“Isang pamilya ng manunulat ang natagpuang wala ng buhay sa loob mismo ng kanilang tahanan mga bandang ala syete ng umaga ayon sa kanilang kapitbahay na nakakita sa katawan ng mga ito. Walang nakaligtas mula sa karumaldumal na pagpatay.”Ang normal na balita mula sa radyo ang sumalubong sa amin habang nasa hapagkainan, hindi ito bago sa amin dahil halos araw-araw ay naririnig namin ang pagkamatay ng mga manunulat o 'di kaya'y tagapamahayag ng balita. Ang Lola ay agad itong pinatay at huminga ng malalim.
“Magpatuloy na lamang kayo sa pagkain.” aniya sabay mwestra sa aming mga plato.
“Kaya ako? Kailanman ay hindi ko papangarapin ang pagiging manunulat, Helia.” bulong ng aking kapatid na si Inno.
“Pwede ba tumigil ka na?” bulong ko pabalik sabay irap.
“Anong pinagbubulungan ninyo?” singit ng nakakatanda naming kapatid na si Ate Ynea.
Pareho kaming umiling, marahil ay natakot bigla sa tono niyang ma-awtoridad. Binilisan ko ang aking pagkain ngunit hindi muna tumayo, iniligpit ko lamang ang aking pinagkainan at pinatili ito sa lamesa, ang lagi kasing sinasabi sa amin ng Lola ay huwag munang tumayo hangga't mayroon pang kumakain. Kaya kahit kating-kating na akong tumayo at mag-tungo sa silid sa itaas ay hindi ko ginawa. Mabagal pa naman nang kumain ang Lola dahil matanda na at hindi na kaya ng ngipin niya ang makukunat at matitigas na pagkain. Si Ate Ynea naman ay sopistikada't mahinahon pa rin at malinis kumain kaya mabagal. Si Inno ay mabilis ngunit dahil marumi kumain ay kinakailangan pang mag-tagal para sinupin ang dumi.
“Hoy, Inno! Sa pagkakatanda ko ay ikaw ang naka-toka ngayon para hugasan ang mga pinggan!” sigaw ko sa kaniya.
Ang paglalagay niya ng kaniyang dalawang hintuturo sa mag-kabilang gilid ng kaniyang ulo ang siyang sagot niya sa akin at kumaripas na ng takbo palabas upang katagpuin ang kaniyang mga kaibigan.
“Sige na, ija.. Hayaan mo muna ang kapatid mo, bata pa iyan at lalaki pa. Mapagtatanto rin niyan na kailangan niya ring matutuhan ang gawaing-bahay.” ani Lola.
Kaya wala na akong ibang pagpipilian. Hindi lang alam ni Lola ay ilang beses ko nang pinagbigyan si Inno na ipagliban ang naka-tokang gawain sa kaniya. Maraming dahilan, minsan masakit ang tiyan at tinatawag na ng kalikasan o 'di kaya naman ay masakit ang ulo.
Pagkatapos kong mag-hugas ng mga pinggan ay naabutan ko na ang Ate sa kaniyang higaan habang nagbabasa ng libro tungkol sa Pilosopiya. Noon pa man ay alam ko na katulad ko ay hilig niya rin ang pagbabasa at pagsusulat tungkol sa buhay, realidad, pantasya, romansa, kababalaghan at kung ano pa man, basta ba ay naayon pa rin sa pagsusulat. Ngunit pareho naming alam na ang pangarap na ito ay walang lugar sa mundo.
“Anong ginagawa mo?”
“Ate! Ang ganda ng mga nobela mo!”
“Akin na nga 'yan! Hindi kita binigyan ng permiso na tignan ang mga gamit ko, Helia.” galit na ang tono ng boses niya.
“Pero, Ate—”
“Alam mo ang mga nangyayari sa mga manunulat ngayon. Pinapapatay sila ng mga politiko oras na malamang may tumutuligsa sa kanilang pamamalakad. Alam mo rin ang nangyari kay Papa. Ang mga pagbabawal sa ating ng Lola. Kaya sabihin mo sa akin, Helia.. paano ko maabot ang pangarap ko?” unti-unting nanghihina ang boses niya.
Iyon. Iyon ang unang beses na nakita kong nagalit at naging mahina ang aking Ate. Nang kalkalin ko ang kaniyang gamit noong mga bata pa kami. Tuwing nasusugatan siya sa tuhod noon ay kailanman ay hindi ko siya nakitang umiyak.. ngunit nang sabihin niya ang tungkol sa kaniyang pangarap..
.. tila isa siyang preso na gustong-gusto makalaya.. desperado, ngunit katulad ng mga ibong nahuli at nakulong, kahit anong gawin nila sa kanilang hawla, hindi pa rin sila makawala, hindi pa rin makalaya.
BINABASA MO ANG
A Writer's Plea
Cerita PendekPutok ng baril. Nagkalat ang dugo sa bawat sulok.. sa sahig. Isang sulat na naglalaman ng kahilingan. Ang pagtatapos ng sunod sunod na pagkamatay. Ang katapusan ng trahedya. Tatlong buhay na ang nawala.. at wala nang susunod pa.