Wish 1

4K 93 9
                                    


"Oo, nakita 'ko na 'yong mga blue print." Hindi magkandaugaga si Kimberly sa mga dalang dokumento at rolyo ng mga planong kipkip niya. Binitiwan niya ang mga 'yon pagdating niya sa sariling table at hinawakan ang smart phone na nakaipit sa balikat at tainga niya. "Naku di kami kasama sa bidding ng lintik na solar tower dahil mahal daw kaming maningil. Di daw kaya ng budget ng gobyerno ang mahigit kalahating bilyong canvas ng Bellfree. Ang galing sa sulsol ng Lewis at Vanguard. Anong klaseng pipitsuging fifty story building ang maitatayo nila sa three hundred million? Hello?" sarkastikong wika niya. "Mababa na naman ang mga kuwalidad ng materyales na gagamitin. Bahala silang mamroblema kapag nagkabitak-bitak 'yon sa magnitude five lang na lindol."

"Sino 'yang kausap mo?" tanong ng Kuya Manny niya paglabas nito ng sariling opisina.

"Si Terrence," tukoy niya sa isa sa mga engineer ng city hall. Sumenyas siya sa kapatid at itinuro ang relo. May meeting ito sa Mayor ng Maynila sa umagang 'yon para sa isang subway project na isa sa magiging solusyon ng sobrang traffic sa siyudad.

"Kanselado," napapabuntong-hiningang tugon ng Kuya Manny niya. Niluwangan nito ang kurbata at hinilot ang pagitan ng mga mata habang nakapikit.

Agad na tinapos niya ang tawag sa dating kaklase at kunot ang noong tinutukan ang kapatid. "Ano?"

"Kim, Jared is missing," tukoy nito sa sa head accountant ng kompanya nila.

Naikiling niya ang ulo sa waring pagkirot ng ugat niya sa sentido. "Fire him. Sa simula pa lang wala na 'kong tiwala sa naging rekomendasyon niya kay Papa."

Umiling ito. "Hindi mo naiintindihan." Iniiwas nito ang mukha at muling napabuga ng hangin. "Yong ni-loan natin sa bangko at 'yong budget natin sa ibang mga proyekto, tangay niya."

Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ng dalaga. Tulalang lumaylay ang balikat niya. "Paano nangyari 'yon? Hindi siya makakapaglabas ng pera ng wala ang pirma mo o pirma 'ko."

Lumunok ito at tumingin sa kanya. "I-I... I s-signed those documents."

"Kuya!" frustrated na sigaw niya na may kasama pang pagpadyak ng isang paa.

Sinapo nito ang noo. Namumula at namamasa ang mga mata. "Isang malaking pagkakamaling ako ang umagapay sa posisyon ni Papa, Kim. I thought I can handle it. I'm sorry. Sa simula pa lang, dapat kinumbinsi 'ko na siyang ikaw ang paupuin bilang acting president nitong Bellfree."

Naghihinanakit na umiwas siya ng tingin dito. Alam niya ang sarili niyang kapasidad pagdating sa pasikut-sikot at negosyo ng imprastaktura. As a fresh graduate and board passer, she had bright, wide, and new ideas for the company's progress. Pero isa man sa mga proposal niya, hindi nakatikim ng dry seal for approval. Nang dahil sa pagiging babae niya, ilan taon siyang hamak na subordinate sa sariling construction business nila bago siya na-promote as one of the team leaders. Pahirapan pa ang naging pag-abot niya sa puwesto na inabot ng dalawang taon. She stood as a troubleshooter for the delayed building developments. She had a very effective execution of time, workers, and resources. Ilang beses nang siya ang umayos sa gusot ng kapatid niya na tumatayong Vice President ng Bellfree. Matalino naman ito kaya nga malaki ang tiwala ng ama nila dito. Cumlaude ito nang magtapos at nasa top ten sa mga nakapasa ng board exam. Samantalang siya, wala ni isang honorary medal na natanggap sa buong buhay niya bilang estudyante.

Ang tanging meron si Kimberly ay sipag, tiyaga, at diskarte. Mga katangiang pinakinabangan niya sa pagsasara ng ilang business deal na napunta lahat ang rekognisyon sa nakatatandang kapatid. Her brother may be intelligent but he lacked one thing—the most crucial thing in leading a company—the drive. Ni isang beses hindi niya nakitang nalulong ito sa trabaho. Effortless ang naging pamamalakad nito sa Bellfree. He wasn't punctual on meetings. Ipinauubaya nito ang ilang mga desisyon sa tauhan. Siya ang palaging kinokonsulta nito sa pagbibigay ng mga opinyon at solusyon sa vision and mission ng bawat proyektong hinawakan nila. Siya rin ang humaharap sa mga investors sa paghahain ng mga kontrata. At nitong mga nakaraang araw na nasa ospital ang ama nila dahil sa heart ailment, halos triple ang naging work load niya sa pag-asiste sa kapatid at pagmo-monitor sa mga construction sites.

One Hundred Ways to His Heart [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon