Blue For You | Renzel Ruben Bly

33 5 1
                                    

Di maipaliwanag na kaba ang aking nararamdaman habang nakaupo sa silya ng Chairperson ng department namin.

'Hindi ako makakapunta diyan nak, pasensya na baka madukutan tayo pag umalis ako. 😅'

Tanging hawak ko ang cellphone na ang huling nakarehistrong mensahe ay mula kay mama. Lagi siyang hands on doon sa computer shop na pinaghirapan nilang ipundar ni papa. Hindi ko pa nasabi sa kanyang bumagsak ako sa isang subject dahil natatakot ako, baka patigilin niya ako sa pag-aaral, baka itakwil niya ako bilang anak, baka... napakadaming posibilidad. Ayokong dagdagan pa ang pagkabigo sa akin ni mama dahil araw-araw ko iyong nagagawa sa kanya. Alam kong masyado na akong nagiging pabigat sa kanila, gustong-gusto kong magpakamatay pero tangina hindi ko kaya. Pinangako ko sa aking sarili na hinding-hindi ko iyon gagawin— kahit kailan. May mga kaibigan nga ako pero hindi ko kayang mag open-up kasi pakiramdam ko... sobrang hirap gawin nun. Malinaw sa akin na maaasahan sila ngunit sa hindi malamang na dahilan laging natitikom ang aking bibig at parang napuputulan ako ng dila na parang natutuyuan ng laway at nanlalamig ang aking mga kamay sa tuwing ibabahagi ko na sana sa kanila.
Kaya heto ako ngayon nagdudusa sa aking mga katarantaduhan.

'Okay lang ma, kaya ko naman 'to.'

Tsaka ko sinend kay mama. Nanginginig ang aking mga kamay habang tinitipa ko iyon, gusto kong idagdag na:

'Ma, sana hindi ka magalit kapag nalaman mo kung bakit ako pinatawag. Ma sorry talaga dahil binigo ko na naman kayo, sana maintindihan mo po ako. Babawi naman ako eh, sadyang mahina lang kasi ako sa PE na kahit anong gawin ko wala talaga eh. Bobo ako, walang kwenta, tamad, iresponsable, salaula... lahat nasa akin na. Pasensya na kung hindi ako kagaya ni ate na graduate ng Magna Cum Laude at ni Davis na laging matataas ang mga marka. Pero ma... sa tingin ko po pwede akong maging matagumpay na writer.'

Ilang linggo ko na itong dinadala. Kasama ko sa kwarto ang ate ko pero nasa ibang lugar siya kaya ako nalang mag-isa sa kwarto, tatlo kaming magkakapatid at ako ang nasa gitna. Pinaka-ayaw ko sa lahat ay ang umiyak pero ewan... tila'y hindi ko na kilala ang sarili ko na parang... tuluyan na akong nag-iba nang hindi ko man lang alam. Minsan pakiramdam kong masyado akong bobo para mapabilang sa klase at pamilya namin, animo'y isa akong napakalaking kabiguan. Pwede bang mabuhay na lang ako na parang bula? Pwede bang doon na lang ako sa pinakasulok ng pader mamalagi? Tamaan nalang sana ako ng kidlat tapos tatalino ako, pwede ba yun? Sana ako nalang yung isa sa mga matalino sa klase namin bahala na kung pressured, stressed, madaming responsibilidad at malaki ang expectation ng mga tao sa paligid— kasi sa bandang huli alam kong may mas magandang oportunidad ang yayakap sa kanila. Kung inggit sila sa akin? Mas inggit ako sa kanila.

"Mag umpisa na tayo, may klase pa ako mamaya," bungad ni sir Rosanto na PE teacher naming pangatlong beses ko pa lang nakita. Nakita kong pumasok pa yung dalawa ko pang kaklase na sina Keeyla at Renzel tsaka umupo sa couch na malapit sa mesa ni sir Rosanto. Kaming apat lang ang nandito sa opisinang ito kaya siguro naman magiging malaya ako sa pagpapahayag... sana. "Alam niyo na siguro kung bakit ko kayo pinatawag dito ano? Kaya Renzel sayo ko uumpisahan."

Matangkad na tao itong si Renzel, siguro mga 5'10, hindi maskulado at hindi din masyadong mataba. Yung kanang kilay niya pakiramdam ko talaga na natural na yung parang scar. Hindi ako palaimik na tao kaya malay ko ba kung natural ba iyon o sinadya niya lang ipaahit? Minsan nakikita ko siyang naglalaro ng basketball sa court ng school namin at  sa pagkadinig ko, mahilig siya sa mga online games. May pagkakulot ang buhok niya na naiinis akong tumingin kapag lumago na ito at hindi napagupit— parang bulbol lang. Pero ang pinakanaiinisan ko sa kanya ay ang pagkawalang pakialam at ang pagiging dumbell kahit alam kong saksakan siya ng katalinuhan. Sana nga ako nalang siya, tamad lang naman mag-aral si Renzel.

Rumehistro sa mukha ni Renzel ang pagkawalang takot habang nagpapaliwanag siya, lakas ng loob niya ah. Sabagay teacher kasi ina niyan dito sa school tsaka junior years pa lang kami ganyan na siya, bagsak sa halos lahat ng mga asignatura kasi parang may sariling schedule, minsan lang kung magpass ng mga requirements, buti na nga lang dahil nakapag senior high pa siya. Halatang mayaman din kasi ang isang 'to base pa lang sa kanyang pag-upo, in fact, mas malala si Renzel sa akin. Kaya ganito lang ako kung maka react dahil ito ang pinakaunang beses na hinayaan ko ang aking sarili na hindi pumasok sa asignatura niya.

Nang natapos si Renzel sa pagpapaliwanag na halos wala naman akong narinig dahil sa hina ng boses napaubo si sir. "Apat na beses ka lang pumasok sa klase ko out of seven meetings Renzel and fyi that four is last five minutes ka ng pumapasok. Kung makapass ka ng mga activities laging next week tapos next week na naman hanggang hindi ka na naka-pass. Ano? May sariling schedule ka? Sa tingin mo takot ako diyan sa mama mong nagtatrabaho din dito? Ibahin mo ako Renzel, kahit ilang pwersa pa ng pamilya mo hinding-hindi kita ipapasa sa asignaturang ito ng ganoon lang kadali. Not on my watch." Tahimik lang si Renzel habang nakatingin sa sahig. "Look at these grades, ni hindi nga ito nakakalahati ng porsiyento oh. Explain for yourself on how will you be able to pass this subject with this subpar grades," wika ni sir habang pinapakita yung nasa class record niya. Nakita kong sumulyap lang si Renzel sa class record tapos balik na naman sa dati.

"Pagod na akong masumbatan araw-araw sir, suko na ako. Kung ano man ang magiging desisyon mo... tatanggapin ko po. Susubukan ko nalang pong bumawi—"

"Susubukan at pagod ba kamo? Look at your eight grader younger brother Renzel, bakit hindi mo siya gayahin? Do you know that he's performing very well in his class? Ikaw dapat ang modelo niya dahil ikaw ang kuya pero tingnan mo kung anong ginagawa mo sa iyong sarili. It looked like you are the complete opposite of him," dugtong pa ni sir Rosanto gamit ang kalmado niyang boses, hindi naman siguro siya nanunumbat niyan. Ngayon pa lang, masasabi kong he's not good at handling situation like this.

I think I should take that as an intellectual insult? Comparison perhaps? Napansin kong nakayukom ang dalawang kamao ni Renzel. Sino ba namang matutuwa kung ikukumpara ka sa ibang tao? At ang masaklap talagang sa kapatid niya pa— nakababatang kapatid.

"Kung ayaw mo nang masumbatan advise ko lang sayo that you have to kill that old and nasty habits Renzel, that is for your own sake. Hindi masamang magbago, subukan mo kasi."

Buti pa itong si Keeyla chill lang. Naaksidente kasi siya kaya dalawang buwan ding hindi nakapasok, bale lahat ng mga asignatura wala pa siyang records. Oh, so kung titingnan ako pala ang may pinakamagaang kaso dito sa aming tatlo ano? Above all, hindi ako dapat magpaka kampante. Hindi ako napatawag dito dahil lang doon. Si Keeyla may excuse letter tsaka medical certificate, ako wala. Hamak na mas matalino 'yang isang iyan sa akin eh.

"You want me to kill my old and nasty habit sir? Mawalang galang po ah? Hindi mo ba nadidinig iyang sinasabi mo sir? Mas nahihirapan akong magbago kung pati kayo kinukumpara ako diyan sa magaling kong kapatid eh! Try living up to a perfect brother and hypocrisy, tingnan lang natin kung hindi mawawasak iyang mundo mo. Laging siya nalang! Lahat ng ginagawa niya perpekto sa mata ng mga tao t-tapos... ako na naman ang m-maiiwan. Ako itong mali ang ginagawa ko, ako itong si Renzel na punyeta walang kinabukasan! Edi ako na sir! Ako na ang babagsak! Araw-araw siya ang tama tapos ako itong araw-araw na mali?! Napaka-hypocrite lang ano? Para sa inyong mga matang bulag ako itong walang nagawang tama sa buhay!"

"Oh diba? Siya ang perpekto, ako ang walang kwenta? Tanginang perfect combination," sarkastikong wika ni Renzel tsaka tumayo upang tumalikod sa aming tatlo na natahimik— pati si sir Rosanto. Ay teka, kanina pa pala kami tahimik ni Keeyla. "Pasensya na. Aalis nalang ako wala din naman itong patutunguhan, walang magbabago. Eh kung iyon na yung grades ko t-then fine," kinuha niya muna ang bag niya bago sinubukang lumabas.

""Sorry I didn't know Renzel," paumanhin ni sir na halata namang na guilty siya sa kanyang pinagsasabi. "Manatili ka, pag-uusapan natin iyan dito."

"Walang pag-uusapan sir."

Narinig kong napatikhim itong kaharap kong kagagaling lang sa natamong pilay at sugat mula sa aksidente.

Bago pa man nakalabas si Renzel ay may biglang pumasok na estudyante, ah grade 9 pa ang isang 'to.

"Ano hindi ka ba tatabi?" Asar na tanong ni Renzel sa lalaki. Kung makatingin parang nanghahamon ng suntukan, napatayo tuloy si sir Rosanto dahil sa inasta ni Renzel.

"Hindi ka pa po pwedeng umalis."

Siraulo.

Blue For YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon