Kabanata 2

1 0 0
                                    


Kabanata 2

Manila

Ang syudad ng Manila ay ibang-iba sa kinalakhan kong probinsya. Ang mga mayayaman sa aming lugar ay tila ba normal na mamamayan lamang rito kung ang mga disenyo ng damit, palamuti sa katawan, at itsura ng kalesa ang pagbabasehan. Tiningnan ko ang aking suot. Ang dating puting kamiseta ay ngayon naluma na ng panahon habang ang saya ko namay minana ko pa sa aking ina. Bumuntong hininga ako. Hindi rin naman ako pagtutuonan ng pansin dito, alu ko sa sarili.

"Ana! Halikana't pumarito. Hindi isasaing ng bigas ang kanyang sarili para sa hapunan." Sigaw ni Tya Lita na ngayon ay mukhang nag-aalala na.

"Opo Tiya Lita!" sagot ko sabay panhik sa kinaroroonan niya.

"Tandaan mo. Ang mga amo natin ay sina Alcalde Mayor Joaquin at si Donya Flordeliza. Ang kanilang panganay na anak ay si Ginoong Antonio, kasalukuyan siyang nagaral ng medisina. Wari ko ay sa Espanya siya pagpaaralin kalaunan. Sinundan naman ni Ginoong Manolo ang batang ginoo... Ana? Nakikinig ka pa ba sa akin?" Kinurot niya ang aking tagiliran.

"Aray! Opo tiya. Kanina mo pa iyan inuulit-ulit sa byahe." Sagot ko sa kanya habang bahagyang tumatawa. Ngumiwi lamang siya.

Nakapasok na kami sa bakuran ng bahay na pinagsisilbihan ni Tiya Lita at simula ngayong araw ay pagsisilbihan ko na rin. Namangha ako sa ganda nito. Ang bahay ay dalawang palapag at gawa sa makintab na kahoy. May iba't-ibang kulay ng bulaklak ang dumidesenyo sa ibaba ng mga bintana. Ito ang pinakamalaking mansyon nakita ko. Ngunit bago pa man kami makapasok ay tumunog ang kabig ng mga kabayo na papalapit, hudyat na may paparating. Nilingon namin iyon ni Tiya Lita.

Pumasok ang kalesa sa mansyon at huminto. Mula sa kalooban nito ay lumabas ang isang matandang mestizo. Medyo halata na ang kanyang edad. Ang kanyang buhok ay may mga guhit ng puting buhok at ang balat na pumalibot sa kanyang mata ay may kulubot na. Ganoon pa man, masasabi kong guwapo pa rin siya. Bukod sa kanyang balat na bahagyang namumula pa, ay may matangos siyang ilong at ang hulma ng kanyang mga mata ay kakaiba rin. Halatang hindi siya indio.

Walang hiya ko siyang tinitigan. May isa pang sakay ang kalesa ngunit bago ko pa man makilatis ito ay hinila na ako ni Tiya Lita papunta sa loob ng mansyon.

"Iyon ang ating mga amo, Ana. Mabuti pa at dalhin mo muna ang iyong mga gamit sa kwarto natin nang mapakilala na kita sa iba pang kasambahay dito." Nilingon ko muli ang kalesa. Tumama ang aking mga mata sa isang matipunong lalaki.

Mas matangkad siya sa naunang matanda kanina ngunit di tulad ng matanda, simple lamang ang kanyang kasuotan. Mukhang mestizo rin siya dahil mapusyaw ang kulay ng kanyang balat at matangos ang kanyang ilong. Ang kanyang makakapal na mga kilay ay magkasalubong na at nakakunot ang noo habang tinatanaw kami. Lumaki ang aking mata at muntik ko ng mabitawan ang dinadala.

Sa akin ba siya nakatitig?

Agad akong tumalikod upang maiwasan ang kanyang mga mata. Naghuhuramentado ang aking dibdib habang sumunod kang Tiya Lita sa loob ng mansyon. Kapuri-puri man ang paligid ay hindi ko na masyadong napansin ito sapagkat kinakabahan pa rin ako sa naganap kanina.

Anak kaya ni Alcalde Mayor Joaquin ang matipunong lalaking iyon? Hindi ko alam kung bakit pero tila may paru-paru ang aking tiyan habang iniisip ito. Ano ba itong iniisip ko? Kung anak siya ni Alcalde Mayor, malamang amo ko rin siya. Tinuon ko nalamang ang aking pansin sa mga pinapagawa ni tiya at pilit binabalewala ang isipan.

Lumipas ang ilang oras at nakasalamuha ko na ang iba pang tauhan sa bahay. Hindi ko namalayan ang bilis ng panahon dahil okupado ako sa pagtulong sa kusina. Kahit na bago pa ako at inabisuhang magpahinga muna ay nakapdesisyon akong tumulong. Ayoko isipin nila na pabigat ako rito at baka ay mawalan pa ako ng trabaho!

Ayon kay Tiya Lita, ang trabaho ko raw ay bantayan ang pinakabatang anak nina Alcalde Mayor Joaquin at Donya Flordeliza. Sampung gulang na dalagita pa lamang ito. Inatasan akong pagsilbihan siya ngunit kung kaya, ay tutulong din dapat ako iba pang gawaing bahay.

Sobra akong napagod sa araw na ito. Mabigat man ang katawan sa biyahe ay pinilit ko pa ring magtrabaho. Minsan ay naiisip ko ang mga mestizong lalaki kanina ngunit binabalewala ko lang din ito. Pagkatapos kumain ng aming mga amo ay kami naman. May sarili kaming hapag sa kusina. Lubos ang aking gulat nang malaman na ang ulam namin ay pareho sa kanila. Sa probinsya kasi, sa pinagtratrabahuan ni ina ay iba ang ulam ng amo sa mga alipin.

"Kumain ka nang maigi Ana. Simula pa lamang ito ng trabaho ngunit mukhang pagod ka na." Biro ng tagaluto, si Aling Belen.

"Pasensya na po. Medyo pagod po ako sa byahe kanina pero maaasahan niyo po ako!" Sagot ko sabay ngiti.

"Aba, gusto ko itong pamangkin mo Lita!" Tawa naman niya.

"Masipag talaga ang pamangkin ko Belen. Oh Ana, pagkatapos mong kumain ay tutulungan mo dapat ang iyong bantay maligo at magbihis ngunit hindi ka pa niya pormal na kilala kaya ako nalang muna. Tumulong ka nalang muna sa paghugas ng mga pinggan pagkatapos mong kumain." Utos ni Tiya. Pakiramdam ko ang aking Tiya talaga ang aking amo rito.

"Opo Tiya Lita!" masigla ko pa ring sagot.

Nang matapos kaming kumain ay nagligpit na kami. Tahimik na ang mansyon. Sabi ni Carmen, isa pang kasambahay, diritso na raw ang aming mga amo sa kani-kanilang silid pagkatapos ang hapunan.

Iisa lamang ang silid tulugan ng mga babaeng kasambahay habang sa iba naman ang mga lalaki. Nagsiksikan sina Tiya Lita at Aling Belen sa kama habang sa sahig naman kaming tatlo nina Carmen at Dolores. Ipinaubaya namin sa kanila ang kama dahil medyo may edad na sila.

Ilang minuto akong nakatunganga lang. Pagod man sa byahe at mga gawain ay hindi pa rin ako makatulog. Gusto ko man magbago ng ayos sa pagkakahiga ay hindi ko rin magawa at bakay magising ko pa sila. Bumuntong hiniga ako.

Iinom nalamang ako ng tubig at baka'y makatulong iyon. Kailangan ko pa namang bumangon nang maaga bukas. Hinay-hinay ako sa aking paglabas upang hindi ko sila madistorbo. Madilim man at hindi masyadong gamay ang paligid ay natunton ko pa rin ang kusina.

Ang totoo ay nag-aalala ako. Bago lahat sa aking paningin. Ang paligid, ang mga tao, ang trabaho ko. Natatakot ako na hindi ko kayanin ang lahat ng mga pagbabagong ito. Tama ba ang paglisan ko sa probinsya?

Nangangahalati na ako sa aking tubig nang may narinig akong naglalakad. Kumalabog ang aking dibdib. Multo ba iyon? Magnanakaw? Nanginginig kong nilapag ang baso.

Dahil sa takot ko ay nagwala na ang aking imahenasyon. Hindi ko alam ang gagawin! Hindi ko alam kung alin ang gusto kong makita, multo ba o magnanakaw. Malas naman oh!

Kumuha ako ng kutsilyo dahil sa takot at kaba. Buti nalang at nasa kusina ako. Maaari kong gawing panakot ang kutsilyo kung magnanakaw nga iyon at sisigaw nalang ako kung multo man.

Nanginginig kong tinungo ang lugar kung saan may narinig ako. Pumasok nalang kaya ako sa kwarto at magpanggap na walang narinig? Umiling ako. Ano ba 'tong iniisip ko! Baka ay may mapahamak pa.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hindi ako makapaniwala!

Imbis na magnanakaw o multo ay iyong matipunong lalake kanina ang nakita ko. Nakadungaw siya sa bintana at mukhang malalim ang iniisip. Sa ginhawa ko ay hindi ko napigilang magsalita.

TinatangiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon