Kabanata 1: Dilim

9.6K 222 9
                                    

"Bakit ang dilim dito? Napundi na naman ba ang ilaw natin?" tanong ni Mireng sa mga apo.

"E, kasi lola pinatayan kami ng ilaw ni lola Rosie," sagot ni Romer.

"Aba e, bakit daw?" balik tanong ni Mireng sa apo habang kinakapa ng paa ang sahig na hindi pantay-pantay.

"Maingay daw kasi kami, e." Sagot naman ng pinakabatang apo na si Mercedes.

"Ano ba naman kasi ang ginawa ninyo? Alam niyo naman na ayaw nila ng nagkakagulo kayo 'di ba?" malumanay na sermon ng lola sa kanyang mga apo.

Hindi makasagot si Cristina. Nahihiya dahil sa dinatnan ng lolang pagod mula sa pagbobote.

"Nagtaguan lang naman kami, saka nagtatawanan lang naman kami. Maingay na ba 'yon, lola?" Paliwanag ni Romer.

"Sa liit nitong bahay natin, nakapaglaro pa kayo ng taguan?" nagtatakang tanong ni Mireng.

"Opo lola! Nagtalukbong si ate Cristina ng kumot tapos hinahanap niya kami! Ganito, o." Pagkasabi'y nagtalukbong na ng kumot si Mercedes at saka kinapa ng kamay ang lola nila.

Mabilis namang umilag si Mireng kaya hindi nahawakan ng apo. Pumihit si Mercedes at nangapa ng mahuhuli. Nangiti si Cristina, bagama't pusikit ang liwanag, nakikita niya ang ngiti sa mga labi ng kanilang lola.

Nagtawanan na naman silang magkakapatid, pati ang lola nila ay malakas na ring natatawa tuwing makakailag sa mga kamay ni Mercedez na nakatalukbong pa rin ng kumot.

"Kaya naman pala walang disiplina ang mga batang iyan kinukunsinti mo!" malakas na boses ang nagpatigil sa tawanan nilang maglo-lola.

"Imbis na sawayin mo, aba'y nakisali ka pa sa gulo. Ibang klase ka rin, ano?" pang uuyam ni Rosie. Panganay na kapatid ng yumaong asawa ni Mireng.

"Pasensya ka na Ate Rosie, nagkakatuwaan lang naman kami ng mga apo ko." Nagpapakumbabang paliwanag ni Mireng sa hipag.

"Kaya wala na kayong pakialam kahit nakakabulahaw pa kayo ng mga natutulog, gano'n ba?"

"Ang aga-aga pa natutulog na kayo? Tayo lola hindi pa kumakain, 'di ba?" nagtatakang tanong ni Mercedes kay Mireng.

"O, nakita mo na kung paano mamilosopo ang isang ito? Aba Mireng, suhetuhin mo ang mga apo mo. Baka mainis niyo ko, e sa kalsada kayo matulog ngayong gabi!" pananakot ni Rosie.

"Pasensiya ka na Ate, hayaan mo at pagsasabihan ko ang mga apo ko." nagpapakumbabang sabi uli ni Mireng sa hipag na nakataas ang noo.
Umirap pa ito bago tuluyang nagmartsa palabas ng pintuan.

Sinenyasan na lang nito ang mga apo na huwag maingay. Pagkatapos ay inayos na ang hapunan. Agad namang tumulong si Cristina. Nang maihanda na sa lapag ang pagkain, sabay-sabay na nila itong pinagsaluhan. Nagtiis na lamang sa kakarampot na liwanag mula sa maliit na gaserang de gaas.

Matapos kumain ay nagtulong- tulong sila sa pagliligpit. Nagkusot si Cristina ng isang basahan na nilagyan ng kaunting pulbos na sabon at pagkatapos ay paulit-ulit na pinunasan ang sahig na siya rin nilang tutulugan. Pagkaraan ng masayang kwentuhan at kani-kaniyang pagbibida ng dalawang nakababatang apo, naghanda na sila sa pagtulog. Ilang sandali pa'y himbing na ang mga ito.

Ngalay na ang kili-kili ni Mireng sa kapapaypay upang hindi makagat ng lamok ang mga apo nang bumukas ang iisang bumbilya na nagbibigay liwanag sa apat na sulok ng maliit nilang bahay.

Maagap nitong isinaksak sa kurdon ang lumang bentilador na maingay na ang tunog. Inilagay sa tapat ng mga nakahigang apo at nang masigurong nahahanginan na ang tatlo ay humiga na rin at natulog.

Buhay ko man ay 'di sapat Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon