Chapter Three

818 35 2
                                    

"Pendejadas!" bulalas ni Rey. Nagulat kaming lahat sa matigas at malakas na boses niya. "Porque ese el ya pensar sila hacer?" Bakit iyan ang naisip nilang gawin?

Pasasabugin nila ang buong siyudad ng Zamboanga? Ang mga paborito kong lugar, ang paaralang pinasukan ko noong elementarya, high school at sa kolehiyo, ang mga lugar na puno ng mga alaala na baon-baon ko pa simula sa pagkabata... Ang lahat ng iyon mawawala sa isang iglap, madudurog ng pinong-pino hanggang sa maging abo na lamang ang mga ito dahil sa gagawing pagpapasabog. Wala na bang ibang alternatibo? Oo, madaling sabihin na pasabugin ang isang lugar na wala ng pakinabang at nagsisilbing isang salot sa buong bansa. Ngunit dito ako lumaki at nagkaisip. Mahirap para sa akin na tangapin na mawawala lamang ito, na basta-basta na lamang itong pasasabugin. Wala na bang ibang paraan?

Tumingin ako kay mayor. Bakas sa mukha niya ang kalungkutan dahil sa desisyong ipinataw ng pangulo ng bansa. Sa mga mata niya ay nakaukit ang matinding pangungunsensiya. Ang mga hakbang ba na gagawin ng gobyerno ay makatao? Tama ba ang isakripisyo ang isang lugar na may mangilan-ngilan lamang ang nakatira para sa ikabubuti ng buong bansa?

"Wala ng ibang paraan," dagdag pa ni Mayor. "Kailangang mai-contain ang virus o kung ano mang organismong ito. At kailangang mapatay ang mga zombies bago pa ito makalabas ng Zamboanga at makahawa pa."

"Pero mga tao rin sila! Mga dating tao... Baka may paraan pa... Baka may lunas pang madiskubre ang WHO..." Marahil, bilang isang medical student, mas nananaig sa akin ang hanapan ng lunas ang sakit na ito kaysa sundin ang pinakamadaling solusyon na naisip ng gobyerno. Parang mass euthanesia ang gagawin. Papaano na lang kung may iba pang natitirang normal dito na hindi nailikas ng mga militar? Paano na lang kung pagkatapos na pasabugin ang lugar at mapatay ang mga taong naging zombies ay biglang may nadiskubre at naimbentong gamot pala? Walang imposible—kung ang mga bulalakaw nga na nanggaling pang outer space ay ang naging dahilan kaya naging zombies ang mga tao rito, hindi rin imposible na makakagawa rin ng lunas ang mga scientists sa buong mundo.

Nakita kong umiling si mayor. "Hindi ito tulad ng Ebola o MERSCOV, dahil ang mga nahawaan at kinapitan ng organismong nanggaling sa meteor ay kumakain ng tao. Hahayaan na lang ba natin na patuloy sila kumain ng tao? Paano kung nagutom sila? Lalabas sila ng siyudad at kakain sa mga karatig bayan? Mas dadami pa sila! At hindi natin natitiyak pa kung nakakahawa ang kagat nila o hindi..."

Narinig ko ang pagsinghap ni Darla. Lumingon ako sa kinaroroonan niya at nakita ko ang takot at pangamba sa kaniyang mukha. Nang nakita ko kanina ang lumalalang sugat niya sa balikat, nababahala na ako. Ngunit tikom-bibig lamang ako dahil hindi ko pa natitiyak kung dapat ba talaga akong mangamba o hindi. Siguro dapat ay maging totoo ako at sabihin sa kaniya ang hinala ko na maaaring may dalang lason ang laway na nagmula sa kagat ng mga zombies. Ngunit bakit hindi ko kayang sabihin sa kaniya? Nag-i-intern na ako sa pampublikong ospital ng Zamboanga, at araw-araw sa aking duty ay nagagawa kong sabihin sa mga pasyente ko ang kanilang diagnosis o kahit na probable diagnosis. Para sa akin ay mas mabuti pang habang maaga ay may ideya na sila kung ano ang sakit nila.

Pero bakit sa sitwasyon ni Darla ay hindi ko magawang sabihin sa kaniya ang totoong kalagayan niya? Lumalala na ang kaniyang sugat; palaki ito ng palaki. Naaagnas. Bumabaho. Ngunit 'di ko kayang sabihin... Dahil ba alam kong wala rin naman itong lunas? Na wala rin akong magagawa? Nagsisimula na naman akong panghinaan ng loob at nawawalan na naman ako ng pag-asa.

Hindi sinasadyang nagtama ang mga mata namin ni Frank. Nakasalubong na naman ang mga kilay nito at kunot ang noo. Bakit ba tuwing nahuhuli ko siyang tumitingin sa akin ay mukhang gusto ako nitong kainin nang buhay? Pero may bigla akong naisip. Kung hindi ko man kayang sabihin kay Darla ang kani0yang sitwasyon, marahil ay masasabi ko ito sa kapatid niya at kay Frank.

Sinenyasan ko siya na lumabas ng opisina dahil gusto ko siyang kausapin. Ang antipatikong Frank ay tinaasan lamang ako ng kilay. Ngumuso naman ako sa direksyon palabas ng opisina, at bigla naman itong ngumiti nang nakakaloko.

Punye—! Akala ata niya ay gusto kong makipaghalikan sa kaniya! Napahalukipkip ako ko at tinapunan siya ng matatalim na titig. Saka naman siya tumango at lumabas, nakangisi pa rin.

Ano'ng akala niya? Type ko siya? 'Di ko siya type. Kahit ang pinakamaliit na cell sa kaniyang katawan ay hindi ko gusto. Nunca! Never!

Sumunod ako palabas ng opisina at nakita kong nakasandal siya sa may pader at nagsisindi ng sigarilyo. Tinungo ko ang kinaroroonan niya at inagaw ang sigarilyong hawak-hawak niya.

"Alam mo bang bukod sa pinapatay mo ang sarili mo sa paninigarilyo, idinadamay mo rin kaming mga walang kamalay-malay?" singhal ko. "Alam mo ba kung ano ang secondhand smoke? Ayokong magka-cancer sa baga, 'no."

Tinaasan na naman ako ng kilay ni antipatiko. Umayos naman ito ng pagkakatayo. "Ba't mo 'ko pinalabas ng opisina?"

"Tungkol sa kaibigan mo."

"Ano naman ang tungkol sa kaniya? Nagseselos ka?"

"Ang kapal mo rin, ano? Hello! You're not my type."

"Hindi rin kita type. Ayoko sa mga babaeng..."

"Babaeng ano? Mataba? Mabilbil? Dambuhala at balyena?!"

"Mga babaeng mahina ang loob. Mga babaeng walang kumpiyansa sa sarili. Mga babaeng mababa ang tingin sa sarili."

Bigla akong natahimik. Akala ko ay kukutyain niya ang timbang ko o ang panlabas kong anyo. Iba pala ang nakita niya—ang kahinaan ng loob ko pala ang nakita niya.

Napabuntong-hininga ako. "Alam ko 'yon. Hindi mo na kailanganpang sabihin sa akin iyon."

"So, bakit nga ba?"

"Bakit ano?"

"Bakit ang baba ng tingin mo sa sarili?"

Bakit nga ba? Simple lang. Dahil mababa ang tingin sa akin ng ibang tao. Ang panlabas na anyo ko agad ang nakikita nila. Dahil hanggang ngayon ay NBSB pa rin ako, at pakiramdam ko ay may diperensya na sa akin. Pero hindi ko ito masabi sa kaniya. Yumuko lamang ako.

"Hindi mo dapat binibigyan ng pansin kung ano man ang tingin sa 'yo ng ibang tao," bigla niyang sabi.

Sapol. Natumbok niya ang nilalaman ng kalooban ko kahit hindi ko pa sabihin. Masyado ba akong transparent?

Nagsindi ito ng panibagong sigarilyo. Humithit muna ito sa sigarilyo at ibinuga ang usok bago nagpatuloy. "Dapat matuto kang magkaroon ng tiwala sa sarili."

"Kung makapagsalita ka'y akala mo ang dami mo ng alam tungkol sa akin."

"May alam ako. Ikinuwento ka sa akin ng pinsan mo."

Chismosa talaga ang baklitang 'yon! At kailan pa sila nagka-moment ni Mr. Antipatiko?

"Nagkakilala kasi kami doon sa loob ng Fort Pilar. Sa kaniya ako nagtanong ng direksyon paano pumunta ng pueblo," dagdag pa nito. "Tapos naikuwento niya na may sinamahan siyang isang pinsan na mag-jogging dahil gusto nitong pumayat para makahanap ng boyfriend."

Makakapatay talaga ako ng isang sirena mamaya!

"Hindi ko maintidihan 'yang insecurities mo," sabi niya. "Maganda ka naman."

Tama ba ang narinig ko? "Ano'ng sabi mo?"

"Ang sabi ko maganda ka naman."

Mukha naman itong seryoso at hindi nagbibiro. Ano kaya ang motibo nito? "Pinopormahan mo ba ako?"

Ngumisi ito sa akin bago sumagot. "Siguro... Kung lahat ng tao ay naging zombies at ikaw na lang ang natitirang normal na babae sa mundo."

Ang hayop! "Hoy! Hindi kita papatulan, 'no. Magpapakagat na lang ako sa zombies at hayaang ma-extinct ang sangkatauhan kung ikaw na lang din naman ang natitirang lalaki sa mundo! Hindi ka kaguwapuhan, 'no! Chura mo!"

Hindi totoo 'yon. Guwapo si Frank at type ko siya. Kaso, antipatiko nga lang. Sa sobrang inis ko ay padabog akong pumasok sa opisina ni Mayor at nakalimutan kong sabihin kay Frank ang tungkol sa sugat ni Darla.

Narinig ko naman ang malakas na sigaw at hiyawan sa loob. May isang zombie ang nakapasok sa loob ng city hall—isang zombie sa katauhan ni Darla.

Itutuloy...

#TheZombieSiege
#MaxineLaurelStories

The Zombie SiegeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon