Ang bagong kasal na misis ay magtahi/magdikit ng swan's feather sa unan ni Mister upang maging tapat siya palagi.
Ang makasalo ng bulaklak na inihagis ng babaing ikinasal ay susunod na mag-aasawa.
Ang pagreregalo ng arenola ay buwenas para sa bagong kasal.
Ang sinumang babeng sumunod sa dinaanan ng bagong kasal habang papasok sa simbahan ay makakapag-asawa rin sa lalong madaling panahon.
Bigas at asin ang unang dapat na ipasok ng mga bagong kasal sa titirhan nilang bahay.
Bubuwenasin sa buhay ang sinumang bagong kasal kapag ang kanilang alagang inahing manok ay putak nang putak.
Buwenas para sa ikinakasal kapag umulan sapagkat nangangahulugan ito ng kasaganaan sa kanilang pagsasama.
Dapat unahan ng lalaki sa paglabas ng simbahan ang babae para hindi maging ander de saya.
Kailangang apakan ng babaeng ikinakasal ang paa ng lalaki habang papunta sa altar upang siya ang maging dominante sa kanilang pagsasama.
Kailangang ihatid ng banda ang mga bagong kasal para itaboy ang masamang pangitain sa kanilang pagsasama.
Kailangang iwasan ng mga ikakasal ang magbiyahe ng malayo dahil malapit sila sa disgrasya.
Kailangang maglagay ng bulsikot ng pera ang babaing ikakasal sa damit para laging may pera.
Kapag ayaw magsindi ang kandila ng sinuman sa ikinakasal, malamang na hindi magtagumpay ang pagsasama ng dalawa.
Kapag namatay ang isa sa mga kandila ng mga ikinasal, ibig sabihing isa sa kanila ang unang mamatay.
Kapag naunang tumayo ang babaeng ikinasal mula sa pagkakaluhod sa seremonya ng kasal ay magiging dominante ito. Kabaligtaran naman kapag ang lalaki ang nauna.
Magkakahiwalay ang ikinasal kapag naghiwalay ang mga kalapati na pinalipad nila.
Magpakasal makaraan ang babang luksa para huwag malasin.
Malas ang magpakasal ng sukob sa taon.
Malas na araw ang Biyernes kaya hindi dapat maglakbay, magpakasal o maglagay ng puhunan sa isang negosyo.
Masama para sa magkapatid ang magpakasal sa loob ng iisang taon.
Pagpapahatid ng lalaking ikakasal ng puso ng baboy, baka o kalabaw sa bahay ng babaing ikakasal upang ihayag ang katapatan ng pagmamahal.
Pakainin ng matamis ang bagong kasal upang maging matamis din ang kanilang pagsasama.
Para sa bagong kasal, ang sinumang maunang gumasta matapos ang kasal ang siyang magiging dominante sa kanilang pagsasama.
Sinasabuyan ng bigas ang mga bagong kasal para maging masagana ang kanilang buhay.
Sinasabuyan ng bulaklak ang mga bagong kasal bilang tanda ng kanilang pag-iibigan.
Tiyakin ang magandang pagsasama sa pamamagitan ng pagsusuklay ng buhok ng bawat isa matapos ang seremonya ng kasal.