↬
"Sorry ate, h-hindi na po mauulit" malungkot kong sabi kay ate na nakatitig lamang sakin.
"Ikaw ba ang may gawa non?" Malumanay niya'ng tanong sakin.
Wala akong nakikitang emosyon sa mata ni ate, blangko ang kaniyang mukha at hindi mo mababasa ang nararamdaman niya. Kinakabahan ako dahil hindi ko alam kung galit siya sakin o hindi.
"P-po?" Nauutal ako dahil hindi ko alam ang isasagot, tinanong ko siya na parang hindi ko narinig ang sinabi niya para makapag isip muna ako ng isasagot ko.
Bumuntong hininga siya at tumuwid ng tayo. Kinagat kagat ko ang kuko ko habang nakatuon ang mata sa paa.
"Soren?"
"H-hindi po ako ang may gawa non a-ate" pinikit ko ng mariin ang mga mata ko, handa para sa sasabihin ni ate.
Gusto ko nang umiyak pero natatakot ako na baka mairita siya at mas magalit pa sakin.
"Kung ganon, bakit ka kinakabahan?"
Malumanay parin na tanong ni ate."N-natatakot po akong m-magalit kayo"
Diniinan ko pa ang kagat sa kuko ko. Napatingin siya roon kaya agad kong tinigil, ayoko magalit si ate sakin kaya hangga't kaya kong itama ang mali ko ay gagawin ko.
Lumamlam ang mata niya at bumuntong hininga siya.
"Maglinis ka na ng katawan mo at kakain ka na ng hapunan" ngumiti siya pero hindi yon umabot sa mata niya.
Nalulungkot ako sa twing nakikita kong nagpapanggap na masaya si ate, hindi ko alam kung ano yung nangyari kung bakit siya nagkaganto. Hindi naman siya ganto dati, siguro may nangyaring nakapagbago ng ganto sa kaniya.
"O-opo" sagot ko ngunit hindi muna ako umalis sa harap niya.
"Good, sige na" ginulo niya ang buhok ko at tumalikod siya upang puntahan ang kapatid kong nasa duyan.
Si ate lagi ang kasama namin dito sa bahay dahil wala si papa at mama, laging nasa trabaho at kung uuwi ay gabing gabi na. Siya ang panganay sa aming apat na magkakapatid, siya ang nag-aalaga sakin at sa bunso kong kapatid na siyang inaalagaan niya ngayon, ang sumunod sakin ay kinuha ng aming lola upang alagaan.
Laging pagod si ate galing sa school, pagdating ng bahay ay kami agad ang inaatupag niya. Ang mga gawain niya sa paaralan ay madaling araw niya na nagagawa dahil sa sobrang dami niyang gawain dito sa bahay. Minsan pa nga'y pag nagigising ako ng madaling araw ay nadadatnan ko siyang nagsusulat, minsa naman ay nagpapadede kay Coleen. Lagi ko ring napapansin na pinipilit niyang manataling gising kahit sobrang antok niya na. Pero sa kabila ng lahat ng pagod niya, ni minsan ay hindi ko siya narinig na nagreklamo, lagi siyang tahimik at kalmado. Ngunit minsan ay nararamdaman kong pagod na siya sa bagay bagay, pinipilit niya lang magpatuloy dahil sa aming mga kapatid niya.