Forever.
Sabi nila wala daw forever, but how come I still believe that there is?
He's still in my sight. Mayroong forever. Siya ang forever. Siya ang start and finish line ko, ang zero to infinity. Genesis, exodus at revelation. Ang dahilan, bunga at katapusan. Ang tirahan ng aking puso at ang nagmamay ari nito--ang bukod tangi.
In short, siya ang aking lifetime commitment. Ang calling ko.
Ang baduy. Pero, sige jologs na kung jologs.
Mahal ko siya. Dapat walang arte arte. Period.
"hoy! Bruha!" Napapitlag ako ng may humampas sa likod ko. Napalingon ako at nakita kong namumulirat ang mga mata sa akin ni Petunia. She's wearing her thick eyelashes that she batted twice.
Umasim ang mukha ko.
"ano nanaman?!"
"Nagde-daydream ka! Ke tanghaling tapat! Maanong kumilos ka na muna ateng at linisan iyong Banyo natin! Puro ka Andoy! Andoy! Andoy! Hindi ka naman pinapansin! Naku ewan ko ba sa iyo! Ang sungit at ang kapal naman ng mukha pinag aaksayahan mo ng panahon. Ni dulo ng daliri nga niya high maintenance. Kaya ang sinasabi ko sa iyo, hindi mo iyon kaya. Hindi mo kayang abutin, masyado siyang mataas para sa mga kagaya nating hampaslupa!" Pagtatalak niya habang nakapamaywang pa.
Tumayo na ako saka siya inirapan "Andami mo nang sinabi" tinalikuran ko siya saka nagpapadyak ba nagtungong banyo.
Kung anu-ano pa ang lumabas sa kanyang bibig na hindi ko na maintindihan habang nakasunod siya sa akin.
"I'm just letting you face the reality" sabi pa niya. Hindi ko nalang pinansin.
Sumama ang pakiramdam ko, pero iyon naman talaga ang totoo. Langit siya lupa ako.
Sensodyne ang toothpaste na ginagamit niya, ako iyong buy one take one na colgate, LV ang bag niya iyong akin Kipling--sa bangketa. Greenbelt ang mall na sinasayaran ng mga talampakan niya iyong akin sa divisoria lamang. Konyo ang pananalita niya --ako salitang kanto. Starbucks ang kinakape niya, ako iyong three in one ni Ditseng Ede.
I sighed.
Andami naming pagkakaiba.
Pero hindi iyon sapat para sumuko sa aking pangarap. Gaano man siya katayog, pasasaan ba't yuyukod siya upang abutin ang aking mga kamay. Ang mga greek gods nga bumaba sa lupa, siya pa kaya?
Kamusta naman si Eros na napamahal kay Psyche?
Siya ang pangarap ko. Siya ang dahilan kung bakit ako naririto sa kinaroroonan ko ngayon. He's my motivational driver.
Kung saan siya doon ako.
"Bakit naman kasi iyong mayaman pa ang nagustuhan mo? Pwede namang si Nikolas nalang. Mabait, masipag, gwapo, may permanenteng trabaho at higit sa lahat---"
"Kayang abutin" pinutol ko na siya sa pagsasalita dahil iyon lang din naman ang sasabihin niya. "Petunia, alam ko naman. Kaya nga nagsisikap ako diba? Aabutin ko siya. Maghintay ka lang" ngumiti ako sa kapatid ko saka inabot ang tuff at eskoba sa loob ng banyo.
Pumaywang ulit siya saka nagtaas ng kilay "concern lang ako sa iyo. Hindi na siya iyong kababata mo. Kita mong yumaman lang akala mo na kung sinong umasta"
"Hindi lang niya ako naaalala" malungkot kong saad, ngunit napawi rin naman ito ng ngiti ko sa labi "ipapaalala ko sakanya isa isa. Wag ka lang maiinip"
"Siya, bahala ka. Basta ha, araw araw kitang pinapaalalahanan. Sana ay hindi lumala ang kahibangan mo. Alam mo ang limitasyon. Ayaw lang naman kitang masaktan dahil mahal kita. Ate mo ako at responsibilidad kong protektahan ka"
