CHAPTER 5

2.6K 56 0
                                    

“MUKHANG type ka ni Lawrence, Feab,” kinikilig na sabi sa kanya ni Liana habang nagmamaneho siya pabalik sa studio niya sa Fairview.
“Sinong Lawrence?” tanong niya habang nasa daan ang mga mata. Kunwari ay hindi niya kilala ang tinutukoy nito.
“Para ka namang may amnesia. Kunwari ka pang 'di mo alam. 'Yong lalaking yumakap sa 'yo na... niyakap mo rin.”
“Hindi ko sinasadyang yakapin siya.”
“Hindi ba sinasadya ang lagay na 'yon. Girl, saksi ako ro’n. Feel na feel mo ang pagyakap sa kanya.”
“Pa’no mo naman nasabing feel na feel ko, aber? Bakit, nararamdaman mo ba ang nararamdaman ko?” Inihinto niya ang Honda Civic niya dahil sa traffic.
“Parang hindi mo naman ako kilala. Magaling akong kumilatis ng tao. Kahit hindi ako Psychology graduate, natural na sa 'kin 'to.” Tama ito. Parang hindi nga naman niya alam ang bagay na iyon tungkol dito.
“Oo na. Haay, huwag mo na ngang ipaalala sa 'kin ang lalaking 'yon.”
“Bakit ba iritable ka ngayon? Meron ka ba?”
“Wala. Naiinis lang ako sa lalaking 'yon,” kunot-noong tugon niya.
“Pero, alam mo, hindi inis ang nakikita kong nararamdaman mo sa kanya.”
Napatingin siya rito. “Ano na naman?”
Makahulugang ngumiti ito. “Gusto mo siya.”
“My God naman,” aniya, sabay sapo sa noo. “Pa’no mo nasabi 'yan? Hindi ko pa siya kilala. Pangalan niya pa lang ang alam ko. Paano ako magkakagusto sa kanya?”
“Basta, iyon ang nakikita ko. Maybe, hindi mo pa nare-realize.”
“Nakakaasar ka na, Liana. Hindi na ako natutuwa sa 'yo.”
Tumigil na ito. “May natipuhan din ako do’n kanina,” pag-iba nito sa usapan. “Napansin kong kausap 'yon palagi ni Lawrence. Ano kaya ang pangalan niya?”
Hindi niya ito pinansin. Umusad na rin ang traffic kaya itinuon na lang niya ang pansin sa pagmamaneho.
Haay, Lawrence, bakit ba ikaw ang naiisip ko ngayon?

KANINA pa tumitingin si Dyrus sa unahan at sumusulyap sa gilid at likuran niya. Hinahanap niya ang kotseng iyon kung saan lulan ang kababata niya. Fe-ab, nasaan ka na ba? Ang bilis mo namang magmaneho.
Sinundan niya ito pagkatapos niyang magpaalam sa management na mauuna na siyang umalis. Tapos na rin naman ang pictorial. Sa sobrang pagmamadali niya, hindi na nga niya nahintay si Greg na gustong sumabay sa kanya.
Bakit pa kasi niya naisipang baguhin ang pangalan niya? Kung sinabi sana niya ang totoong pangalan niya kanina, posibleng hindi ito umalis kaagad. Siguro ngayon ay nag-uusap na sila tungkol sa mga nangyari sa mga buhay nila sa mga taon na hindi sila nagkita.
Magpapakilala na sana siya dito pero biglang naisip niya, gusto niyang malaman muna kung hindi nga siya talaga nakalimutan nito. Hindi sapat na suot pa rin nito ang pulseras na iyon para sabihing hindi siya nito nakalimutan. Maraming taon na ang lumipas. Marami nang nagbago. Puwedeng ginagawa na lang nitong accessory iyon. Bakit, ano pa ba ang tawag doon? Ah, basta, kailangang baguhin niya muna ang pangalan niya. Saka na niya sasabihin kung sino siya kapag napatunayan niyang hindi nga talaga siya nakalimutan nito.
Napatingin siya sa gawing kanan niya nang muling huminto ang mga sasakyan dahil sa traffic. Namilog ang mga mata niya nang mamukhaan ang babaeng nasa driver’s seat ng kotseng katabi ng BMW E90 niya.
“Sa wakas, nahanap din kita!” nakangiting sabi niya sa sarili.
Nang muling umilaw ang green traffic light, sinundan niya ang direksiyon ng sasakyan nito.

PAPASOK na si Feab at ang kaibigan niya sa studio niya nang biglang may humarang sa pinto niyon.
“H-hi!” bati ng lalaki.
“Lawrence?” bulalas ni Liana. “Ano’ng... ginagawa mo rito?” kahit na gulat ay nakangiti pa ring tanong nito.
“I just want to talk with your friend,” sagot  ng lalaki habang nakatingin sa kanya.
“'Di ba ang sabi ko, stop following me? Bakit sinusundan mo ako?” naiinis na tanong niya.
“Woow! Ang taray mo naman,” nakangiting wika nito. “Gaya ng sabi ko, gusto lang kitang makausap.”
“Puwes, lumayas ka na sa harap ko dahil ayaw kong makipag-usap sa 'yo. Sino ka ba para kausapin ko?” pagtataray uli niya.
“'Di ba nagpakilala na ako sa 'yo kanina? Lawrence ang pangalan ko.”
“I don’t care.” Tinabig niya ito. “Umalis ka nga riyan!”
“Sandali lang naman, eh.”
“Ayaw ko pa rin,” tanggi niya habang pinipihit ang seradura ng pinto pagkatapos mailagay ang susi sa keyhole niyon.
Nakapasok na sila ni Liana nang muling nagsalita ang lalaki. “This is important, very important,” seryosong sabi nito.
“Gaano man kaimportante 'yan, I don’t care. Kaya umalis ka na, puwede?”
Akmang isasara pa lang niya ang pinto ay pinigilan na siya nito. Pagkatapos ay walang sabi-sabing hinila siya nito palabas.
Nagpumiglas siya. “Ano ba? Bitawan mo nga ako. Nasasaktan ako.” Nilingon niya ang kaibigan niya. “Liana, tulungan mo ako!”
Pero hindi nito pinansin ang pagreklamo niya. Hindi rin siya tinulungan nito. Sa halip ay nakangiti pa si Liana sa nasaksihan nito. Bruha ka talaga, Liana! Humanda ka sa 'kin mamaya.
Itinulak siya ng lalaki sa backseat ng kotse nito nang makarating sila roon at kaagad na isinara ang pinto roon.
“Hoy, walanghiya ka! Ano ba talaga ang kailangan mo sa 'kin?” galit na tanong niya sa lalaki pagkaupo nito sa driver’s seat.
“Tumahimik ka muna riyan,” mahinahon pero parang nang-aasar na sabi nito, saka nito pinaandar ang kotse at pinatakbo.
“Saan mo ako dadalhin? Ibaba mo ako ngayon din kung ayaw mong kasuhan kita ng kidnapping,” banta niya.
Pero hindi man lang ito nabahala. Mukhang tuwang-tuwa pa ito. “Kakasuhan mo ako? Sige, gawin mo. 'Yon ay kung pakakawalan kita.”
“Buwisit ka! Ano ba ang pag-uusapan natin?”
“Mukhang hindi ka naman yata interesado. Sinisigawan mo pa ako.”
“Ano ba ang pag-uusapan natin? Siguro talagang importante 'yon, ano?” pilit na mahinahong wika niya. Sinamahan pa niya iyon ng pilit ding ngiti.
“'Yon! Puwede ka naman palang magsalita nang mahinahon, eh.”
Pinaikot niya ang mga mata niya. Diyos ko po, pigilan N’yo po ako. Uupakan ko na talaga ang nakakainis ang guwapong lalaking 'to!
Inihinto nito ang kotse sa tapat ng isang sikat na coffee shop. “Maganda siguro kung mag-uusap tayo habang umiinom ng kape.”
“Sabihin mo na lang kaya 'yon dito?” nakasimangot uli na sabi niya.
“There you go again.”
Bumuntong-hininga at ngumiti muna siya bago nagsalita. She knew her smile was fake. “Puwede bang sabihin mo na lang 'yon dito?”
“Don’t worry, ako ang magbabayad. So, let’s go.” Bumaba ito sa kotse at binuksan ang pinto sa backseat. “Ano na? Tara,” anito sa kanya nang hindi pa siya bumababa. “Aba’t mukhang nag-e-enjoy ka na yatang bumiyahe kasama ko,” pilyong sabi nito nang hindi pa rin siya bumaba.
Mabilis siyang bumaba at hinarap ito. Tinuro niya ang mukha nito. Malapit na malapit na sa mukha nito ang hintuturo niya. “Hoy, lalaki—”
“Lawrence.”
“Shut up!” Lalo siyang nainis nang banggitin na naman nito ang pangalan nito. “Huwag na huwag mo akong inaasar, ha!” singhal niya. “You don’t know me.” Saka niya ibinaba ang hintuturo niya. At humakbang siya palayo rito.
“Oops! Oops! Teka lang.” Hinarangan nito ang dinadaanan niya. “Hindi d’yan ang daan papasok sa coffee shop.”
“Alam ko. Aalis ako, 'no. Tigilan mo nga ako. Ang kulit-kulit mo! Ilang beses ka bang ipinanganak, ha?”
Natatawang napaisip ito. “H-hindi ko na matandaan, eh. Maraming beses na nga siguro.” Halata namang nang-aasar ito.
At asar na asar na nga talaga siya dito. Kaninang-kanina pa. “Ayaw mo ba talaga tumigil?”
“Mag-usap na kasi tayo sa loob ng coffee shop.”
“Ah, gano’n?”
Ngumiti lang ito bilang sagot at bukas-palad na itinuro nito ang daan patungo sa coffee shop. Parang sinasabi nitong, “This way, Ma’am.” “Ooh!” biglang daing nito, sabay pagpalobo ng magkabilang pisngi nito. Bigla na lang kasi niyang sinuntok ang tiyan nito na hawak-hawak nito ngayon habang ngumingiwi. Alam niyang masakit iyon dahil ibinigay niya ang buong lakas niya.
Tinalikuran niya ito pagkatapos at humakbang palayo rito. Kaagad niyang pinara ang taxi na dumaan at sumakay roon pabalik sa studio niya. Nakita niya sa side mirror na sinundan siya ng lalaki pero tumigil din naman ito nang malayo na rito ang sinasakyan niya.

HAWAK-HAWAK pa rin ang tiyan na pumasok si Dyrus sa kotse niya. Napapangiwi pa rin siya dahil hindi pa rin nawawala ang sakit.
Ang lakas palang sumuntok ni Fe-ab! Nagsisisi tuloy siya kung bakit kinulit niya ito nang kinulit. Kanina lang siya nakatikim ng suntok mula rito pagkatapos nang maraming taon.
Pero hindi pa rin siya titigil sa pangungulit dito. Natawa siya. Gaya noong mga bata pa sila, cute pa rin itong tingnan kapag nagagalit.
“Haay, Fe-ab. Ako si Dyrus. And you know what, sa kabila ng lahat, crush pa rin kita hanggang ngayon,” nakangiting bulong niya. At binuhay niya ang makina ng kanyang sasakyan at pinatakbo iyon patungo sa bahay niya.

How to Forget Beautiful Memories? [PUBLISHED under PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon