Tanghaling tapat na habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay. Ang paglalakad ay nakasanayan niya na dahil malayo layo pa ang kanilang tahanan mula sa sakayan ng dyip. Kabisaso rin niya ang mga establisyementong madaraanan niya. Pagkababa ng dyip ay madadatnan niya ang pila ng mga tricycle na nakaparada sa gilid ng kalsada. Ang daan patungo sa bahay nila ay hindi na dinadaanan ng mga dyip gawa ng masikip at delikadong kalsada. Minsan ay sumasakay siya sa tricycle, pero ngayon ay hindi niya nagawa sapagkat nakalimutan niyang humingi ng pamasahe sa kaniyang kapatid. Lampas rito ay isang panaderyang madalas nilang pagbilhan ng almusal ni Arjo, pandesal. Malambot at malasa ang pandesal dito kaya naman mabentang mabenta ito sa mga tao. Malayo layo pa ay matatanaw na sa kabilang kalsada ang isang gotohan. Minsan ay kumakain sila dito ni Arjo.
Paglagpas niya sa gotohan ay nakaramdam siya ng pagkairita. Ilang metro na lamang ang layo niya sa kanilang bahay. Ang init ng tirik na araw ay ang isang bagay na hinding hindi niya kailanman makasasanayan. Mabilis na tumutulo ang kaniyang pawis sa matangos niyang ilong at sa kaniyang makinis na leeg. Ngunit kahit na araw araw nabibilad sa initan, kataka takang hindi nagbabago ang kutis ni Aria. Noon pa man ay maputi na ito, hindi siya gaya ng ibang mga dalagang maalaga sa kanilang mga balat. Hindi niya ito masyado binibigyang pansin pero ito'y nakasisilaw sa mata, na tila ba kutis ng isang mayamang dalaginding na nakatira sa isang palasyo. Sa pagkakairita niya ay mabilis niyang hinugot ang kaniyang panali mula sa kaniyang bag. Inipon niya ang kaniyang buhok at itinali ito sa isang bun, hindi malinis ang pagkakatali niya kaya naman mayroong naiwang mga hibla na nakalaylay, tumatama sa kaniyang batok. Pinunasan niya ng kaniyang panyo ang buong mukha at paikot sa kaniyang leeg. Mahalimuyak, malambot, at mahaba ang buhok ni Aria, naiisipan niyang paiklian ito ngunit binilinan siya ng kaniyang Apo na huwag itong gugupitin dahil bagay ito sa kaniya. Totoo naman ito, labis na nakadadagdag sa kaniyang kagandahan ang mahaba niyang buhok. Pero hindi niya naman talaga inaalala ang kaniyang hitsura. Ito ay alaala niya sa kaniyang Apo. Dahil hilig itong suklayin at laruin ng kaniyang lola.
Nang umabot na siya sa mapunong parte ng kanilang barangay na malayo na sa mga tao ay biglang lumakas ang ihip ng hangin. Dahil malilim na, at malakas na ang hangin nakaramdam na ng kaginhawaan ang dalaga. Hanggang sa tumayo ang kaniyang balahibo. Hindi niya alam kung bakit ngunit pumasok sa kaniyang isip ang biglaang pagkataranta. Kusang lumingon ang kaniyang ulo at nagmasid sa kapaligiran. Pakiramdam niya'y tila may nagmamatyag sa kaniya. Natawa lamang siya sa kaniyang sarili dahil maaaring guni guni lamang iyon. Nang malapit na siya sa kanilang bahay ay napansin niyang nakatingin sa kaniya ang kanilang kapitbahay habang nagsasampay ng mga tuwalya. Sinubukan niyang kumaway rito ngunit hindi ito kumaway pabalik. Nanatili lamang itong nakatingin sa kaniya. Mabait ito ngunit para bang biglang nagbago ang kaniyang pagkatao. Tila isang ibong nagbabantay ng kaniyang mga sisiw. Hindi na lamang pinansin ni Aria ang babae at nilihis ang tingin niya sa kanang direksyon kung saan may mga naglalakihang puno ng mangga. Sa lakas ng hangin ay tila tatangayin na ang mga sanga nito. Sa isang iglap ay may nakita si Aria sa malalim na parte ng kagubatan. Bigla siyang nabalot ng kaba at agad na pumasok sa kanilang bahay.
"K-Kate... tapos ka na ba?" Tanong ni Arjo habang nagaabang sa labas ng banyong pambabae. Malapit na noong lumubog ang araw at kakaunti na lamang ang mga magaaral na na sa eskuwelahan. "Ahh saglit lang medyo masikip kasi 'tong pantalon ko eh hehe." Pabungisngis na sagot ng guro. "Sige sige take your time." Alas singko na noon at nagbibihis lamang si Katelyn bago sila tumungo sa bahay nila Arjo. Buong maghapong nasa isip ni Arjo ang mga mangyayari ngayong araw. Parang isang batang nagaabang sa kaniyang paboritong palabas sa telebisyon. Ngunit mukhang hindi niya inaasahan ang mga magaganap kinalaunan.
"Tara na." Lumabas si Katelyn sa palikuran, nakasuot ng damit na sakto lamang ang sukat sa perpekto niyang pangangatawan, nakatuck in naman ito sa masikip at itim na pantalong tila mas bumagay pa dahil sa pagiging maliit nito. Naririnig ni Arjo ang malakas na pagtibok ng kaniyang puso, natulala siya at tila ba dilat na nananaginip. Ang kaniyang atensyon ay nakatuon lamang sa kagandahan ng binibining nasa kaniyang harapan. Hindi niya napansing nagsasalita na si Katelyn. Bumalik lamang siya sa wisyo nang kinawayan siya ni Katelyn sa harap ng kaniyang mukha "Uy Jo, tapos na ako. Tara na?" Agad na sinarado ng binata ang nakalaylay niya na palang panga, kumurap at sumagot "Ah oo..." Hindi niya napansin na namumula na pala siya. "Hahaha bakit ka namumula?" Agad na nakita ito ni Katelyn. "Ha-ha? Ah eh medyo masama nga yung pakiramdam ko eh. Baka lalagnatin ako." Palusot ni Arjo. "Huwag mo kasing papagurin masyado sarili mo." Sabay tawa. Sagot ni Katelyn na halatang hindi naniniwala sa dahilan niya.
Sumakay na ang dalawa sa motorsiklo ni Arjong nakaparada noon malapit lamang sa labasan ng paaralan. Iniabot niya ang helmet ni Aria sa dalaga. "Isuot mo ng mabuti yan ha baka mahuli tayo. Tapos uhmm.. k-kailangan mong ku..." Biglang yumakap ng mahigpit sa kaniya si Katelyn. Lumakas at bumilis ang tibok ng puso ni Arjo, para na siyang mahihimatay at naginit din ang kaniyang katawan dahil napakalapit na nila sa isa't isa. Nararamdaman niya ang malambot na katawan ng babaeng dumidiin sa kaniya. "Alam ko na po gagawin. Tara na, naghihintay na si Ria." Hindi kaagad nakasagot si Arjo, at bigla niyang naalalang tawagan si Aria. Hindi niya ito natawagan maghapon dahil nakapatay ang kaniyang telepono at abala sa kakaisip kay Katelyn. Pagkabukas niya sa telepono ay bumabaha ng missed calls ni Aria. Nang subukan niyang tawagan ito ay hindi sumasagot. Kinutuban siyang may nangyaring hindi maganda kaya't humarurot siya pauwi sa kanila.

BINABASA MO ANG
Dahuyo
FantasyAng normal na buhay ng magkapatid na sina Arjo at Aria ay magbabago sa isang gabi. Isang narahuyong mundo ang madidiskubre nila, at maraming pagsubok ang kanilang kakaharapin.