Kabanata II - Mga Bisita

9 2 0
                                    

Nanlalabo ang paningin ni Arjo. Ang tanging naaaninag niya lamang ay ang patay bukas na ilaw sa daan, usok na pakiwari niya'y nanggagaling sa kaniyang motorsiklo at ang bag na dala dala ni Katelyn. Nakahandusay siya sa sahig at tila wala nang lakas upang tumayo. Nahihirapan na rin siyang huminga. Masakit ang buong katawan niya at hindi niya magalaw ito. Anong nangyari? Nasaan si Katelyn? Mga tanong na tumatakbo sa kaniyang isipan. Walang ni isang tao sa kapaligiran, sinusubukan niyang panatilihing gising ang sarili ngunit hindi na kaya ng kaniyang katawan.  Heto na ba ang dulo? Sambit niya sa kaniyang sarili, habang tumutulo sa kaniyang pisngi ang maalat niyang luha. Hiling niya na sana'y isang bangungot lamang ito at na magising na siya mula rito. Isang putok ng baril ang huli niyang narinig bago siya tuluyang pumikit.

Patuloy parin ang malakas na hangin at mga kalampag sa bubong. Paulit ulit nang tumatawag si Aria sa kuya niya ngunit hindi ito sumasagot. Nakatago siya sa kusina, malayo sa mga bintana, habang may hawak na kutsilyo. Maliit lamang ang bahay nila. Pagkapasok ng pinto ay bubungad ang sala kung saan natutulog si Arjo. Katabi nito ay ang nagiisang kuwarto. Noo'y dito sila lagi natutulog na tatlo. Ngunit hinayaan na ito sa kaniya ni Arjo dahil nagdadalaga na siya, at naisip ng lalaki na kailangan na niya ng sariling espasyo, lugar kung saan maaari siyang magisa. Nanginginig na siya sa kaba, pinipilit niyang ikalma ang kaniyang katawan. Matatag siyang babae ngunit ang mga nagaganap ay labis labis na. Hindi na siya makapagisip ng tuwid. Ang t-shirt at jersey shorts na suot niya ay unti unting nababasa ng malamig niyang pawis. Anong nangyayari sa labas? Tanong niyang magkahalong pagtataka at pagkatakot. Kanina pa rin may kumakatok ng malakas sa pintuan nila. Sumisigaw ito ngunit sa pagkatuliro ay hindi na niya maintindihan ang mga sinasambit nito. Maaari bang ang kapit bahay nila ang kumakatok? Alam niya ba ang nangyayari?

Hanggang sa puwersahan nang binuksan ang pintuan. Lalong lumakas ang tibok ng puso ni Aria at tumaas ang kaniyang balahibo. Tumutulo na sa kaniyang mga mata ang luhang dulot ng takot. Simula palang nang umuwi siya kaninang tanghali ay kinakabahan na siya. Pumasok sa kanilang tahanan ang isang taong nakasuot ng pulang roba, hindi niya gaano maabinag ang mukha nito dahil nahihilo na siya. Malakas at mabigat ang mga yabag nito. Sunod na pumasok ang isang binatang may berdeng telang nakabalunbon sa kaniyang leeg. Ang kutis ng lalaki'y mas kayumanggi ng kaunti kay Arjo. Itim ang buhok nitong nakaayos papatayo. Matalas ang mga mata nito at katamtaman ang tangos ng ilong. Nagtanggal ito ng suot niyang gloves at lumapit ito sa dalagang noo'y nakahandusay na sa sahig at umiiyak. Nakatakip ang mukha nito. "Aria. Makinig ka sakin. Hindi ako kaaway. Maniwala ka man o hindi, nandito kami para iligtas ka." Iniangat ni Aria ang kaniyang mukha nang marinig ang mahinahon at malambing na boses. Basang basa ito ng luha. Sa una, akala niya'y ito na ang kuya Arjo niya, ngunit nang makita niya ito ay ibang tao ang naroroon. Ang binatang nasa harapan niya ay dahan dahang ipinalupot ang tela sa leeg ni Aria. Pinunasan nito ng panyo ang kaniyang mukha sabay hinagod ang buhok niyang nakakalat sa kaniyang mukha. "Tahan na. Walang mananakit sayo." Sabay bitaw ng isang masiglang ngiti. Epektibo naman ang pagpapatahan niya kay Aria. Nang kalmado na si Aria ay nagtanong ito. "Sino ka? Bakit ang weird ng suot mo? May pana ka pa ano ka si robinhood?" Patawang sambit ni Aria, sinusubukang ilihis ang atensyon mula sa ingay sa labas. "Ayos ka na nga. Mamaya na ako magpapaliwanag. Sa ngayon, kailangan muna natin puntahan ang kuya, mo maaaring nasa panganib siya." Kalmadong pagpapaliwanag ng lalaki. "Ahem, baka nakakaabala ako, ligtas lang tayo sa ngayon, hindi natin nasisiguro kung may iba pang mga kalabang paparating. Kailangan na nating puntahan si Yusa at lumikas mula rito." Paalala ng isang makisig na lalaki. Ang itsura niya'y nasa tatlumpung taong gulang, matangkad, malaki ang katawan, at may bitbit na malaking espada. Kinusot ni Aria ang kaniyang mga mata at napansing pamilyar ang lalaki. Hindi kilala ni Aria ang mga lalaki ngunit alam niyang wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang sundin ang mga lalaking nasa harapan niya. May kutob rin siyang nagsasabi sila ng totoo. At kung talaga ngang nasa panganib si Arjo, ang pagtatanong niya ng kung ano ano ay maaaring makapahamak sa kaniyang kuya.

"Dalawang tanong, may hika ka ba?" Biglang sabi ng binata. Ang isa pang lalaki'y bumalik na sa labas. "Uh, wala?" Nalilitong sagot ni Aria. "Mabilis ka bang tumakbo?" Nagmamadaling tanong ng binata. "Oo." Tugon ni Aria. "Isa pa pala. May boyfriend ka na ba?" Pahabol ng lalaki bago sila lumabas ng bahay. Hindi na ito narinig ng dalaga. Hinawakan ng mahigpit ng binata ang kamay ni Aria. Sabay silang kumaripas ng takbo papalayo sa bahay.

Napansin ni Aria na may dalawang tao sa labas. Ang lalaking nakita niya kanina at isa pang babaeng pamilyar din sa kaniya na tila may kinakalabang mga hayop. Natakot siya dahil kumikitil ang lalaki gamit ang malaki niyang espada. Pero ang mga nagaganap ay malayong malayo sa isang krimeng siya ang biktima. Napakalakas ng hangin, hindi pangkaranawin ang ganito, tila may buhawing naroon lamang umiikot. Biglang tumigil ang lalaki at pinigilan si Aria mula sa pagtakbo. Binitawan nito ang kaniyang kamay ay humugot ng isang palaso mula sa isang lalagyanang nakakabit sa kaniyang pantalon. Umasinta siya sa kanilang harapan at noon lang napansin ni Aria ang isang mukhang halimaw na papunta sa kanila. Pagkatama ng palaso ng binata sa halimaw ay naging abo ito. "Mga mabababang uri ng aswang." Bulong ng binata sabay hila kay Aria at nagpatuloy sa pagkatkbo. Napansin ng dalagang may kakaiba sa mata ng lalaki. "B-bakit naging puti yung mata mo?" Higit sa kaba ay pagtataka ang bumalot kay Aria. "Hindi makakatulong sa kuya mo kung magkukuwentuhan pa tayo." Natahimik si Aria at nagpatuloy sa kaniyang pagtakbo.

DahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon