Rule the Floor: 02

111 15 0
                                    

Tew’s Point of View

Nagsimula na ang orientation. Kahapon ay orientation ng mga Grade 7 at ngayon, sa Grade 11 daw. Mabuti na lang at nakaabot pa ako pero kahit na anino lang ni Charlon ay hindi ko talaga mahagip. Umasa pa naman ako na nandito na siya. Dada nang dada na ’yong mga kasapi ng SSC pero wala akong maintindihan at napapahikab na lamang. Nasa hulihang bahagi ako nakaupo kaya rinig ko ang pag-uusap ng mga nandito habang ang nasa harapan ay hindi kayang buksan ang mga bibig dahil sa mga guro na nagmamasid sa kanila na nasa stage kasama ang mga estudyanteng may pulang tela sa braso.

“Bakit wala ’yong President?” reklamong tanong ng isa, tinapat ang mini fan sa mukha niya at napapanguso pa.

Pwe! Mukhang takure. Ang kakapal pa ng harina sa mukha.

Nagkibit-balikat ang isa. “Sayang. Siya pa naman ’yong hinihintay ko dito,” nanghihinayang niyang saad, panay pa ang paghaba ng leeg nito habang tinitingnan ang entrance ng gymnasium.

“Girl, baka mamaya pa ’yon,” kumbinsi ng isa at sabay silang napatango.

Inis kong pinadyak ng isang beses ang kanang paa dahil hindi pa sila tumigil sa kakausap. Hanggang ngayon ay sumasakit pa rin ang puwet ko. Idagdag pa ang matagal na pag-upo rito. Ang init-init pa.

“Attention, everyone! Please keep your mouths shut.” Isang malalim at maawtoridad na boses ang nagpatayo sa mga balahibo ko.

Hindi ko alam kung bakit ako napaayos ng upo. Ganoon na rin ang ginawa ng ibang estudyante, wala silang lakas ng loob na buksan ang mga bunganga.

Napaangat ang tingin ko sa stage. Napapikit ang isang lalaking may eyeglasses sabay ngiti. “So, before we proceed please let us introduce ourselves. I’m Max, the vice president of the SSC and if you need help just approach me,” malambing nitong pakilala.

Nagtilian naman ang mga babaeng estudyante. Habang ang mga lalaki ay napapangiwi na lang. Kahit ako ay ganoon din ang reaksyon, paano ba naman kasi ang bilis magbago ng boses ni Max. Kung kanina ay maawtoridad, ngayon ay nanlalambing na.

“Ayie! Ang guwapo niya kahit na naka-eyeglasses,” papuri ng isang babae na nakaupo sa harapan ko. “He looks so smart.”

Halos mapatawa pa ako sa sinabi nito. Panlabas na anyo ba ang basehan ng lahat?

Nagpakilala na rin ang iba. Ang pulang tela na nasa braso nila ay nagsisilbing simbolo na sila ay bahagi ng SSC.

“Let’s welcome the SSC President!”

Halos lahat ay napatingin sa entrance dahil sa sinabi ng isang miyembro ng SSC. Halos lahat ay masaya, ang iba’y nagtilian, at samu’t saring papuri ang lumilipad sa hangin. Tatlong estudyante ang nasa entrance, parehong hinahabol ang hininga.

“Kyah! Ang president!”

“Ang cute nung kasama niya.”

“Ang astig niya talaga.”

Kilala ko ang dalawa, ang isa ay iyong humarang sa akin sa gate at ang nakabangga ko kanina, at ang isa naman ay si Charlon na napapakamot pa sa ulo habang may tumitingala sa mga estudyante. Nang magtagpo ang mga mata namin ay mabilis siyang lumakad papalapit sa akin at umupo sa tabi ko.

Mahina akong napatawa, hanggang ngayon ay nakayuko pa rin siya. May pa-grand entrance pang nalalaman ang lokong ito.

“Ang tagal mo naman. Patapos na ang orientation,” pabirong bulong ko kay Charlon.

“Aish. May nangyari lang at tinutulungan ko lang sina Pres,” usal niya saka bumuntong-hininga.

“Nangyari?” tanong ko pero ’yong paningin ko ay nakapokus sa harap. Pinagpatuloy na ang pagpapakilala habang ang dalawang kasama ni Charlon kanina ay nakaupo na rin sa harap kasama ang mga SSC.

SSC din siya? Iyong suplado?

“Nakabangga ko kanina ’yong lalaking kasama mo, iyong matangkad na payat,” panimulang pagkukwento ko dahil nababagot na ako.

Nanlaki ang mga mata niya. “What?”

Panibagong estudyante naman ang magpapakilala dahilan para magtilian ang mga nandito.

“Siya na,” sabi ni Charlon.

Napakunot ang noo ko. “Sino?”

“Iyong nakabangga mo.” Tinuro ni Charlon ang lalaki gamit lang ang kaniyang nguso. Ang lalaking nakabangga ko kanina ay hawak na ang microphone.

“Akala ko naman kung sino.” Walang gana akong napasandal sa inuupuan. Binaling ko na lang ’yong atensiyon ko sa harap upang makinig at makilala ang supladong lalaki.

“Kris Estorba. President.”

Kung kanina ay napakainit ng gymnasium, ngayon ay bigla na lang lumamig. Seryoso at blanko ang mukha nitong nanatiling nakatingin sa mga estudyante. Gusto kong tumawa ng malakas pero pinigilan ko dahil ang mga reaksyon ng mga kababaihan ay nabitin ang mga ito sa sinabi ng president.

Nang makabawi ang ibang miyembro ng SSC ay agad itong sumabat, “Katakot ka naman, Pres.”

Pilit nilang pinapasigla ang mga estudyante.

“Actually guys, may talent ang president natin,” nakangiting sabi no’ng babae. Hindi ko alam kung ano’ng pangalan niya dahil hindi naman ako nakinig kanina.

Nagsimulang mag-ingay na naman ang gymnasium pero umiba bigla ang timpla ng mukha ni Kris.

“Sample, sample, sample!” sigaw naman ng mga estudyante.

Tingnan natin kung ano ang gagawin niya.

Tumikhim si Kris kaya napahinto ang lahat  “Sorry. Ang orientation ay hindi about sa talent ko o kanino mang talent,” blankong saad nito.

Nahulog ang mga panga ng lahat. Langya! Kasali ako. Ang lakas ng loob niyang maging kill joy.

“Hi! Welcome nga pala sa Arnollo High School. I’m Gon Terero. Nice to meet you!” nakangiting sabi ng isang lalaking halos kuminang sa malawak nitog ngiti, labas pa ang dimples nito dahilan para magtilian ang mga babae.

“Kyah!”

“Dito ko lang pala makikita ang future ko!”

Bakit ba ang OA ng mga estudyante dito?

Hindi ko na namamalayan at patapos na ang orientation, sa wakas naman at makakain na rin ako.

“Before we end this, nakikita niyo ito?” usal ni Kris habang ang tono ay hindi nagbabago. Tinaas niya ang hawak na maliit na notebook. “You need to gather atleast 10 codenames of the Grade 12 students in just 3 days.”

Inabutan kaming lahat ng mga notebook na maliliit. 3 days? Ang haba yata. Ganoon din ang sinabi ng iba. Madali lang daw nilang matatapos ito.

“Huwag kayong magsaya,” hirit ni Kris sa kasiyahan ng lahat. Tinaas niya ang isang bondpaper. “I have list of all of their code names. The Grade 12 students will not put their codenames if hindi kayo tumulong sa kanila.”

Napakunot ang noo ko sa paliwanag niya. Hindi ko makuha ang gusto niyang sabihin. Dapat kaming tumulong?

“You need to enhance your sociability as soon as possible and please use your brain if you're smart enough to study here. Respect at Collaboration ang dapat pairalin,” mahabang sabi ni Kris dahilan para sabay na bumagsak ang mga balikat namin. “Also, you can’t force them. Nasa sa kanila kung deserve mo ba ang codename nila.”

“Tss. Wala akong balak makipag-collab sa kung sino-sino.”

Napatawa si Charlon kaya napalingon ako na ngayon ay napapakamot na lang siya sa ulo. “Ito ang pinakamahirap, ang Respect at Collaboration ay parte ng core values. Hindi mo ba binasa ang Student Handbook mo?”

Umiling ako. “Bakit ba kasi may ganito sa paaralang ito?”

“Nakasanayan na at saka nakakatulong din ito sa atin. Ang dami kong kaibigan dito at may malalapitan ako kapag nagkagipitan,” nagmamalaki pa niyang sabi. Napabuntong hininga na lang ako.

Nakatatamad naman ’to. Wala akong planong kaibiganin sila.

Ano bang mayro’n sa paaralang ito at ganoon ang core values nila?

Rule the Floor (Sport Series #1) - [BL]Where stories live. Discover now