3 - Ikaw

4 0 0
                                    

Ikaw

... ang dapat naglalaba nitong mga tubal mong bwiset ka! Kung hindi lang kasi ako natalo sa pustahan natin kahapon eh. Bwiset ka, Uno! Akala ko pa naman gentleman ka sa mga babae? Babae pa talaga ang pinaglaba mo ng mababaho mong underwear!

... Ay oo nga pala, hindi nga pala ako babae sa mundong 'to. Kaasar.

"Pula, tapos ka na bang isalang 'yung mga puti? Tara, kumain na tayo!" sigaw sa'kin ni Uno mula sa ikalawang palapag ng dorm namin. Sa likod kasi ng dorm kami naglalaba dahil bakanteng lote iyon.

"Tapos na 'ko! Anong ulam, Uno?" pasigaw kong tanong sa kanya.

"Paksiw na tulingan!"

"Nananadya ka! Alam mong nangangati ako sa tulingan!"

"Sapsap na lang kaya ang ulamin mo?" pang-aasar n'ya sa'kin. Akma kong kinuha ang mga Angry B¤rds n'yang boxers at umaktong lalabhan ang mga 'yun kasama ng mga puti naming damit.

"Pula, joke lang 'yun! 'Wag mong isama 'yung humahawang de kolor sa mga polo ko! Ipagluluto na lang kita ng fried chicken!"

"Mang-aasar ka pa ha!" pabiro kong sabi habang ang labi ko ay ngumingiti ng ngiting tagumpay. Ibinaba ko na ang mga boxer n'ya at naghugas ng kamay.

Dalawang taon na rin mula nang nagsimula kaming tumira sa iisang kwarto sa dorm. Marami-rami na rin ang mga nangyari.

Una, 'yung mga palayaw namin sa isa't isa. Nagkaasaran lamang kami nung una noong inaya ko s'yang uminom ng isang bilog na purong gin na may halong isang boteng soju, at hindi na nawala 'yung palayawan namin sa isa't isa.

Pula ang tawag n'ya sa'kin dahil daw sa bukod sa Ja-RED ang pangalan ko, mapula rin daw lagi ang labi ko. Sa lahat ba naman ng mapupuna, labi ko pa? Alam ko namang sobrang pula para sa lalaki ang labi ng katawang 'to eh!

Uno naman ang tawag ko sa kanya kasi 'di ba't sa baraha, ang Ace ay uno? Bukod doon, s'ya rin ang hahalili sa ama n'ya balang araw bilang Don ng famiglia n'ya. S'ya ang magiging numero uno sa isip ng lahat ng miyembro nito. Hindi ko lang sinabi sa kanya ang huli kong dahilan dahil baka makaapekto pa ito sa misyon ko.

Ikalawa, naidispatsa ko na ang kalahati sa mga kalaban n'yang famiglia. Syempre, hindi ako gumamit ng dahas. Ginamitan ko ng tiyaga at malupitang pagpiga sa utak ko ng kaalaman sa Python at SQL ang pagkalap ng mga ebidensya laban sa kanila. Mga pulis na ang humawak ng lahat pagkatapos.

Ikatlo, napansin ko na 'di rin nagtagal mula ng una naming pag-uusap ay mas naging mabait at tapat na sa'kin si Uno. Hindi ko lang alam kung ano bang nakain ng taong 'to. Pero siguro nga'y mas ayos na rin 'yun dahil nagiging tunay ko na rin s'yang kaibigan. Oo, alam kong maaaring hindi s'ya totoo dahil parang laro lang sa'kin ang lahat ng misyon ko. Pero wala eh, mataas ang karisma ni Uno.

Ikaapat, 'di ko alam kung sino mang Pontio Pilato ang nagdidikta sa galaw ng mundong 'to, pero kung sino man s'ya ay pasabi namang salamat daw sabi ni Jay. Leche flan! Mas dumali ang buhay ko rito sa eskwelahang ito dahil kay Uno. Lagi ko s'yang katabi kaya mas madaling mangopya. Lahat ng extra co-curriculars ko ay kasama rin s'ya. Para sa karakter ng pagkakakilanlang 'to, na isang mahiyaing tao ngunit maboka sa kaibigan, naging isang malaking cover si Uno sa mga matsismis naming kaeskwela.

Ikalima, madalas akong maka-engkwentro ng mga kidnapan, nakawan, at iba pang aktibidad na may koneksyon sa mga tagong famiglia na kailangan kong iligpit. Kahit na minsan ay halos makatunog na si Uno na alam ko ang tungkol sa madilim na parte ng araw-araw n'ya, mabuti na lamang at aksidente akong nagkakaroon ng alibi.

"Pula, nakatunganga ka na naman d'yan! Akyat na dito't gutom na 'ko! Matic naman 'yang washing machine, diretso sampay ka na lang. Kumain muna tayo!" biglang putol ni Uno sa iniisip ko.

"Oo na po sir!"

Pumanhik na 'ko sa kwarto namin. Amoy ng adobo at paksiw ang bumalot sa loob, kaya't mas lalo akong nagutom. Nakita ko si Uno na may hawak na dalawang pares ng plato't kubyertos kaya't tumulong na rin ako sa paghahain.

Tahimik kaming kumakain nang biglang nagsalita si Uno.

"Jared."

Ngayon n'ya lamang tinawag muli ang pangalang gamit ko mula nang bininyagan n'ya 'kong 'Pula'. Seryoso rin ang mukha n'ya.

"Bakit, Ace?" tugon ko sa kanya sa totoo n'yang pangalan upang maipahatid na seryoso rin ako sa pagkakataong iyon.

"Samahan mo naman ako sa puntod ni mama."

---
Notification: Nakadiskubre ka ng isang natatagong misyon, boss Jay! Ang swerte mo naman. Tandaan mo na hindi mo maaaring balewalain ang misyon na 'to dahil konektado ito sa ikalawa mong misyon!

Mga Misyon Ngayon (hindi muna ipapakita ang puntos):
1. Kaibiganin ang bida ng mundong ito (Ace Alajar)
2. Suportahan ang bida sa problema n'ya sa famiglia ng hindi n'ya nalalaman
3. Galain ang bayang sakop ng iyong misyon sa loob ng 200 araw.
4. Alamin ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ng nanay ng bida (Steph Alajar-Cornejo)

Total: -

---

<!

a/n: 'Wag tularan si Jay na hilig mangopya, maliban na lang kung ang tingin sa'yo ng pamilya mo ang nakataya. Tee-hee~ :p

>

Kahit Na Naiinis AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon