Kumagat na ang dilim, nakapagpahinga na ang sugatang si Haring Geramo. Naghilom man ang mga sugat at napunasan ang mga galos, subalit hindi maaalis ang mga tinik sa puso't isipan niya.
Bumangon siya mula sa pagkakahiga at dahan dahang tumingin sa bintana. Nakita niya doon ang dagat. Ang malawak na anyong tubig na may kaugnayan sa kanyang kapangyarihan.
Hinawakan niya ang kanan niyang palad at muling tumingin sa dagat. Napaiyak siya habang tinitingnan ang mga alon. Mga alon na tila nagsusumamo sa kanya bilang tagapangalaga ng Karagatan.
Nanlulumbay ang kaniyang puso at di napigilang tumangis. Sino bang mag-aakala na ang matipuno at magiting na haring katulad niya, ay babahain ng luha ang sariling wangis.
"Wala man lang akong nagawa!"
Sa kanyang pag-iyak ay madarama ninuman ang pighati at panghihinayang.
Tatlong araw na ang dumaan ngunit parang kanina pa nangyari ang lahat.
Sa kahariang pinamumunuan ni Haring Geramo.
Nasa ilalim ng dagat ang Hari upang makapag-isip. Biyaya ng kanyang kapangyarihan ang makahinga sa ilalim ng tubig kahit gaano pa katagal siya manatili. Dinadama niya ang pwersa na nagdadala ng hiwaga, sa bawat paglangoy ng mga isda, pagsayaw ng mga halaman at ang pagdaloy ng tubig.
Pinapalakas niya ang kanyang kapangyarihan gamit ang tulong ng mga salamangkang sumusuporta sa balanse ng buhay ng lahat ng nilalang sa tubig.
Ang anumang anyo ng tubig ang sumusuporta sa kapangyarihan ni Haring Geramo. Ito ang nagsisilbing ugat, siya ang katawan, ang mga nilalang ang dahon at sanga, at ang Kapangyarihan ng Tubig ang siyang bunga.
Ipinikit ni Haring Geramo ang kaniyang mga mata at nagsabing, "Sa ngalan ng Bathaluman at Bathalang nagsilang sa lahat ng anyong tubig.. bilang inyong lingkod, ako'y nagsusumamo sa inyo."
Ilang sandali pa ay lalong naging mahinahon ang dagat. Dumilat ang Hari at nakitang mas naging malinaw ang tubig, isang tubig na bumabalot sa kanya na walang kahit isang munting isda ang makikita.
"Salamat sa pagdinig sa isang hamak na Haring katulad ko"
Gumalaw muli ang tubig at tila may sinasabi ito, na ang Hari lamang ang siyang nakakarinig at nakakaintindi.
" Ano ang iyong kailangan Geramo?" salita ng dalawang boses - isang babae at lalaki.
Isang malaking karangalan para kay Haring Geramo ang makausap muli ang Bathaluman at Bathala ng Tubig.
"Nais ko po sanang humiling sa inyo"
"At ano ang iyong kahilingan Geramo?"
Nagdadalawang-isip man ang Hari subalit kanya itong sinambit. "Kung inyo pong mamarapatin, gusto ko sanang humingi ng basbas mula sa inyo upang lalong lumakas ang aking kapangyarihan."
"Geramo, maaari ka namang manatili sa tubig ng ilang oras upang ika'y lumakas." Mungkahi ng babaeng boses.
"Malakas ka na Geramo. Ikaw nga ang napili naming maging tagapangalaga ng Tubig!" malakas na tinig ng lalaki.
"Ngunit.. nais ko lamang na masigurong ligtas ang aking kaharian." paliwanag ni Haring Geramo.
"Walang ligtas na lugar sa kahit saan mang mundo Geramo." pagpapangaral ng dalawa.
Nanatiling tahimik ang Hari at parang nahihiya na siyang makausap ang Bathala at Bathaluman ng Tubig.
"Sana'y maintindihan mo Geramo, may mga bagay na kailangang mangyari."
BINABASA MO ANG
Ang Paglisan
ФэнтезиMay mga lihim na pilit tinatago ang batang si Nelly. Subalit, lingid sa kanyang kaalaman ang mga sikretong kanyang mauungkat sa paglalakbay. Makakasalimuha niya ang mga nilalang at bibigyang kasagutan ang mga tanong na bumabagabag sa kanyang pagkat...