CHAPTER 3

2.8K 61 2
                                    

“HI, DYRUS!” bati ng babae sa kanya pagdating niya sa venue ng pictorial nila sa EDSA Shangri-la Hotel.
“Hello, Ashley,” ganting-bati niya rito.
Kaagad na lumapit ito sa kanya at hinalikan siya sa pisngi. Kababata niya ito. Elementary pa lang sila nito ay inamin na nitong crush siya nito. Ito ang matiyagang nagpapadala sa kanya ng sulat noong lumipat sila sa Maynila. Kahit na hindi niya sinasagot ang ibang mga sulat nito, sumusulat pa rin ito sa kanya.
Third year high school siya nang lumipat rin ito sa Maynila nang namatay ang ama nito. Kinuha ito ng ina nito na tumungo sa Maynila para magtrabaho nang maghiwalay ang mga magulang nito. Nagkikita sila nito sa Maynila at nang tumungo siya sa States para mag-aral ng college, hindi pa rin sila nawalan ng communication nito.
Nakapunta na rin ito sa Amerika minsan dahil nakapag-asawa uli ang ina nito ng isang Amerikano. Kilala ng mga magulang niya ang ina nito dahil sa iisang probinsiya na pinagmulan ng mga ito. Nagkikita rin ang mga ito sa Amerika.
Gusto ng stepfather ni Ashley na doon na lang ito mag-stay pero mas pinili nitong manirahan sa sariling bansa. Kasalukuyang nasa Amerika ang ina nito kasama ang stepfather nito at mga kapatid nito sa ama. Ito naman ay abala sa itinayo nitong negosyo sa Pilipinas. Ito ang nagsundo sa kanya sa airport nang umuwi siya. Alam niyang iba ang damdamin nito sa kanya. Pero siya, mabuting kaibigan lamang ang turing niya rito.
Ngayon, isa na itong fashion designer ngayon at may sarili ng dress shop. Mag-i-isang taon na ang sumisikat na Sketches. Palagi siya nitong binabalitaan ng mga bago rito noong nasa New York pa siya. Marami ang nagkakagusto sa mga designs nito, pambabae man o panlalaki. May mga regular na rin itong kliyente. Ilang beses na ring na-feature ang mga designs nito through fashion shows sa iba’t ibang venue.
Ang mga bagong designs nito ang ipi-feature sa His Fashion sa issue ng magazine para sa susunod na buwan. At sila ang magsusuot ng mga collection nitong iyon. Tuwang-tuwa ito nang malamang ang modeling agency na kinabibilangan niya ang magsusuot ng mga designs nito. At may schedule pa sila para sa isang fashion show featuring her new designs na isusuot nilang mga models ngayon sa pictorial. That would be a week from now.
“Mabuti at dumating ka na. May d-in-esign akong damit para sa 'yo. Nakiusap ako kanina sa coordinator kung puwede ikaw ang magsuot no’n. Pumayag naman siya dahil bagay naman daw sa 'yo. Para sa 'yo naman talaga iyon,” nakangiting sabi nito.
Ngumiti siya. “Thanks,” tanging nasabi niya.
“Sayang at aalis na ako. May aasikasuhin pa kasi ako sa shop. I’m just here to see you wearing the dress.”
Nang maisuot niya ang damit ay umalis na ito pagkatapos siyang purihin na bagay na bagay sa kanya iyon at napakaguwapo niya sa suot niyang iyon.
Ashley was a good friend to him. Pero hindi niya alam kung bakit ayaw niyang maging vocal dito. Ayaw pa nga niyang makipag-usap dito minsan. That was unfair to her. Alam na niya ang lahat tungkol dito pero ito ay hindi pa alam ang lahat ng tungkol sa kanya. He was guilty. Pero ano ang magagawa niya? Iyon ang nararamdaman niya.
Iba talaga si Fe-ab. Naalala na naman niya ang kababata niya. Hindi talaga niya ito makalimutan kahit ano ang gawin niya. Nadadaig pa rin ng pagka-miss niya rito ang galit na nararamdaman niya.
Hindi siya umuwi sa probinsiya nila mula nang makabalik siya sa bansa. Ayaw niyang madagdagan ang pananabik niyang makita ito. Gusto na niya kasing burahin ang mga alaala nito dahil sa hindi nito pagtupad sa usapan nila noon. Pero hindi talaga niya magawa. Ano ba kasi ang meron ito at hindi niya ito magawang kalimutan?
Lord, give me a sign kung bakit hindi ko siya dapat kalimutan, dalangin niya sa sarili.

PAGKABABA ni Feab sa kotse niya ay narinig niya ang pagtunog ng ringing tone ng cell phone niya. Kinuha niya iyon sa bag niya at sinagot ang tawag.
“Hello, Kian. Napatawag ka?” Kian was Dyrus’ first cousin at kababata rin niya. He was her suitor mula pa noong third year high school sila. Matagal na raw siya nitong crush mula pa noong elementary sila. Pero hanggang ngayon ay kaibigan pa rin ang tingin niya rito.
“Where are you?” Nahimigan niya ang pananabik sa tono ng pananalita nito.
“May schedule ako ng pictorial ngayon for a magazine.”
“Really? Sikat ka na talaga.”
“Sikat ka d’yan. Bakit ka napatawag?”
“I’ll be back in Manila on Wednesday.” Dalawang araw iyon mula ngayon. Nasa Cebu kasi ito dahil binisita nito ang ina nitong nagkasakit at matagal na ring hindi ito nakapagbakasyon doon. Isang buwan ang f-in-ile nitong leave sa trabaho nito bilang system operator ng isang sikat na mall. Taga-Cebu kasi ang ama nito at doon na nanirahan ang mga ito pagka-graduate nila sa high school. Sa Maynila uli sila nagkita nito nang mag-college na sila.
“Sigurado na ba 'yan?” Noong Sabado pa ito dapat umuwi dahil iyon naman ang sabi nito. “Baka 'di na naman ma—” Naputol ang sasabihin niya nang may nakabangga siya. Sabay pa sila nitong napa-“ouch.”
“Ano ba?! Tumingin ka nga sa dinadaanan mo,” mataray na sabi ng babaeng maiksi ang buhok at naka-dark eyeglasses.
Hindi niya alam kung sino ang bumangga sa kanilang dalawa pero siya ang unang humingi ng despensa. Hindi nito ginawa iyon. Sa halip ay ini-snub siya ng babae.
Kaagad siyang napatingin kay Liana nang padabog na tinalikuran sila ng babae dahil alam niyang mag-re-react ang kaibigan niya. Isang babala ang titig niyang iyon na nagsasabing huwag na itong magsalita. Kilala na niya kasi si Liana. Hindi ito magpapatalo. Hinayaan lang din nito ang babae kahit na nakita niya sa mukha nito ang pagpipigil nito sa sarili.
Napatanong tuloy si Kian kung ano ang nangyari sa kanya. Sinabi naman niya ang nangyari na may nakabangga siya at masakit ang pagkabangga ng balikat ng babaeng iyon sa balikat niya. Nagpaalam na siya rito dahil papasok na siya sa loob ng hotel.
“Nakakainis siya, ha!” singhal ni Liana nang pumasok ang babae sa kotse nito. “Akala mo kung sinong maganda. Ang chaka naman.”
“Huwag mo nang pansinin 'yon.” At niyaya na niya itong pumasok sa hotel.

EKSAKTONG lumingon si Dyrus nang bumukas ang pinto ng hotel room na iyon sa fourth floor. Nakita niyang pumasok doon ang isang babae habang kausap ang kasama nitong may kaliitang babae. Sandaling-sandali lang siyang napatingin sa kasama nito at muling ibinalik ang tingin niya sa babae.
Napakaganda nito. Mahaba ang straight at nakalugay nitong buhok. Hindi ito gaanong maputi pero nahalata niyang makinis ang balat nito kahit hindi pa niya nakikita iyon sa malapitan. Bilugan ang mga mata nito, maganda ang hugis ng ilong at maninipis ang labi. She was wearing a yellow tube dress with a white elastic belt. Matangkad ito. And she was so... sexy. Nakakaakit ito. May kilala siyang kamukha nitong Korean actress—si Jung Ryu-won ng “Which Star Are You From?”
Sikat din kasi ang mga Korean drama series sa Amerika dahil wholesome ito sa mga viewers. Mahilig manood ng mga iyon ang kanyang ina. Minsan ay nakikinood din siya kapag nag-uusap sila nito sa sala o sa kuwarto nito. Pero nananatiling Korean ang language ng mga pinapalabas doon na Korean series. English-subtitled lang. Hindi kagaya sa Pilipinas na dina-dubbed ang mga iyon sa Tagalog.
Bumaba ang tingin niya rito. Napako ang tingin niya sa suot nitong bracelet sa kaliwang palapulsuhan nito. Namilog ang mga mata niya nang maalala iyon.
Fe-ab?
Iyon na ba ang sign na hiningi niya?

How to Forget Beautiful Memories? [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon