Paalam, Mahal

5 0 0
                                    

Sa pagmulat ng mga mata, bulto mo ang namasdan. Unti-unting tinutungo ang daan palabas. Hindi lamang palabas ng pinto kundi palabas rin ng aking buhay.

Sa nagdaang gabi, naalala ko ang mga pangyayari. Matagal na tayong 'di nagkakaintindihan. Wala kasing may gustong umintindi. Parehong makitid ang ating mga utak. Marahil ay pawang pagod na sa singhal na paliwanag ng bawat isa.

"Bakit kinailangan natin mauwi sa ganito?" ang tanong mo. Wala akong maisagot. Mga luhang kanina mo pa pinipigilang pumatak, ngayon ay pawang nagpapaunahan pa.

Mahigpit na yakap ang aking nagawa. Mga luha mo'y pinawi. Mga matang nakatunghay, nagsasabing "Mahal kita."

Sa huling pagkakataon ay inangkin ko ang iyong mga labi. Init nito ang laging nagpapabaliw. Naramdaman ko nalang na unti-unti nang kumikilos ang aking mga kamay. Sa huling pagkakataon ay inangkin ko ang iyong mga dibdib. Mga luha mo'y patuloy pa rin sa pagpatak. Sa huling pagkakataon tayo'y naging isa.

Luha ko naman ang nagsimulang lumandas. Iyo itong pinunasan. Nakangiti ngunit patuloy ang pag-iyak ay nasambit mo, "Mahal kita pero tama na. Pagod na ako. Pagod na tayo. Bukas, aalis na ako hindi lang dito, kundi pati na rin sa buhay mo. Salamat."

Wala akong ibang nagawa kundi ang tumango. Sumuko ka na. Sinuko mo na ako. Mahal rin kita pero pagod ka na. Hindi pa ako sumusuko pero dahil wala na akong kasamang lalaban, siguro nga'y tama na.

Wala ka na. Bumangon na ako upang simulan ang buhay nang mag-isa. Ipagpatuloy ang mga bagay na hindi ka kasama.

Sa lamesa'y aking nakita ang isang maliit na aparato. Mayroon itong dalawang pulang guhit. Sa tabi nito ang isang maliit ring sulat.

"Hindi ako pwedeng maging hadlang sa mga pangarap mo. Tapusin mo ang pag-aaral mo ha? Ituloy mo ang mga pangarap natin. Pasayahin mo ang mga magulang mo. Aalagaan ko siya. Papalakihin ko siya na kilala ka. Sa oras na tama na ang mga mali natin, babalik ako, kami. Mahal na mahal kita. Sana ay maintindihan mo ang naging desisyon ko."

Muli ay pumatak ang aking mga luha.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 02, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Tropang One ShotsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon