Kabanata 6: Kontrabida

3.5K 146 22
                                    

"Ano na naman ba ang mga basurang ito ha, Mireng?! Aba e, ginagawa ninyong bodega ng kuyagot ang bakuran ko a! At kung magtawanan kayo ay parang kayo lang ang tao dito!" galit na sita ni Rosie.

Biglang naputol ang tawanan nila sa biglang pagsulpot ng masungit na ale. Nakapamewang pa ito at panay ang paypay sa mukha ng kulay gintong abaniko. Ang tingin nila dito ay parang si Donya Agueda na kontrabida sa sikat na teleseryeng "Flordeluna".

Tumayo na si Regina at magalang na nagpaalam sa babaeng nakaarko ang isang kilay.

"Hmp! Mabuti pa nga, nakakadagdag ka lang ng gulo dito," nakaismid na sabi ni Rosie.

Sinenyasan ni Cristina ang dalawang kapatid na pumasok na sa loob ng bahay, agad namang sumunod ang mga ito. Lumapit si Cristina sa tatlong sako na nakapahiga sa lupa at isa-isang hinila. Itinayo pasandal sa gilid ng kanilang pintuan. Habang nakasunod ang matalim na titig ng lolang hindi yata alam na apo rin sila.

"Pasensya na po kayo Lola Rosie. Mga diyaryo at plastik lang naman po ang laman ng mga sakong 'yan. Malilinis naman po," hinging paumanhin at pagpapaliwanag ni Cristina.

Inako na niya ang paghingi ng paumanhin upang hindi na ang lola Mireng niya ang gumawa ng gano'n.

"Kahit ano pa ang sabihin mo ay basura pa rin 'yan! Dala kayo nang dala ng mga kalat dito! Baka kung ano'ng mikrobyo ang nandiyan at mapunta pa sa amin! Maige sana kung kayo lang! Matibay na ang katawan ninyo sa dumi dahil sanay na kayo sa basura! E, paano kami?! Hay naku! Palibhasa ay sanay kayo sa mabaho. Alisin niyo agad 'yan dito, nagkakaintindihan ba tayo?!" galit na sabi pa rin ni Rosie, kay Mireng nakatingin.

"Opo Lola." Mabilis na sagot ni Cristina upang matigil na ito sa katatalak.

Tumalikod na nga ito sa kanila habang nanghahaba ang nguso at panay ang bulong. Nang lapitan ni Cristina ang kanyang lola, ngumiti lang ito sa kanya. Alam niyang pinipigil lamang nito ang galit sa inabot na pagkapahiya.

Ganun ang lola niya, hindi ito nagpapahalata na nasasaktan upang maiwasang mas lumaki ang problema. Ang pangaral kasi nito sa kanila ay dapat igalang ang nakakatanda. Kaya kahit gustung-gusto na niyang sumagot at lumaban ay hindi niya magawa. Ayaw niyang sumuway sa bilin nito.

Nang malingunan niya ang dalawang kapatid, nakasilip ang mga ito sa maliit nilang bintana. Ang kaninang saya sa mukha ay napalitan ng lungkot. Ngumiti siya sa mga ito at pagkatapos ay pinakenkoy ang mukha. Pagkatapos lumingon sa pinanggalingan ni Rosie ay ginaya niya ang itsura nito kanina habang nakapamewang sa kanila.

Napatawa ang dalawang kapatid sa ginawa niya. Maging si Mireng ay natawa rin nang makita siya. Nang may ituro si Romer sa gawing likuran at ang mukha ay parang natakot..., ay napahinto siya sa ginagawa. Mabilis siyang napalingon sa pag aakalang bumalik si Rosie at nakatingin na pala sa kanya.

Nang makitang wala naman pala ay biglang lingon uli siya sa mga kapatid na tawa na ng tawa. Pinasingkit niya ang mata at kunwaring nagagalit na sinugod ang dalawang agad na nagtakbuhan. Nang abutan sa loob ng bahay ay pinagkikiliti niya ang mga ito. Saglit lang at napuno na uli ng matitinis na tawanan ang kanilang bahay.

"Shhh..., 'wag kayong maingay at baka bumalik na naman ang Ate. Kayo rin...," saway pananakot ni Mireng sa mga apo.

Agad namang tumahimik ang tatlo at nagkatinginan, pagkatapos ay nagtawanan uli habang nakatakip ng kamay ang bibig.

Natawa na rin si Mireng sa mga apo. Kahit mga bata pa ay agad natutunan ng mga ito pagaanin ang loob ng isa't isa sa sitwasyong nakakalungkot.

Buhay ko man ay 'di sapat Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon