Tanging tunog lamang mula sa takong ng kaniyang sapatos ang maririnig habang binabaybay namin ang pasilyo patungo sa kaniyang silid.
Tahimik ko lamang na pinagmamasdan ang kaniyang likod habang ako ay nakasunod sa kaniya. Sa likod pa lamang niya ay masasabi mo ng may ipagmamalaki talaga ang kaniyang katawan.
Bawat hakbang at kilos na kaniyang gagawin ay pinag-aaralan ko. Mahirap na at baka biglaan na lamang siyang sumugod sa akin, 'di ko pa naman alam kung paano ang takbo ng kaniyang isip.
Hindi ko maiwasang kabahan. Sa gitna ng aming paglalakad ay hindi ko maiwasang mag-isip ng mga brutal na kaganapan sa oras na makaapak ako sa loob ng kaniyang silid. Agad akong kinilabutan at nanlalamig na ang aking mga kamay.
Mabigat ang bawat hakbang na aking ginagawa. Labag man sa kalooban kong sumunod ay hindi ko siya maaaring suwayin. Sa bawat pagliit ng distansiya papunta sa kaniyang silid ay siyang lalong pagbilis ng tibok ng puso ko. Gustuhin ko mang tumakbo palayo ay tiyak na wala na akong kawala.
Minabuti ko na lamang na ikalma ang aking sarili dahil hindi makatutulong sa akin ngayon ang kabang nararamdaman ko.
Ano kayang mangyayari sa oras na tumapak ako sa loob ng kaniyang kwarto?
Nagulat na lamang ako nang bigla siyang huminto sa isang magarang pinto. Napakaganda nito, napakaeleganteng tingnan. Pumasok na siya sa loob at naiwan ako sa labas.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Susunod ba ako o mananatili na lamang dito sa labas at maghintay? Hindi naman kasi siya nagasalita eh paano ko malalaman ang gagawin?! Hays. Mamaya kapag sumunod ako ay magalit siya sa akin lalo na't hindi pa niya ako binibigyan ng permiso. Kasama kasi ito sa patakaran, huwag basta-bastang papasok sa kwarto ng amo namin.
Nagulat na lamang ako nang biglang lumaki ang pagkakabukas ng pinto at hinila ako papasok. Tila napaso ako sa kaniyang hawak kaya minabuti kong agad na bawiin ang aking kamay mula sa pagkakahawak niya.
Mukhang napansin naman niya ang aking ginawa at umiwas na lamang siya ng tingin at umupo roon sa harap ng kaniyang lamesa na parang sa opisina. Napansin ko ang pagpula ng kaniyang tainga.
Teka!?
Anong nangyayari sa kaniya!?
A-ang cute niya mamula. Titig na titig ako sa kaniya at ramdam na ramdam ko ang pagkailang niya. Dahil ba ito sa paghawak niya sa akin? Baka naiinitan lang siya kaya siya namumula?
Minabuti ko na lamang na huwag pansinin iyon dahil mamaya ay maghimutok nanaman iyon sa galit.
Hindi ko maiwasang mamangha sa kaniyang kwarto. Maganda ito at mababanaag mo ang pagkaelegante nito.
Napangiwi na lamang ako nang dumako ang aking paningin sa mga kalat. Bakit ang gulo naman ata ng mga gamit niya!? Parang dinaanan ng bagyo sa gulo! Ilang araw ba itong hindi nalinisan?
"Clean that, I want you to finish that today!"
Malamig na utos niya sa akin. Sandali! Nagpapatawa ba siya? Today?! Eh kulang ang isang araw para tapusin ito eh.
Muli kong tiningnan ang mga kalat. May mga bubog sa sahig. Basag basag na mga baso at bote ng mga alak. Nakataob din ang kaniyang mini-shelf dahilan upang magkalat ang mga libro mula roon. Nakakalat din sa sahig ang mga damit niya.
Hindi nakatakas sa aking paningin ang bahid ng dugo sa bedsheet ng kaniyang kama. Pinasadahan ko ng tingin ang aking amo at doon napansin ko ang nakabenda niyang kamao.
Hindi ko na lamang inusisa ang tunay na nangyari, siguro ay sila Manang na lamang ang tatanungin ko. Kahit naiintriga ay minabuti ko na lamang na simulan ang paglilinis, mahirap na at baka bugahan nanaman ako ng apoy ng dragon kong amo.