Nakaitim na longsleeves, itim na pantalon, at itim na sapatos si Yusa. Maputla, hindi mapayat at hindi rin mataba, matangos ang ilong, may mapupungay at asul na mga mata. Ang buhok niya'y kulay tsokolate at nakabagsak. Madalas niya itong hinahawi paitaas sapagkat naiirita siya sa tuwing tinatamaan nito ang kaniyang mga mata. Habang ngumunguya ng bubble gum ay ikinakasa niya ang dalawa niyang rebolber sa mga balang nakapalupot sa kaniyang braso. "Nakakabagot talaga kayong mga basura." Inis na sabi ni Yusa pagkatapos barilin ang nilalang na umatake sa kaniya. "Bakit ba kasi ayaw makipagtuos sakin ng Manggagaway? Nakakairita na itong mga alagad niya." Putok ulit ng baril. Tila mga lamok lamang ang pinapaslang niya habang papalapit siya sa kaniyang pakay. Wala na itong malay at mukhang napuruhan. "Hay nako, parati na lamang matagal sila Zach. Mukhang hindi na magtatagal pa ang ginoong ito." Habang patuloy na bumabaril sa mga nakakikilabot na nilalang. Ilang sandali pa ay natanaw na niya ang isang lalaking tumatakbo. Napansin niyang may hawak itong dalaga. Marahil ay iyon na nga si Aria. Papalapit nang papalapit ang dalawa kay Yusa, at pabilis din ng pabilis ang tibok ng kaniyang puso. Hinahangin ang mahabang buhok ni Aria, ang liwanag ng buwan ay tumatama sa kaniyang balat pati na rin sa kaniyang mga mata. Ngayon lamang nakaramdam ng ganito si Yusa. Tila ba lumulundag ang kaniyang puso sa hindi malamang kadahilanan. Dahil dito'y muntik na siyang mapahamak. Isang aswang na pala ang aatake sa kaniyang likuran. Mabuti na lamang ay tumigil at pinana ito ni Zach. Hindi na pinansin ni Yusa ang palaso, kahit pa may malakas siyang pakiramdam sa kapaligiran ay nakatulala lamang siya sa babaeng tumatakbo papalapit sa kaniya. 'Isa ba itong panaginip?' Tanong niya sa kaniyang isip.
Bigla namang tumangis si Aria, tuloy tuloy ang pagbuhos ng luha niya nang mamataan niya ang kalagayan ng kaniyang kapatid. "Huwag kang magalala, magiging ayos din siya." Mahinahong sambit ni Zach habang hinahagod ang likod ng umiiyak na dalaga. "Kailangan na muna nating bumalik sa kampo."
"Arjo, nandito lang kami, kailangan ka namin. Arjo......" Mainit ang kapaligiran, masakit sa balat, ngunit pilit niyang inaabot ang kamay ng isang babae. Hindi niya mapigilan ang sarili niyang mga kilos. Nais niya nang umalis sa lugar na iyon ngunit patuloy paring lumalalim ang pagabot niya. Hanggang sa nagkaroon na siya ng malay. Malabo pa ang paningin ni Arjo nang sinubukan niyang dumilat. Kalaunan ay luminaw na ito. Mas mabuti ang pakiramdam niya kaysa noong bago siya mawalan ng malay. Nakakapa niya ang malambot na higaan, komportable na ang kaniyang pakiramdam. Nasa isang maliit na kuwarto siya. Katabi ng kamang hinihigaan niya ay isang nakabukas na bintana. Walang bintilador ngunit malamig ang hanging pumapasok sa kuwarto. Naaamoy rin niya ang isang kandilang nagbibigaw liwanag sa silid. Napansin niyang bahagyang nakabukas ang pinto. Hanggang sa naalala niya ang mga huling nangyari.
Bigla siyang bumangon at sumigaw. Sumakit ang katawan niya kaya muli siyang napahiga. "Katelyn! Nasaan ako? Anong nangyari?" Naalarma ang lahat nang sumigaw si Arjo at agad na pumasok sa silid. "Kuya, mabuti naman at gising ka na. Kamusta naman pakiramdam mo?" Mangiyak ngiyak na tanong ni Aria. Naipaliwanag na kay Aria ang lahat, ngunit si Arjo ay wala paring ideya sa mga nagaganap. "Aria... ayos lang ako. Anong nangyayari?" Nalilito na si Arjo sa nangyayari. "Okay kuya makinig ka. Unang una sa lahat..." "Kami ay mga babaylan. Wala kaming nadatnan na Katelyn sa daan. Maaaring nakuha siya ng mga aswang bago pa man dumating si Yusa." Mabilis na sabi ng babaeng may hawak na kape. Dahil sa mga sinabi niya ay lalong naguluhan si Arjo. Napansin niya ring ang dalawang tao sa silid ay kilala niya. Ang magasawang kapitbahay nila.
"Ako si Damian, siya ang aking asawa, si Leonor, si Zach, at si Yusa. Mga babaylan ang tawag sa amin. Siguro sa mga libro nakalagay na ang mga babaylan ay manggagamot lamang. Noon, iyon talaga ang layunin nila. Ngunit sa paglipas ng panahon, kinailangan ng mga puwersang higit pa sa lakas ng mga normal na tao. Kaya ang mga babaylan noon ay hiniling sa mga anitu na gabayan sila sa paggawa ng panibagong uri ng pakikipaglaban. Ang pagsamo sa mga anitu ay nagbigay ng pambihirang mga kakayahan sa mga tao. Ngunit tanging mga babaylan lamang ang may kakayahang gumawa nito. At ang Apo niyo, siya ay napakahusay na babaylan at kaya niyang magsamo ng apat na anitu nang sabay sabay. Siya ang nagturo sa amin at binilin niya sa amin ang protektahan kayong magkapatid bago siya pumanaw. Nanirahan kami sa inyo sapagkat nalaman namin ang kalagayan ni Apo. Nangangamba siyang anumang oras ay maaaring umatake ang masasamang nilalang na may galit sa kaniya. At umatake nga ang mga aswang ng Manggagawa, ang isa sa mga alagad ni Sitan. Diyos ng kadiliman." Medyo naguguluhan parin si Arjo ngunit sa tingin niya naman ay naintindihan niya ang sitwasyon. Nasa panganib sila at iniligtas sila ng mga taong nasa loob ng silid na iyon. "Ginoo, mabuti naman at gising ka na. Ako nga pala si Yusa. Nagmula pa sa angkan nina Indarapatra't Sulayman." Nagsalita ang lalaking nakatayo sa tabi ni Aria.
BINABASA MO ANG
Dahuyo
FantasiAng normal na buhay ng magkapatid na sina Arjo at Aria ay magbabago sa isang gabi. Isang narahuyong mundo ang madidiskubre nila, at maraming pagsubok ang kanilang kakaharapin.