Hinala
“Bakit ka riyan nag-iisa?” napaangat ako ng tingin sa taong nagmamay-ari ng boses na iyon. Nakita kong nakakunot ang noo niya at diretsong nakatingin sa akin. “Bakit ka biglang umalis kanina?”
Nag-iwas ako ng tingin at hindi ako kumibo. Naramdaman ko na lang ang pag-upo niya sa tabi ko.
“Hindi mo naman sinagot ang mga tanong ko e,” mahinang maktol niya sa gilid ko. Kahit na ganoon, hindi ko pa rin siya kinibo. Naramdaman ko na lang siyang pilit na sinisilip ang mukha ko mula sa tabi ko. “Hoy.” pinindot niya ang gilid ng balikat ko.
“Huwag mo nga akong kulitin, Shan.” kunot-noong sabi ko ngunit hindi pa rin siya nililingon.
“Nais ko lang namang malaman kung bakit ka nga umalis doon?” malungkot na tanong niya. “N-Nasabihan ka tuloy ni Binibing Xinthua ng bastos.”
Nang marinig ang sinabi niya ay doon ko na siya nilingon. Nakita ko siyang nakatingin sa akin at bakas ang pagkagulat sa biglaan kong paglingon.
“B-Bibining Xanthua?” pakiramdam ko ay ikamamatay ko kung banggitin ko ang pangalan niya.
Siguro ay siya ‘yung bumati sa amin kanina. Una pa lang ay pansin ko nang may taglay itong kasungitan at katandaan, pero hindi naman nu’n natatakpan ang kagandahang taglay ng bawat isang binibini sa mundong ito.
Tumango siya. “Siya ang tagapagbantay ng paaralang ito,” tumingin siya sa paaralang nasa harapan namin at ganu’n din ako. “Halos kasing tanda niya na rin ang paaralang ito, pero hindi mo naman mahahalata sa kaniya. Medyo masungit nga lang.” tatawa-tawa pa siya nang banggitin niya ang huling pangungusap.
Napatigil kami sa pagtawa nang marinig ang isang tikhim sa tagiliran namin. Sabay namin itong nilingon at ganu’n na lang ang panlalaki ng mga mata namin nang makita roon ang matandang babae.
“Unto siram gi,” kumunot ang noo ko sa sinabi niya, hindi ko maintindihan, pero nasisiguro kong gamit niya ang lenggwahe sa mundong ito na minsan kong narinig habang kausap ni Papu ang isang tagapagsilbi. “Areundashda.” sabi niya pa at nauna ng maglakad.
Habang sinusundan namin siya papasok ng tarangkahan ng paaralan, hinila ko ang laylayan ng damit ni Shan para makuha ang atensyon niya.
“Shan, ano ba’ng lenggwahe iyon? Hindi ko kasi maintindihan ang mga sinabi niya kanina.” bulong ko sa kaniya at tiniyak na walang makaririnig sa amin.
Mahina siyang natawa. “Ang tawag sa ginamit niyang lenggwahe ay Aparajita,” sabi niya. “Sinabi niyang nauna na sina Ginoong Azores at Binibining Celestia sa loob at ang huli, pumasok na raw tayo,” paliwanag niya kaya napatango-tango naman ako. “Huwag kang mag-alala, matututunan mo rin ‘yan lalo pa’t mag-aaral ka na.”
Ang buong kong atensyon ay napunta na lamang sa mga kakaibang bagay na nakita ko habang naglalakad kami papasok sa paaralan.
Nakapagtataka lang dahil mayroong malawak na kulungan na makikita sa bungad nito, kung saan nakakulong ang iba’t-ibang uri ng hayop—ang iba ay nakita ko na sa mundo ng mga tao at ang iba naman ay dito lang ata makikita.
“Iyon ang Verdana Utsaah,” napatingin ako kay Shan nang magsalita siya. Mukhang napansin niyang nakatingin ako ru’n. “Ang ibig sabihin ng Verdana ay kulungan at ang Utsaah naman ay ang pinahabang salita ng salitang usa,” paliwanag niya habang patuloy pa rin kami sa paglalakad. “Mga usa lang talaga ang nakakulong diyan dati dahil sila ang pinakamaamo at pinakamagandang hayop dito sa Philedelphia, pero naglagay na rin ng iba’t-ibang uri ng hayop dito nang ipag-utos ni Ate Castille.”
Napatango-tango na lang ako at itinuon sa ibang direksyon ang aking paningin. Naalala ko si Mamu at ang paru-paro. Nu’ng kailan ay hindi ko na ito nakikita, nag-aalala ako na baka kung ano na ang nangyari rito.
Kamuntik na akong mabangga sa likuran ni Shan nang biglang itong huminto. Kunot-noo ko siyang tinignan pati na rin si Binibining Xinthua. Parehas na pala silang nakatigil.
Napako ang tingin ko sa isang katamtamang laking pintuan na may mga ukit na hindi ko naman magawang maintindihan.
Dahan-dahang pinihit ng matandang babae ang siradura ng pintuan—parang nag-iingat—at nauna na ring pumasok. Sininyasan niya na lang kami ni Shan na kaagad naman akong inilalayan sa siko para pumasok. Pakiramdam ko ay daan-daang bulto ng kuryente ang dumaloy sa katawan ko nang magtama ang mga balat namin.
“Shan, nasaan ba tayo?” bulong ko kay Shan ngunit hindi niya na ako nasagot dahil tinignan kami nang masama ng matandang babae. Nagtatanong lang e! Sungit!
“Ito ang Kamara ng mga Kaalaman,” maya-maya pa ay nagsalita ang matandang babae. “Dito namamalagi ang lahat ng mga mahahalagang kagamitan na ginagamit ng mga estudyanteng nag-aaral dito,” muling sabi niya at binuksan ang pangalawang pintuan na naroroon. “Kukuha lamang tayo ng uniporme na gagamitin ninyo, pati na rin ng isa pang kasama niya.” sabi niya at pumasok sa pintuang binuksan niya.
Hindi na kami nag-abalang sumagot ni Shan sa kaniya. Marahil ay masiyado na ring namangha ang isang ‘to. Kung ikaw kasi mismo ang nandirito, talagang mamahanga ka dahil lahat ng kagamitan ay nakalutang, oo, nakalutang.
Maya-maya pa ay lumabas na siya at kaagad na isinarado ang pintuan. Tinignan niya pa ako nang masama nang mahuli niya akong sinisilip pa ang loob nito, e tanging kulay itim lang naman ang nakita ko ru’n. Nakapagtatakang nakuha niya ang mga uniporme ng walang liwanag.
“H-Hindi na po ba namin ito isusukat?” lakas-loob na tanong ko.
Matagal niya akong pinakatitigan bago sumagot. “Sigurado akong kasiya sa inyo ang mga ‘yan, huwag na kayong mag-alala.” sabi niya at nagpaunang naglakad.
Wala kaming nagawa kundi ang sundan na lang siya hanggang sa makalabas ulit kami sa kuwartong tinawag niya Kamara ng mga Kaalaman. Sakto naman paglabas namin ay nandu’n si Papu kasama si Celestia.
“Nandito lang pala kayo, Binibining Xanthua,” bungad ni Papu at tsaka naglipat ng tingin sa akin. “Ayos lang ba sa’yong iwan na kita rito?” tanong niya na talagang nagpakunot sa noo ko.
“P-Po?”
Bumuntong-hininga siya at sininyasan ang mga kasama namin na iwan muna kami. Nang makaalis na ang lahat, diretso niya akong tinignan at tsaka niyakap ngunit kaagad din namang bumitiw.
“Parte ito ng misyon mo, anak,” sabi niya. “Mag-aaral ka para sa ikabubuti mo at…” napatigil siya at nag-iwas ng tingin. “Hindi ako kasama rito. Kailangan kong iwan ka rito para na rin sa seguridad mo.”
“P-Papu, hindi ko po m-maintindihan.” naguguluhang sabi ko.
Muli siyang napabuntong-hininga. “Magiging isa ka sa mga mag-aaral na nagtataglay ng iba’t-iba uri ng kasinungalingan, anak. At ang lahat ng ito ay nakasulat sa propesiya.” sabi niya.
“S-Sina… Sina S-Shan at Celestia, k-kasama rin ba sila sa propesiyang sinasabi mo?” tanong ko dahilan para dahan-dahan siyang tumango. Umalpas naman ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. “S-Sabihin mo sa akin, Papu, ano ba ang sinasabi mong uri ng k-kasinungalingan?”
“Mayroong tatlong uri ng sinumpang kasinungalingan ang paaralang ito,” panimula niya. “Bughaw na Kasinungalingan, ito ang sumpang kapangyarihan na tinataglay ng mga mabubuting mag-aaral ng Ensorcell Academia; Pulang Kasinungalingan, ito naman ang sumpang kapangyarihan ng tinataglay ng mga mag-aaral na may dugong katulad ng mga Aragon; at ang huli, ang Itim na Kasinungalingan, ang pinakadelikadong uri; taglay ng mga bibihirang mag-aaral na ang produkto ng mabuti at masamang nilalang ng Philedelphia.” mahabang sabi niya.
“K-Kung ganu’n, ano ako sa tatlong ‘yon?” tanong ko.
Nag-iwas siya ng tingin. “A-Ang hinala ko ay…”
“A-Ano, P-Papu?”
“I-Itim na K-Kasinungalingan.”
YOU ARE READING
Ensorcell Lie Academy [ON-GOING]
General FictionShe who keep on running from the beast of reality yet she can't escape from it. She was eager to know everything, and the best way was the school. A school where all lies were hidden, and forever will be. Will her ensorcelled lies be out? Date Star...