Sing This Message (Prologue)

8 0 0
                                    

Sing This Message

Kung wala nang salita ang lumalabas sa bibig mo, ano nga ba ang pwede mong ipamalit para maiparating pa rin ang gusto mo?

Noong unang panahon, nahihirapan ang mga tao na ibahagi ang nais nilang sabihin sa iba. Kung maiparating man, hindi nanunuot ang sinseridad at damdamin sa kanyang puso ng mensaheng nais iparating.

Madalas na nagkakaroon ng di pagkakaunawaan ang mga tao. Madalas ang di nagkakasalubong na ideya. Walang pagkakaisa. Wala.

Isang araw, dumating ang isang kabigha-bighaning dalaga sa mundo. Suot niya ang isang mahabng puting kasuotan na abot sa kanyang paa. Sumasayad ang malambot nitong tela sa maputik na kalsada. Ang kanyang buhok ay umaalom sa bawat lakad niya. Makinis at maputi ang balat ng babae. Mayroon itong namumungay na mga mata at mapupupang labi.

Ngunit ang kagandahan niya ay hindi natatapos sa kanyang panlabas na anyo. Umabot ito hanggang sa kanyang puso.

Simula nang dumating ang babaeng ito, ay nakuryoso ang mga tao sa kanya. Sa tuwing umaga hanggang tanghali ay hindi makikita ang dalaga ngunit, tuwing sasapit ang malalim na gabi,makikita mo siya. Nakatayo, dungaw ang malaki at mabilog na buwan sa ilalim ng puno ng acacia. At maririnig ang tinig niyang sing-lamig ng pang-gabing hangin at sing-lamyos ng tawa ng isang sanggol. Umaawit siya ng isang awitin ngunit wala itong tiyak na liriko.

Ito ang unang musika ng mundo.

Siya ang musika.

Lumipas ang ilang linggo, kumalat ang tungkol sa misteryosang dalaga na umaawit. Ang musika.

Kumalat ito sa dalawang rason; una ay tungkol sa katauhan ng dalaga, at pangalawa, ang kapayapaan na naibigay nito sa bawat taong nakaririnig.

Umabot ang balitang ito sa isang binata. Isa siyang dating musikero ngunit mas natagpuan ang pagmamahal sa pagtagpi-tagpi ng mga salita na nakabubuo ng magagandang kuwento -- malungkot man o masaya.

Tagos sa puso at kaluluwa ang kwento ng bawat tula na kanyang ginagawa. Na kinahumalingan ng marami. Pero hindi lahat ay nasisiyahan sa kanyang gawa. May ilan na nakikitang hindi nakakaengganyo ang gawa niya. Naiisip nilang, wala naman itong dating. Puro lang ito mga salita. Pinagtagpi-tagpi man para makabuo ng tula at makapukaw ng damdamin -- nananatili itong, walang dating.

Kaya nang malaman niya ang tungkol sa misteryosang babae, agad siyang tumulak para puntahan ito. Tinanong niya kahit sino matagpuan lamang siya. Ngunit nanatiling hindi alam ng kahit sino kung saan nga ba talaga matatagpuan ang misteryosong babae. May nagsabi man na sa ilalim ng puno ng acacia ito matatagpuan, alin doon? Saan doon? Lahat, walang alam na detalyadong impormasyon saan siya makikita o kahit, sino man talaga siya. Anong ngalan niya.

Wala.

Pero, alam ng karamihan kung kailan ang pag-awit ng babae.

Sa malamig na gabi, hahaplos ang hangin kasabay ng pag-hele ng kanyang tinig. Dadalhin ka ng awitin niya sa kailaliman ng iyong damdamin. Ano nga ba ang iyong nadarama?

Nag-tiyaga siyang maghintay. Tiniis niya ang pagod at kawalang pag-asa ng ginagawa.

Hawak ang papel ng kanyang pinakamamahal na tula, naupo siya sa ilalim ng isang mayabong at matayog na puno. Tanaw niya mula rito ang kabahayanan ng mga taong naninirhaan sa lugar na iyon. Ang damo ay may kakaibang pakiramdam sa tuwing humahangin ito. Daig pa ang malambot na kama sa nakaka-gaan nitong pakiramdam.

Hanggang sa siya ay makatulog.

--

Ito na ata ang pinaka magandang tinig na narinig niya.

Take It SlowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon