CHAPTER XIII-THE CHANGE OF PLANS

309 20 2
                                    

CHAPTER XIII—THE CHANGE OF PLANS

*Tok tok tok

"Rose, si sister Choleng mo 'to, pwede ka ba naming makausap?" Kanina pa kami katok nang katok sa pinto ng quarter ni Rose pero hindi pa rin kami nito pinagbubuksan. Nag-iba ang uhip ng hangin. Ang kaninang paligid na punong puno ng pagkasabik ay napalitan ng pagkalungkot dahil sa pag-alis ni Rose.

Nasasaktan ako hindi dahil nasayang lahat ng pinaghirapan namin kundi dahil 'di ko mapigilang magalit sa sarili ko. Kasalanan ko ang lahat kung bakit ito nangyari. Lalo pa akong nakukunsensya ngayong naririnig ko ang pagtangis ni Rose sa loob ng quarter. Hindi ko sineryoso 'yung pinagdaraanan niya. Kung nagpakasensitive lang ako ay napigilan ko sana ang lahat.

"'Wag na po siguro natin pilitin..mas lalo lang pong lalala 'yung nararamdaman niya." Sambit ko. Unti-unti ko nang natatanggap na aalis ako sa bahay ampunan na may lungkot sa mga labi. Taliwas sa inasahan ko.

"Mukhang ganoon nga ang mangyayari kapag pinilit pa natin siya. Pero 'wag kang magalala, hijo, alam kong magiging maayos rin si Rose. Kailangan niya lang siguro na mapag-isa sa ngayon." Sagot ng ginang sa akin.

"Pasensya na po talaga, ah. Ako naman po talaga ang may kasalanan ng lahat. Kung hindi ko po kayo pinilit na surpresahin si Rose ay hindi naman mangyayari lahat ng ito." Halos yumuko ako sa ginang. Hindi ako makatingin sa kanya nang diretso. 

"Wala kang kasalanan, Hijo, alam naman na natin na ganito ang mangyayari. Atsaka alam kong gusto mo lang siyang pasayahin. Pero ganon talaga. Hindi natin mapipilit ang puso na makalimot lalo kung ramdam mo pa rin ang kirot. Tanging oras lamang ang makakapagsabi kung kailan niya matatanggap ang lahat."

Tagos sa pusong paliwanag ni aling Choleng sa akin.

Tunay ngang hindi nakakalimot ang puso sa sakit na naranasan nito. Ang tanga ko kasi, pinilit ko pa kasing magpasaya ng tao, eh, ako naman talaga mismo 'yung nangangailangan ng kasiyahan.  Akala ko kasi kapag napasaya ko si Rose, sasaya na rin ako. Kaya ngayon na malungkot siya ay ganon rin ang nararamdaman ko.

"Siguro po, aalis na lang ako para 'di na lumala ang lahat." Malungkog kong sambit. Hindi ko inasahan na makakaramdam ako ng emosyon sa pag-alis ko dito. Halos wala pa akong isang araw dito pero iba 'yung tama ng lugar at ng mga tao dito. Ngayon lang ako nakaramdam ng mainit na pagtanggap, nakakagulat lang isipin na naranasan ko 'yon, hindi sa mga kasama ko sa paniniwala, kundi sa mga taong hinusgahan ko; sa mga taong tinanggap at tinulungan ako kahit na hindi ako kilala.

"Kuya, aalis ka na? Iiwan mo na kami?" Biglang sumulpot ang isang batang paslit sa harap namin ni aling Choleng—si Rhoid na may hawak pa na pansit sa kaliwang kamay. Halata sa mga nangungusap nitong mga mata na pabagsak na ang kanyang mga luha. Teka, naiiyak na rin ako!!

"P..asensya na, bunso, kailangan talaga umalis ni kuya, eh." Sagot ko.

"Aalis ba kayo dahil nagalit si ate Rose? Sabi po kasi ni Kuya Calvin, kaya raw nagalit si ate Rose kasi walang lumpia, eh, paborito daw po ni ate Rose 'yun. Hindi naman po mahalaga ang lumpia, hindi ba?" Tanong nito. Tila umurong ang luha ko sa mga salitang lumabas sa bibig ni Rhoid. Haays. Loko-lokong Calvin. Pero naiitidihan ko naman kung bakit kailangan niyang sabihin iyon sa bata lalo't baka hindi pa nito naiintidihan ang mga nangyayari.

Kung pwede lang humiling sa Diyos na sana katulad na lang ako ni Rhoid na inosente sa lahat ng bagay. Siguro, hindi ako masasaktan nang ganito.

"Ganon na nga siguro. Ahm, magpakabait ka dito, ah? Wag na masyadong makulit, okay?" Bilin ko. Ginulo-gulo ko pa ang buhok nito. Halos umapaw ang puso ko nang bigla akong yakapin ng bata.

"Kuya Aldus, bumalik ka, ah? Aasahan ko pagbabalik mo. Sana pag bumalik ka, may lumpia ka nang dala para 'di na malungkot si ate Rose." Bilin pa nito. Ngumiti ako nang bahagya saka niyakap ito pabalik.

"Makakaasa ka, bunso." Sagot ko pero hindi talaga ako sigurado kung makakabalik pa ako dito lalo't ganito ang iiwan ko. Wala na akong mukhang maihaharap sa kanila, lalo kay Rose.

"Sigurado ka ba, Hijo? Hindi ka ba muna kakain?" Tanong uli ng ginang sa akin.

"Hindi na po. Anong oras na rin po, eh Kailangan ko na rin po agad makabili ng ticket pauwi ng probinsya."

"Ticket?" Blangkong tanong ni aling Choleng sa akin.

"Babalik po ako sa probinsya. May aayusin po ako roon." Sagot ko.

"Ah, hindi pwedeng hindi ka kumain. Heto, teka, babaunan kita nang may makain ka sa biyahe. Hindi pwedeng walang laman ang tiyan mo." Sambit ng matanda. Habang tinitignan ko ito na naghahanda ng pagkain na para akin ay hindi ko mapigilang mahiya para sa sarili ko. Sa dinami-rami ng mga nagawa kong hindi maganda sa mga katoliko, kabutihan pa rin ang isinukli nila sa akin. Ngayon, alam ko na ang totoo. Salamat sa mga taong ito, lalong higit kay Rose, sapagkat napagtanto ko ang mga baluktot kong pananaw sa simbahang kinagagalitan ko.

Tama lang talaga ang desisyon ko na makabalik sa probinsya. Nangangako akong aayusin ko ang lahat. Lahat lahat.

Nang maibigay na ni aling Choleng ang pabaon para sa akin ay nagpaalam na ako sa kanila sa huling pagkakataon.

"May huli pa po akong kahilingan, pakibigay na lamang po ito kay Rose." Sambit ko habang inaabot ko 'yung sulat na ginawa ko kagabi pagkatapos naming mag-usap ni Rose sa chapel. Isang sulat na hinihiling kong mabasa niya. Tumango naman ang ginang saka tinanggap 'yung sulat na iniabot ko.


Nagsimula nang umandar ang bus na sinakyan ko pauwi sa probinsya nang San Juan kaya naman bahagyang umalog ang bus na dahilan para mahulog 'yung bag na nasa harapan ko. Doon ay kumalat ang ilan sa mga laman nito. Kasama doon 'yung isang bagay na biglang nagpaalala sa akin kay Rose—'yung box na naglalaman ng rosary na binigay niya sa akin.

Tila sirang plaka na nagpaulit-ulit sa utak ko 'yung bilin ni Rose sa akin na sa tuwing maalala ko siya ay piliin ko raw na magdasal ng santo rosaryo sa Ina.

Sa unang pagkakataon, 'di ko namalayan na ginagawa ko na pala ang bilin ni Rose sa akin—ang mag-alay ng dasal gamit ang rosaryong bigay niya.

TO BE CONTINUED

Sacristan: the curtains unveiled (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon