Chapter Five

847 45 10
                                    

"KAYE."

Napatingin ako sa pinanggalingan ng boses. Si Frank ay nakatayo na pala sa likuran ko. Ibinalik ko ang mga mata ko sa bintana at muling sumilip sa labas. Magagawa ba talaga namin ito? Ang makarating ng buhay sa base-militar?

"Ayan ka na naman. Pinanghihinaan ka na naman ng loob," narinig kong sabi ni Frank.

"Hindi mo 'ko masisisi, Frank. Hindi mo rin ako masisisi sa nararamdaman ko ngayon. Papaano ko maaatim na pauulanin ng militar ang buong siyudad ng mga missiles? Dito na ako lumaki't nagkaisip. Tapos gano'n-gano'n na lamang ba iyon? Bobombahan at pasasabugin ang lugar na aking kinalakihan?"

"Eh, ano ang gusto mo? Ang sakupin ng mga zombies ang buong bansa? Mas mahihirapan tayo kung makalabas ang mga zombies na iyan sa Zamboanga. Isipin mo kung ano ang makabubuti para sa nakararami."

Sa paraan ng pananalita ni Frank, tila bang ipinararamdam nito sa akin na makasarili ako. Porke't ito ang lugar na minahal ko, isasakripisyo ko ang buong sambayanan? Pero papaano kung may mga natitira pang buhay na hindi nailikas ng mga militar? Papaano na sila?

Ngunit papaano na rin ang ibang mga tao? Papaano nga kung nakalabas ng Zamboanga ang mga zombies?

Ano ba talaga ang nararapat na gawin?

"Bago mo isipin ang kapakanan ng iba, bakit hindi mo na lamang isipin muna ang kapakanan mo?" giit pa ni Frank.

Kapakanan ko? Hindi ba't mas makasarili iyong iisipin ko kung ano ang makabubuti para sa pansariling kapakanan ko?

Tiningnan ko si Mayor. Nagpaiwan ito no'ng nagsipaglikas ang kaniyang mga tauhan dahil sinigurado niya muna na makaalis at mailigtas ang kaniyang mga sinasakupan bago niya inisip ang sariling kaligtasan. Papaano ko ba ilalarawan si Mayor? Isa ba siyang hangal dahil nagpaiwan siya? O isa siyang makabayan na tapat sa kaniyang tungkulin at sinasakupan?

Naramdaman kong ipinatong ni Frank ang kamay niya sa balikat ko. "Wala na tayong magagawa pa maliban ang iligtas ang ating sarili. Pagkatapos no'n, maaari mo namang balikan ang lugar na ito at magsimulang muli. Isipin mo kung ano ang mas makabubuti para sa nakararami."

Parang tinanong niya ako kung ano ang mas mahalaga: bayan ba o sarili? Madali lang naman na sabihin na dapat inuuna natin ang ating bayan, ngunit kahit sino man ang nasa posisyon ko ngayon, makararamdam din sila ng panghihinayang. Oo, pipiliin ko ang aking bayan. Pipiliin ko kung ano ang mas makabubuti para sa nakararami, kung ano ang mas makabubuti para sa lahat. Pero hindi ibig sabihin niyon ay madali ko itong matatanggap.

Hinarap ko si Frank at binigyan siya ng isang maliit na ngiti. "Marahil ay tama ka. Ano ba ang gagawin natin?"

"Sa kabilang gate tayo dadaan. Hindi ganoong karami ang mga zombies na nakaabang doon."

Ayon kay Frank, ang mga zombies na nasa boundaries ng Zamboanga sa east at west coast ay naging mas mabangis. Mangilan-ngilan lamang sila ngunit nahihirapan na raw ang militar na mapigilan ang mga ito. Kaya siguro napagdesisyunan ng presidente na agahan ang pagpapasabog sa siyudad.

Ayon naman kay Rey, magpapahulog ng mga missles ang militar mula sa itaas, sa mga lugar kung saan marami ang mga zombies. Pasasabugin ang mga bomba. Magpapalipad ng mga mortar. Matapos iyon ay papasok ang mga sundalo sa siyudad at uubusin ang mga natitirang zombies.

Panalangin ko'y magtagumpay sila. Bukod sa mapanganib ang kanilang gagawin, para saan pa ba ang sakripisyong iyon kung mauuwi lang sa kabiguan ang lahat?

Kailangan naming umalis bago dumating ang gabi. Mahihirapan kaming makaalis kung sumapit ang dilim.

Iginiya kami ni Ate Cora sa loob ng van ng isang bodyguard ni Mayor habang ang mga kalalakihan naman ay kumuha ng kanilang gagamiting armas at sandata laban sa mga zombies. Granada. Baril. Kahit mga kutsilyo't patalim. Lahat ng maaaring gamitin panlaban ay inipon nila upang madagdagan ang aming pag-asang makaligtas kami't makarating nang buhay sa base-militar.

The Zombie SiegeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon