Last day of May 1998...
“FE-AB, tanghali na!” narinig niyang panggigising sa kanya ng kababata niyang si Dyrus. Kasabay niyon ang sunud-sunod na pagkatok nito sa kuwarto niya.
Nakapikit pa ang mga mata niya pero gising na siya. Tinatamad lang siyang imulat ang mga mata niya. Narinig niya kanina ang boses nito nang tanungin nito ang nanay niya kung nasaan siya. At nang sinabi ng nanay niya kung nasaan siya, mayamaya ay kumatok na sa kuwarto niya ang best friend niya habang tinatawag siya sa pangalan niya.
‘Feab’ ang first name niya at ‘Feb’ ang pagbasa niyon. Buwan ng Pebrero siya ipinanganak kaya iyon ang ipinangalan sa kanya ng nanay niya. Pero ‘Fe-ab’ ang tawag sa kanya ni Dyrus, ang kababata at best friend niya. Marami kasing nagkakamali sa pagsulat ng tamang spelling ng pangalan niya. Akala ng iba ‘Feb’ lang. Kaya naisipan ni Dyrus na bigkasin na lang ng ‘Fe-ab’ para mas madaling malaman ang spelling ng pangalan niya. Bakit pa kasi nilagyan ng nanay niya ng letter ‘a’?
“Akala ko ba maliligo tayo sa dagat?” narinig niyang tanong nito.
Kaagad niyang iminulat ang mga mata pagkarinig niyon. Nawala sa isip niya, may usapan pala sila kahapon na maliligo ngayon sa dagat. Huling araw na kasi ng Mayo, huling araw na ng summer ng taong iyon. Nakaugalian na ng mga tao sa probinsiya nila na magpunta sa tabing-dagat para magsaya tuwing katapusan ng buwan ng Mayo kada taon. Hindi niya alam ang dahilan. Siguro nagkakasiyahan lang dahil matatapos na ang summer.
Sabi pa niya kay Dyrus, dapat maaga sila sa pagpunta roon para hindi matindi ang sikat ng araw at para makahanap sila ng magandang puwesto. Baka maubusan rin sila ng puwesto. Baka maukupahan na ang lahat ng cottage dahil siguradong marami ang pupunta sa resort na pupuntahan nila.
Bumangon siya. Pinilit niya ang sariling tumayo at tumungo sa pinto.
“Fe-ab, ano ba ang—” Hindi nito naituloy ang sasabihin nang nabuksan niya ang pinto. “'Kita mo 'to. Nakalimutan mo na naman ba ang usapan natin? Kanina pa kaya ako naghihintay sa barangay hall.” Doon dapat sila magkikita. Siya rin ang maysabi niyon. Sumang-ayon lang ito. At siya rin ang nagyaya rito kahapon na maliligo sila ngayon sa ilog.
“Sorry. Nawala sa isip ko,” aniya.
Pumasok ito sa kuwarto niya. Hinayaan lang niya ito. Siya rin naman ay pumapasok din sa kuwarto nito kapag pumupunta siya sa bahay ng mga ito. “Ang bata-bata mo pa, makakalimutin ka na,” anito at umupo sa gilid ng higaan niya.
She was thirteen years old. Magkasing-edad lang sila nito. Magkaklase rin sila nito. Pareho silang mag-fi-first year high school sa darating na pasukan. Ang ikinalulungkot lang niya, hindi na sila sa parehong eskuwelahan mag-aaral. Lilipat na raw ang mga ito sa Maynila dahil doon na magtatrabaho ang papa nito.
“Alam mo naman pala, eh. Sinabi mo pa,” aniya sa medyo mataas na boses. Hindi naman siya makakalimutin. Nagkataon lang na nawala iyon sa isip niya. Matandain kaya siya. Kaya nga naging salutatorian siya. Matalino rin si Dyrus kaya nakuha nito ang award na first honorable mention.
“Aba, ikaw na nga 'tong hinintay, ikaw pa ang may ganang magalit.”
“Sorry na po.”
“O, ano pa ang hinihintay mo? Tara na!” yaya nito.
“Hindi pa ako kumakain, eh.”
“Huwag ka nang kumain. Ako rin naman, eh, hindi pa nag-almusal. May dala akong mga pagkain. At para sa 'tin lang 'to. Doon na lang tayo kumain. May dala akong kumot at tent dahil siguradong puno na ang mga cottage do’n.”
“Magpi-picnic ba tayo?”
“Kasama na 'yon, 'no. Maghapon kami ro’n. Nando’n na sina Papa at Mama at sina Tito at Tita at si Kian.” Pinsan nito si Kian na kaedad rin nila at kaklase. “Nauna na sila. Sabi ko kasi sabay tayo.”
“'Buti ka pa. Ako, ewan ko kung papayag si Nanay na maghapon ako ro’n. Sabi niya kasi sandali lang ako,” malungkot na sabi niya. Aalis kasi ang nanay niya mamayang hapon at babantayan niya ang dalawang kapatid niya na siyam at apat na taon.
“Ako’ng bahala sa 'yo. Malakas 'ata ako kay Tita Elisa.” ‘Tita Elisa’ ang tawag nito sa kanyang ina. ‘Tita Dina’ rin naman ang tawag niya sa mama nito at ‘Tito Arnulfo’ sa papa nito. Magkababata rin ang mga magulang nila.
“Sana nga pumayag si Nanay.” Gusto niya kasing maghapon din doon. At nararamdaman niyang papayag ang nanay niya. Basta kasama niya si Dyrus, tiyak na papayag ito. Pero hindi siya sigurado ngayon kasi may lalakarin ito.
Tumayo ito. “Halika na.” Hinila nito ang kamay niya. “Sasamahan kitang magpaalam.”
“Sige na, anak, puwede namang bukas na lang ako pupunta sa bayan. Hindi naman minamadali ang lalakarin kong 'yon,” anang nanay niya na kanina pa yata naririnig ang usapan nila.
“Talaga, 'Nay? Salamat po,” masayang wika niya.
Ngumiti lang si Aling Elisa. “Minsan lang naman 'yan sa isang taon. At ayos lang sa akin basta kasama mo si Dyrus.”
Tumingin siya sa kababata. Nakangiting kinindatan siya nito.
“Kayo po, hindi sasama? Nando’n na po sina mama at papa,” anito sa nanay niya.
“Salamat sa imbitasyon, hijo. Pero dito na lang siguro ako sa bahay.”
Excited na inayos niya ang higaan niya at ang kanyang sarili. Kasunod niyang ginawa ang paglagay sa bag niya ng mga kailangan niyang dalhin. Pagkatapos ay nagpaalam na sila ni Dyrus sa nanay niya bago umalis.
BINABASA MO ANG
How to Forget Beautiful Memories? [PUBLISHED under PHR]
RomantikCatchline: "Hindi ako nagbibiro nang sabihin kong mahal kita. Hindi rin ako nagbibiro nang halikan kita. Pasensiya ka na, hindi ko napigilan ang sarili ko." Teaser: Mula pagkabata ay lihim nang iniibig ni Feab ang childhood best friend niyang si Dyr...