. I have written and spelled it based on how a Chabacano speaker pronounces it. Also, some dialogues are written in a [baroque] way.

***

"Kaya mo 'yan, Kaye. Isang round pa," pangungumbinsi sa akin ni Rey.

"Hindi ko na talaga kaya," ang sagot ko sa kaniya habang hinahabol ang aking hininga. "Hindi ko na talaga kaya ang isang beses pa." Pawis na pawis na ako. Tumatagatak ang pawis ko sa aking noo. Ang sakit-sakit na rin ng mga binti at tuhod ko. Hindi ko na kaya pa.

"Pero Kaye, para naman sa 'yo ito, eh. Isang beses pa. Tapos no'n, hindi na kita kukulitin pa. Kapag naabot na natin ang dulo, masa-satisfy ka naman. Maganda ang magiging pakiramdam ng katawan mo. Masarap sa pakiramdam 'pag natapos natin ito. Pangako."

Masa-satisfy.

Gaganda ang pakiramdam.

Masarap.

Alam talaga ni Rey kung papaano ako makukumbinsi. Dahil gusto kong ma-satisfy. Gusto kong gumanda ang pakiramdam ko. At gustong-gusto kong malasap ang sarap... ang sarap ng tagumpay ng pagpapapayat.

Kaya naman ay isang determinadong tango ang ibinigay ko kay Rey Alvarez, ang pinsan kong beki na ka-edaran ko. "Sige. Isang ikot pa dito sa oval. Pagkatapos nito, ayoko nang mag-jogging ngayong araw. Bukas na naman, ha?"

Isang malutong at malanding tawa ang ibinigay niya. "O sige na nga, 'Neng. Tapusin mo ang isang ikot at stop na tayo for today."

Sinimulan kong takbuhin ang 'di kalakihang oval, kasabay ng mga may-edad na mga manang at manong na nag-jo-jogging din dito sa Paseo del Mar, isang lokal na atraksyon na nagmistulang parang parke sa tabing dagat. Ilang metro naman mula rito ay ang open shrine ng lungsod na tinatwag na Fort Pilar. Tulad ng Paseo del Mar, ang Fort Pilar ay isa ring sikat na lugar dito na madalas ay dinadayo rin ng mga turista.

Ang sabi ni Rey, kailangan ko na raw magpapayat dahil hindi na biro ang sixty-three kilos na timbang ko base raw sa height kong 5'2" at edad na bente-kuwatro. Kaya wala raw akong boyfriend dahil hindi ko inaalagaan ang katawan ko. Kaya raw ako bitter sa buhay dahil hindi pa nga ako nagkakaroon ng boyfriend, hindi na raw ako agad naniniwala sa forever. Hindi raw tulad niya na maraming boyfriend. Malanding beki nga talaga.

Alas-singko pa kami ng umaga dumating sa oval. Matapos mag-warm-up ay sinabayan niya akong mag-jogging.

Nasa huling ikot na ako sa maliit na ikutan na nagsilbing oval para sa mga joggers. Sa kabilang dulo ng Paseo, may mga tita na nagzu-zumba. Napansin kong tumigil sa pagtakbo si Rey at sinabayan ang mga nagsu-zumba. Iniwan ako ng motivator ko para igewang ang kaniyang baywang. Ang gaga.

Malapit na ako sa dulo, sa finish line. Hingal na hingal na rin ako, pero kakayanin ko ito sa larangan ng pagpapapayat. Nang narating ko na ang finish line ko, napayuko ako at ipinatong ang mga kamay sa tuhod. Ang hirap pala magpapayat. Bakit gano'n? Ang daling tumaba, pero kung pumayat naman ay napakahirap.

Tumayo ako nang tuwid at iniayos ang panali sa itim kong buhok na naka-ponytail. Nag-stretching ako para sa cooling down. Matapos ay tinungo ko kung saan naroroon ang mga bench.

Umupo ako sa upuan na nakaharap sa mahabang sementong isang foot ruler ang taas na nakaharang sa tapat ko. Sa ibaba ng mababang sementong bumabakod sa buong Paseo ay ang tubig-dagat na malayang humahampas sa mga batuhan, ang tunog ng paghampas ay nagsisilbing musika sa aking tainga. Napawi ang pagod ko dahil sa kaaya-ayang tunog ng mga alon pati na rin ang magandang tanawin ng karagatan. Tanaw ko mula sa puwesto ko ang mga barkong nakadaong sa Zamboanga port. Natatanaw ko rin sa kabilang ibayo ng dagat ang maliit na isla ng Sta. Cruz, ang white beach ng siyudad. Balang araw, makakapunta rin ako roon. Magsu-swimming akong naka-two piece!

The Zombie SiegeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon