11:59
Bakit antagal! Reklamo ni Jen sa PC nya.
Halos mabutas na ang desk nya kakatapik ng daliri nya rito—para bang pinagmamadali itong magbilang ng oras. Yes, walang sense, pero kahit siguro sinong makaranas ng nangyari sa kanya noong mga nakaraang minuto na iyon, kakapit kahit na sa imposible.
'Yun na yata ang pinakamalalang sumpong ng kondisyon nya sa loob ng ilang mga buwan. Matagal na yung huli—mga June siguro, the year before—bago pa sya kumunsulta sa mga eksperto at magsimulang uminom ng gamot.
Malas, wala syang gamot noong gabing yon. Ginhawa sana'y one tablet away. Di bale, isip nya, di na sya tulad noon. Naghanda siyang lumaban sa mga magulo nyang damdamin, kapit ang susi sa locker nya.
Kahit pa walang tulong kemikal, wari nya'y kaya nyang matapos ang trabaho ngayong gabi. Kailangan nya lang ang cellphone at yosi sa locker nya, at kinse minutos ng pahinga. Kaya nga gayon na lang ang impatience nya sa ilang segundong parang pagapang kung lumipas. Kailangan ng—
Bing! Mensahe galing sa workforce. Di nya na inabala pang buksan ito dahil alam nya na kung ano yun. Sa wakas, break na. "Break guys!" Sigaw nya sa team, habang mabilis nya ring pinalitan ang status nya sa PC into break.
Madalas, hinihintay nyang mauna ang buong team, bago sya umalis. Di nya yon magawa that night. Babawi na lang sya sa kanila kalaunan, para sa pagmamadali nya.
Mabilis syang naglakad, sa maliwanag na mga pasilyo ng opisina nila—direcho ang tingin, iwas distractions para masulit ang break. Lumiko sya pakanan, tungo sa locker area. Kabisado nya na ang unit nya sa puting kwarto na ito. Ikatlo sa mga nasa dulo ng silid, sa ikalawang row ng mga bakal na lalagyan.
Kinuha nya ang cellphone nya at kaha ng sigarilyo. Pagkatapos ay kinandado nya din agad ulit ang locker. Halos sabay ng tunog ng pagsusi nya sa kandado ay may narinig syang tumawag sa kanya. Mula sa may hallway sa harap ng locker room, nakita nyang kumakaway sa kanya si Katie.
"Break tayo mem!" Ulit ng dalaga. Napangiti si Jen at sumama sa kanya.
Masaya silang tumungo sa hagdanan sa gilid ng elevator—binuksan ang mabigat na fire exit door at naglakad ng dalawang palapag pababa, papuntang smoking area sa labas.
Habang pumapanaog ang dalawa, di naiwasan ni Jen na lingun-lingunin ang paligid. Medyo madilim kasi sa area na to, kumpara sa floor. Masikip din dito at mainit, walang air-con. Considering yung mulat na bangungot nya that night, talagang na-paranoid sya sa mga aninong nakikita nya sa mga makinis na pader ng maliit na espasyo.
Bago makalabas ng hagdanan ay kinurot uli sya ni Katie ng bahagya. "Huy mamsh, ano na?" Wika nito. "Ano nga vibes mo sa mga bago?"
"Wala, ok lang," sagot ni Jen, kahit medyo slow ang react nya.
Sa katitingin nya pala sa kung saan-saan, di nya narinig ang tanong ng kasama. Kaya't tinigil nya na ang pagmamasid, at itinuon ang pansin sa mga kwento ni Katie.
Kaya nga naman sya nagbreak di ba? Para di muna isipin ang nangyari, malimutan ang trauma. Sigurado syang dadalhin ng mga kwento ni Katie sa malayo ang mga pangamba nya. Puro kasi kalokohan ang madalas na kwento nito.
Paglabas ng gusali, tumawid agad sila ng kalye patungo sa bakanteng lote na may katabing Ministop. Yun ang designated na smoking area para sa mga nagtatrabaho sa mga gusaling nakahilera malapit rito.
Mukha itong napabayaang pwesto, simentado pero biyak-biyak. Parang palayang na El-niño, dahil sa mga tuyong damo na tumubo sa mga bitak. Marami silang nakasabay doon that time, at ang usok mula sa mga yosi at vape ng mga nakatambay ay nagmistulang hamog sa malamlam na ilaw ng iilang lamppost sa paligid.
BINABASA MO ANG
Kwento ng mga BROKEN
Aktuelle LiteraturAfter a bad breakup, desidido si Jen na ayusin ang kanyang buhay. Halos isang taon na ang lumipas, at para bang kalahati na ng kanyang pagkatao ang nakakapag-move on. Pero, sa ilang mga minsan na sya'y mag-isa, meron pa ring mga anino ng kalungkutan...