"Ina"

21 4 0
                                    

Iingatan ka~


Nakatingin ako sa aking ina habang siya ay naglalaba. Hindi alintana ang pagod may maiuwi lang siyang pera para sa aming magkakapatid.

Hindi sapat ang kita ng aking ama sa pagmamaneho kung kaya't naisipan na ding magtrabaho ng aking ina.

Aalagaan ka~

"Ina, kumusta po? Ayos lang po ba ang iyong pakiramdam?" Ang palagi kong tanong.

"Mabuti naman, anak." Ang palagi niyang sagot.

"Ina, patawarin mo po ako." Bulong ko.

Hindi niya iyon narinig.

Hindi nila alam ang nagawa kong mali.

Wala silang kaalam-alam.

"Umuwi ka muna sa bahay, anak. Hindi pa kumakain ang mga kapatid mo." May inabot siya sa aking pera.

"Opo, ina."

Siyam kaming magkakapatid. Ako ang panganay. Ako ang tumatayong ina sa aming lahat sapagkat palaging wala si ina at ama para alagaan kami.

Oo, naiinggit ako sa ibang bata dahil natututukan sila ng magulang nila, natutustusan ang pangangailangan nila at nabibili ang gusto nila. Ngumit marahil ay ito ang plano sa amin ng Panginoon.

Hinawakan ko ang tiyan ko.

Diyos ko, tulungan mo po akong malampasan lahat ng pinagdadaanan ko, namin.

"Ate, nagugutom na ako." Lumapit sa akin ang kapatid ko't umiiyak.

"Magluluto na ang ate, maupo ka na do'n."

Gusto ko lang naman maramdaman na alagaan.

Gusto ko ding maramdamang may nag aalala at nagmamahal sa akin.

Alam kong hindi ko ito dapat isumbat sa magulang ko. Pero, hindi ko naramdamang mahal nila ako.

Naalala ko nang minsa'y magtalo kami ng aking magulang. Nasabi ko sa kanila na kung hindi sila nag anak ng maaaga ay hindi magiging mahirap ang buhay namin.

At bumalik na sa akin ang sinabi ko.

Talaga ngang napaka bilis ng karma.

Sana'y mapatawad ako ng aking magulang sa aking nagawa.

Nagluto na ako at pinakain na ang mga kapatid ko.

Agad naman silang nakatulog pagkatapos kumain.

Kinagabihan ay dumating na din ang aking ina.

Sasabihin ko na sa kanya ang nangyari sa akin.

Sasabihin ko na lahat lahat.

Inasikaso ko muna siya. Pinaghain ng makakain.

Habang hinihintay na dumating si ama ay nagbihis muna ako. Hinanda ko na din ang gamit ko kung sakali man na palayasin nila ako. Pinadalhan ko din ng mensahe ang aking nobyo na sunduin ako.

Handa na ang lahat, tatanggapin ko lahat ng parusa at mga masasakit na salitang sasabihin nila sa akin.

Dumating na nga ang aking ama. Pinainom ko muna siya ng tubig.

"Ina, ama..."

Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ito.

"Bakit, anak?" Hinaplos ng aking ina ang buhok ko na palagi niyang ginagawa.

"May ipagtatapat po ako sa inyo." Pinigilan ko ang sarili kong maiyak.

Sa lahat ng nagawa ko, hindi sapat ang suntok, sipa at tadyak na ipapataw nila. Alam kong hindi nila magagawa na saktan ako pero mas gusto kong iyon ang matanggap kaysa sa masasakit na salita.

"Oh, bakit? May problema ba?" Tanong ni ina habang si ama nama'y walang imik.

"Buntis po ako." Bago pa man ako humagulgol ay sinampal na ako ni ama.

Tumayo si ina at inawat si ama.

"Walang hiya kang bata ka! Pinalaki ka namin ng maayos, ito ang igaganti mo sa amin!" Sigaw nito.

"Lumayas ka! Pagdusahan mo ang ginawa mo! Alam mo kung gaano kahirap ang buhay!" Muling sigaw nito.

"Arturo, tama na." Awat ni ina sa nanggagalaiting ama ko.

Naiintindihan ko siya. Naiintindihan ko kung saan nagmumula ang galit niya.

"Tama na? Anong tama na?! Sabagay, kanino ba magmamana yan, edi sa magaling niyang ina!"

"Sinabi nang tama na eh!" Sinampal ni ina si ama.

"Wala kang karapatan saktan ang anak natin! Hindi ba't ganto din naman ang nagyari sa'tin? Haharapin niya yung maling nagawa niya kasama natin! Hindi natin hahayaang harapin niya mag isa 'to!" Saad ni ina.

"Ina, aalis na lang po ako..."

"Anak, tandaan mo, kapag nag-asawa ka na, hindi mo na maiisip na maging anak namin. Pero kaming magulang mo, kahit anong mangyayari, kahit kailan, hindi kami matatapos maging magulang niyo."

Niyakap ko si ina dahil sa sinabi niya. Talaga namang wagas ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak.

Sobrang mali ang ginawa ko, mali ang naging desisyon ko. Nagsisisi ako, pero huli na. Ang dapat kong gawin ay itama lahat ng maling nagawa at panindigan ito.

------
Love, Glam🧡

One-shot stories ☑️Where stories live. Discover now